Salin ito ng kabanatang “On Love” mula sa “The Prophet” ni Kahlil Gibran.
Kapag pumara na ang pag-ibig, sundan mo,
gaano man kahirap o katarik ang kanyang daan.
At kung balutin ka niya ng kanyang pakpak, isuko mo ang iyong sarili,
nagkukubli man ang mga espada sa kanyang pakpak at maaari kang sugatan.
At kung mangaral siya maniwala ka,
Mabasag man niya ang iyong mga pangarap
gaya ng pagwasak ng delubyo sa hardin.
‘Pagkat putungan ka man ng korona ng pag-ibig, kaya ka rin niyang ipako. Kahit siya’y para sa ‘yong paglago, kaya ka rin niyang hawanin.
Kahit pa siya manaog at yapusin ang mga sangang nagtutugyaw sa liwanag ng araw,
Kaya rin niyang lumusong sa ‘yong mga ugat, para yanigin ito mula sa pagkakapit sa mundo.
Gaya ng isang karitela ng mais, iipunin ka niya sa kanya.
Binabalatan ka niya hanggang kahubdan.
Kinakayas upang maging malaya.
Dinudurog hanggang sa kaputian.
Minamasa hanggang lumambot;
Saka isinasalang sa sagradong ningas, nang ika’y maging sagradong tinapay para sa sagradong piging ng Panginoon.
Lahat ng ito’y gagawin sa ‘yo ng pag-ibig nang mapagtanto mo ang hiwaga ng puso, at nang ang kaalamang iyo’y maging piraso ng puso ng Buhay.

Subalit kung sa iyong pangamba’y hanapin mo lamang ang kapayaan at kasiyahang dala ng pag-ibig,
Mainam pang balutin mo ang iyong kahubdan at huwag nang sumalang pa sa giikan,
Sa mundong walang panahon, tatawa ka ngunit hindi lahat ng iyong halakhak, at tatangis ka, ngunit hindi lahat ng iyong iyak.
Tanging kanyang sarili ang ibinibigay ng pag-ibig at lahat ng ito’y galing sa kanya lamang.
Pag-ibig ang nangungubkob at hindi ito ang sinasakop
Sapagkat ang pag-ibig, sapat na sa pag-ibig lamang.
Kung ika’y umiibig huwag mong sabihing, “Nasa puso mo ang Diyos,” bagkus, “Nasa puso ako ng Diyos.”
At huwag mong isaulong kaya mong diktahan kung saan patungo ang pag-ibig, sapagkat ang pag-ibig, kung napagtanto niyang ika’y karapat-dapat, siya mismo ang magbibigay ng direksyon sa iyo.

Walang ibang nais ang pag-ibig kung hindi tupdin ang kanyang sarili.
Ngunit kung ika’y iibig at may pagnanais, ito ang iyong naisin:
Na matunaw at umagos gaya ng batis na umaawit sa saliw ng gabi.
Na malaman ang pait ng labis na lambing.
Na masugatan dahil sa sarili mong pag-unawa sa pag-ibig;
At nang magdugo nang buong nais at tuwa.
Na maalimpungatan sa bukang-liwayway nang may magaang puso at pasasalamat sa isa pang araw ng pagmamahalan;
Na saglit na makapagpahinga sa hapon at pagnilayan ang dalang ligaya ng pag-ibig;
Na umuwi sa dapit-hapon nang may buong-pasasalamat;
At na matulog nang may panalangin para sa iyong mahal at may papuri sa iyong mga labi.
Ang Manunulat

Si Toni Tiemsin ang Punong Patnugot ng SubSelfie.com.
Narito ang iba niyang mga kwento at tula.
2 Comments Add yours