“Mag-ingat kayo sa mga Manobo. Hindi edukado ‘yan. Lolokohin lang kayo ng mga ‘yan.”
Iyan ang unang babalang natanggap namin sa muling pagtungtong namin sa Mindanao ngayong Agosto. Isang pa-retirong guro sa bayan ng Hinatuan ang nagpabatid sa amin nito — ang mga Manobo’y wala raw pinag-aralan at mga mandurugas. Hindi raw sila dapat pagkatiwalaan sa aming paglilibot sa Surigao del Sur.
Parang may sumuntok sa dibdib ko. Gusto kong itama si Nanay. Gusto ko siyang pagsabihan. Gusto kong ipagtanggol ang mga Manobo. Ngunit nanatiling nakatikom ang aking bibig. Mas pinili kong manahimik na lamang. Una, dahil nakikituloy lang ako sa kanila at ayaw ko siyang mabastos. Pangalawa, at sa tingin ko’y mas mahalaga, dahil baka biktima rin siya ng kamangmangan. Baka salat siya sa kaalaman tungkol sa ating mga katutubong pangkat.
Nakapagtataka lang. Kung siya’y isang guro, hindi ba niya batid ang DepEd Order No. 22, s.2011? Hindi ba nakarating sa kanilang lalawigan ang nasabing kautusan? Sinlinaw pa man din ng tubig sa Enchanted River ang pamagat nito — Adopting the National Indigenous Peoples (IP) Education Policy Framework.
Marahil nga’y hindi.
Kung sakaling alam ito ni Nanay, malalaman niyang bahagi ng kanyang tungkulin ang isulong ang pakikilahok at pagpapaunlad ng mga katutubong Pilipino… kabilang na ang mga Manobong walang kagatul-gatol niyang binansagang “hindi edukado.”
Sa pangunguna nina dating Education Secretary Bro. Armin Luistro at IP education head Rozanno Rufino, nabigyang halaga ang edukasyon ng mga katutubong Pilipino na nakabatay sa kanilang tradisyon, kultura at lupaing ninuno o ancestral domain. Sa katunayan, maraming katutubong paaralan ang may sariling pamantayan at curriculum sa pagtuturo na iba sa karaniwang ginagamit sa Pilipinas.
Kung hindi man batid ni Nanay ang tungkol dito, siguro naman may kamalayan siya sa pagdurusa at panganib ng mga Manobo sa kasalukuyan. Siguro naman nakarating sa kanya ang balita tungkol sa pang-aabuso sa mga Lumad sa Mindanao. Kahit ito man lang sana’y isinaalang-alang niya bago binitawan ang mapanghamak na mga salita sa amin.
Noong isang taon, ika-24 Agosto, isang 14 na taong dalagitang Manobo mula sa Talaingod ang nagsampa ng kasong panggagahasa sa tatlong sundalo. Kinumpirma ito ng militar ngunit agad ding nabawi ang kaso matapos mabayaran ng P63,000 ang pamilya ng biktima.
Noong ika-27 ng Agosto, 2015, hinuli ng mga sundalo ang labing-isang pinuno ng mga Manobo sa bayan ng Kitaotao matapos ang operasyon diumano ng militar laban sa New People’s Army (NPA). Itinanggi ito ng mga katutubo at sinabing sadya silang pinag-iinitan ng mga sundalo dahil sa mariin nilang pagtutol sa pang-aabuso ng militar sa kanilang karapatang-pantao.
Ilang araw makalipas dakpin ang mga katutubong pinuno, pinatay noong ika-1 ng Setyembre sa Lianga, Surigao del Sur si Emerito Samarca, executive director ng Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development (ALCADEV), isang paaralan para sa mga Lumad.
Noong araw ring ‘yon, pinagbabaril sina Dionel Campos at Jovillo Sinzo malapit sa ALCADEV ng mga miyembro ng paramilitary groups. Chairperson si Campos ng Malahutayong Pakigbisog Alang sa Sumusunod (MAPASU, Persevering Struggle for the Next Generation), isang samahang pampamayanan ng mga Lumad. Si Sinzo naman ang pinuno ng mga katutubo sa Sitio Kiwagan, Barangay San Isidro.
Dalawang ulit na nagwagi ang ALCADEV ng National Literacy Award mula sa Department of Education. Nakalulungkot malamang natigil ang pagtuturo sa paaralang ito matapos ang pagpatay sa kanilang tagapamahala. Dahil sa panggugulo ng militar, nahinto ang paglinang sa kaalaman at kakayahan ng mga Manobong mag-aaral.
Mula Oktubre 2014 hanggang Hunyo 2015, 23 pinuno ng mga Lumad ang napatay. Umabot sa 68 katutubo ang pinaslang dahil sa Oplan Bayanihan sa ilalim ng administrasyong Aquino.
Ang tanong: bakit pinag-iinitan ng militar at ng paramilitary groups ang mga Lumad?
Dahil sa kanilang lupaing ninuno. Mayaman sa ginto at iba pang mahahalagang mineral ang mga kabundukan kung saan namumuhay ang mga Lumad, kabilang na ang mga Manobo. Pilit inaagaw ng pamahalaan ito sa kanila para mapakinabangan ng mga kumpanya sa pagmimina.
Isa sa pinakaapektado sa operasyon ng militar ang mga paaralan — ang edukasyon ng mga Lumad.
Kung kapos man ang ating mga katutubo sa kaalaman at pamumuhay na naayon sa buhay ng mga taga-patag, hindi nila kasalanan ito. Marahil, kung sapat lamang ang karunungan natin sa kalagayan ng mga Manobo at ng iba pang Lumad sa Pilipinas, tatawagin pa kaya natin silang “hindi edukado?”
[Entry 166, The SubSelfie Blog]
About the Author:
Si Steno Padilla ang blogger sa likod ng Sankage Steno at isa rin siyang editor sa MIMS Publication.
Ang mga katutubo natin ay mga oppressed. Di nila kasalanan kung hindi sila edukado. Isa lamang patunay ito na may mali sa sistema ng bansa natin. Maraming mali sa sistema. Kinukuhanan nila ng kabuhayan ang mga katutubo, pati ang natural na pamumuhay nila ay nasasaalangalang na dahil sa konsumerista nating pagiisip. Kung tutuusin, mas may karapatan sila sa atin. Sila ang nauna rito, hindi tayo. Kumbaga tayo ang dayo.
LikeLike