‘Allah Valley’ at mga Lumad

"Allah Valley" at mga Lumad. Written by Kristine Tomanan for SubSelfie.com

Wala pa ring katulad.

Ang langit, isang karagatan ng asul. Nakakalat ang malabulak na mga ulap na minsa’y naghuhugis ayon sa lawak ng imahinasyon. Ilang dipa na lang ang layo nito sa lupa, halos abot kamay na ng mga tao.

Pinapagitnaan ng bulubundukin sa kanluran at silangan ang mga sakahan ng palay at mga tirahan. Sa ilang lugar, nakakubli ang mga sapa, ilog, kweba at talon—mga pinakaiingatang lihim ng mga residente at mga hayop na naghahanap ng pahingahan at ng saglit na kapayapaan.

A Tboli man in a traditional dugout canoe paddles through Lake Holon in Mt Melibingoy_2015
Namamangkang T’boli sa lawa ng Holon sa kabundukan ng  Melibingoy sa Timog Cotabato

Dito nagmula ang pagkahilig ko sa alimuom. Ang amoy ng bagong putol na damo. Amoy sa maliit na hardin ng aming tahanan na nadampian ng hamog sa umaga. Dito ko unang minahal ang tubig at ang tag-ulan.

 

Dito ko rin isinumpa ang araw at ang tag-init. Mula noong Marso hanggang Mayo, tagos hanggang buto ang sikat ng araw. Hindi nakatulong ang madalas na pagkawala ng kuryente. Sa nakaraang El Niño, ang buong probinsiya’y nagmistulang impiyerno. Sa ubod ng init, hindi na kailangan ng posporo para silaban ang mga lantang dahon at damo.

Sa ilang beses kong paglilipat-lipat ng tirahan para sa pag-aaral at trabaho, hindi pa rin nagbabago ang paghanga ko sa aming lugar—ang Timog Cotabato.

Hikong Bente_Lake Sebu_2011
Ang matayog na talon ng Hikong Bente sa bayan ng Lake Sebu sa Timog Cotabato

Malayu-layo na ang larawan nito sa kanta ng bandang Asin noong dulo ng dekada ’70. Inabot na ito ng urbanisasyon at globalisasyon. Ang nag-iisang lungsod at sampung bayan, nakikipagsabayan na sa mga uso ng Kamaynilaan.

Napasok na rin ito ng mga malalaking fast food chain (ngunit hindi matalu-talo si Jollibee sa dakong ito ng pulo). Sa kanayunan, dumarami ang mga turistang dumadayo upang masilayan ang paghahabi ng iba’t ibang kultura—Kristiyano, Lumad at Moro—sa kalikasan.

Nitong Hulyo, ipinagdiwang ang ika-51 anibersaryo ng pagkakatatag ng Timog Cotabato—minsang naging bahagi ng malawak na imperyo ng Cotabato. “Sharing our best with the world” ang naging tema ng isang linggong selebrasyon, repleksyon ng pinaigting na kampanya ng probinsiya sa turismo at pamumuhunan nitong nakalipas na tatlong taon.

Noong 2016, nakamit ng Timog Cotabato ang ikatlong pwesto bilang “Most Competitive Province” sa buong bansa, sa larangan ng economic dynamism, efficiency ng pamahalaan at imprastraktura.

Ayon sa 2012/2013 Philippine Human Development Report, kabilang din ang Timog Cotabato sa dalawampung probinsiyang may pinakamataas na human development index (HDI) sa Pilipinas, na sumusukat sa tatlong dimensiyon ng pag-unlad ng tao: kalusugan, kaalaman at kita.

Maling Akala

Subalit nananatili pa rin ang agam-agam at maling paniniwala ng karamihan sa lugar. Kahit may dugtong pang “Timog” ito sa pangalan, kaakibat pa rin nito ang konsepto ng gulo. Sa halos 28 taon ko sa mundo , hindi na mabilang ang beses na kinailangan kong ipaliwanag ang pagkakaiba ng Timog Cotabato sa Cotabato (Hilagang Cotabato man o ang Lungsod ng Cotabato) lalo na sa mga taga-Luzon.

At dahil dito, nitong Hulyo lang, naghain ng pormal na rekomendasyon sa gobernador at sangguniang panlalawigan si Senior Supt. Franklin Alvero, kasalukuyang provincial director ng Philippine National Police, na palitan ang pangalan ng probinsya at gawin itong Allah Valley. Magkahalong suporta at batikos ang inani ng suhestiyon ni Alvero.

Isa ako sa mga naniniwalang hindi prayoridad ang pagpapalit ng pangalan ng lugar. Sa halip na palitan ito, bakit hindi na lamang paigtingin ang pagpapaganda ng imahe at edukasyon sa heograpiya, kasaysayan at kultura ng Timog Cotabato, kasama na ang buong rehiyon ng SOCCSKSARGEN?

Lalo na sa panahong ito ng teknolohiya at social media, mas mabilis at mas madali na ang pagpapakalap ng impormasyon sa mas malaking distansiya at sa mas maraming tao. Higit na makakatipid pa ito sa oras at pondo, at makakaiwas sa impluwensiyang pulitikal o pansariling interes ng iilan.

Isang mahabang proseso ang pagpapalit ng pangalan. Bakit hindi na lamang tutukan ng pulisya ang pagpapahusay ng seguridad at kaligtasan ng probinsiya? O di kaya’y ang pagpapabuti ng kaalaman at kakayahan ng kanilang mga tauhan lalung-lalo na sa kaalaman sa mga batas, polisiya at proseso?

Sa Gitna ng Batas Militar

Lalo na sa pagpapahaba ng martial law sa Mindanao at sa madugong laban ng kasalukuyang administrasyon sa droga, kailangang gawing prayoridad ng pulisya ng Timog Cotabato ang pagprotekta at paglingkod sa mga mamamayan nito.

Ang suhestiyong pagpapalit ng pangalan dahil sa masamang imahe ay hindi sapat, at nangangahulugan ng malaking kahinaan ng pulisyang gampanan ang pangunahing tungkulin nito ng ilang dekada.

Nakakahiyang isiping napakahina ng kapulisan sa pagpapatupad ng batas na siya naman nilang mandato. Isama pa dito ang korapsyon, pulitika at pansariling interes—mga batayang sangkap sa isang bulok na sistema.

Napag-iwanang mga Lumad

Bagaman naaabot na ng urbanisasyon at pag-unlad ang probinsiya, iilan lamang ang tumatasa nito. Lalo na sa mga mamamayang nakatira sa mga kabundukan, nananatili pa ring suliranin ang kawalan ng magandang kalsada, ilaw, kuryente at malinis na tubig.  Ang mga pangunahing serbisyong pangkalusugan, edukasyon at iba pa ay hindi sapat o hindi kaya’y wala.

Karamihan sa mga residente sa mga geographically isolated and disadvantaged areas (GIDA) na ito mga kapatid na Lumad. Napilitan silang lumipat at manirahan sa mga bundok ng Daguma at Roxas mula noong dumating ang daan-daang Kristiyanong migrante galing Luzon at Visayas noong dekada ’40 sa ilalim ng homestead program ng pamahalaang kolonyal (panahon ng Amerikano).

Marami ang hindi marunong magbasa at magsulat, at marami ang namamatay na hindi man lang nakakakita ng doktor. Ang ilan na naglakas loob na makipagsapalaran sa kapatagan ay namamasukan bilang kasambahay o trabahador sa plantasyon—mga hanapbuhay na walang kasiguraduhan at kung saan madali silag maging biktima ng panlalamang.

One of the many pineapple plantations of Dole Philippines_Tantangan_2016
Isa sa mga plantasyon sa Tantangan, Timog Cotabato kung saan trabahanteng magsasaka ang mga Lumad

Nitong nakaraang Enero, may mga kapatid na Lumad na tumakas mula sa Hacienda Luisita—ilan sa kanila ay nagmula sa Timog Cotabato, Bukidnon at rehiyon ng Davao. Ang mga dati umano’y pinangakuan na tutulungan sa suliranin ng kanilang mga lupaing ninuno, na unti-unting nawawala sa urbanisasyon at agresibong pagpapalawak ng mga plantasyon ng malalaking korporasyon. Ang iba sa kanila’y naengganyo sa pangako ng mas maginhawang buhay. Ngunit malayo ito sa kanilang naging mapait na karanasan sa Tarlac.

Sa huli, kailangan nating tanungin ang ating mga sarili—tunay nga bang maunlad ang Timog Cotabato? Tunay nga ba tayong nagkakaisa —ang mga Kristiyano, Lumad at Moro gaya ng T’nalak—mga hiblang makulay, hinabi at pinagtibay sa pagdaan ng panahon?  O lahat ba ng mga ito’y pawang ilusyon lamang?

Lakbayan ng Pambansang Minorya sa UP Diliman_2017
Lakbayan ng Pambansang Minorya sa UP Diliman, Quezon City
Para sa mga interesado sa kasaysayan at kultura ng Timog Cotabato kasama ang ibang parte ng Mindanao, maaaring bisitahin at makausap ang mga delegado ng 2017 Lakbayan ng Pambansang Minorya hanggang Setyembre 21, Huwebes, sa Kampuhan sa Diliman, Stud Farm, CP Garcia Avenue, Diliman, Quezon City.

[Entry 242, The SubSelfie Blog]

About the Author:

Kristine Tomanan.

Kristine Tomanan is a nurse and development practitioner.

After leaving medical school she became a research assistant for several public health studies supported by various institutions. Previously, she was a Project Officer on Maternal, Newborn, and Child Health and Nutrition at Save the Children Philippines.

She had a brief stint in the local government where she helped set up the local tourism council and facilitated approval of a project grant for public schools in her hometown of South Cotobato. Her maternal side has a family operated school wherein she is also a member of the Board. She is currently taking her Master’s Degree in Community Development at UP Diliman.

 

2 Comments Add yours

  1. lunaintheskye says:

    Reblogged this on Migratory Feet, Migratory Mind and commented:
    Hello, I wrote this in Subselfie.com (meron pa pala mga typo errors Toni, sorry di ko nakita agad :P)

    Please do follow their page! 😀

    Like

  2. Linda says:

    gusto ko ang article na ‘Allah Valley’ at mga Lumad. Ako ay isa sa mga taga Luzon na walang gaanong kaalaman sa mga nangyayari sa labas ng Kamaynilaan at lalo nasa Mindanao. Ngayon ko lang nalaman na nagkaroon pala ng panukala na palitan ang pangalan ng Timog Kotabato sa “Allah Valley”. Ang alam ko lang sa Timog Kotabato ay kung ano ang nasa awit ng Asin. Nakakalungkot na hindi pa rin umunlad ang buhay ng mga Lumad at mukhang naging masahol pa.

    Liked by 1 person

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.