Traydor

subselfie-marcos-burial-banner-photo

Umalingawngaw ang dalawampu’t isang putok ng baril pasado alas-dose ng tanghali kanina, hudyat ng parangal sa isang ililibing na bayani: bayaning diktador at huwad na beterano ng digmaan.

Ang gun salute ng mga sundalo, animo’y paalala ng mga putok ng baril noong panahon ng Batas Militar na ngayo’y pilit at sadyang binubura sa isipan ng mga Pilipino.

Pero baguhin man ng nasa puwesto ang kasaysayan, hindi maghihilom ang mga sugat, lalo na kung hanggang sa araw na ito, nariyan pa rin ang ningas ng panlilinlang — namamaso sa mga sugat.

Tanghaling tapat ang libing, pero isinagawa ito sa dilim — pribado, patago at minadali, animo’y pananalisi ng mga bandido sa kalaliman ng gabi. Ganito na ba kung bigyang-pugay ng bayan ang isang bayani?

Nasaan ang dangal sa huwad na parangal? Hanggang ngayon, sarado pa rin at bantay-sarado ang Libingan ng mga Bayani, mistulang takot na salakayin ng mga nagagalit na taumbayan at ng mga multo ng nakaraan.

Ang pagpupumilit sa libing na ito, hindi na nakagugulat pa. Noon pa man, istilo na ng diktador at ng kanyang pamilya na maging mapagpuslit at mapag-imbi, manatili lamang sa kapangyarihan.

Kaya hindi malayong ang karong naghatid sa labi ng diktador sa libingan ay siya ring maghahatid sa kanyang pamilya pabalik sa Malacañang. Pero ngayon pa lang, nakatapak na ang isang paa ng kanilang angkan sa Palasyo dahil sa pulitikal na pagkiling ng nakaupong Pangulo, bagay na istilo rin noon ng yumaong diktador.

Ano ang sasabihin natin sa ating mga anak? Paano tayo humantong sa ganito, na ang pagkakaisang nagbigkis sa EDSA People Power noong 1986, isang pagkilos na tiningala ng buong mundo at nagpatalsik sa isang diktador, ngayo’y binabasag ng pagkakawatak-watak.

Sadyang mahirap sagutin. Pero sa ngayon, malinaw na tatatak sa kasaysayan ang Nobyembre 18 bilang araw ng paglapastangan sa alaala ng mga tunay na bayani at pagyurak sa dangal ng ating bansa.

Gayunman, ito rin ang panahon ng paghamon sa ating demokrasya at pambansang kamalayan, panahong hindi na sasapat ang pagiging mapagmatyag lamang, puntong kailangan ding magpumiglas.

Pagkat nailibing man ang diktador, nananatiling buhay ang mga kaaway ng tunay na demokrasya.

Lapida ni dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Kuha ni Mariz Umali.
Lapida ni dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Kuha ni Mariz Umali.

[Entry 183, The SubSelfie Blog]