Ang sarap isiping pag-ibig ang nagpapainog sa mundo. Pero sabi ng mga praktikal, pera ruaw talaga ang siyang dahilan kung bakit umiikot ito. Anong magandang kurso? ‘Yung magpapayaman sa ‘yo. Anong negosyo ang magandang itayo? Sa easy money tayo. Saang trabaho dapat pumasok? Sa malaki ang sweldo.
At paano nga naman sisisihin ang taumbayan? Sa bansang halos kalahating siglo nang lubog sa kahirapan, at kung saan tila krimen ang mamuhay nang mayaman dahil sa rami ng nagdidildil ng asin, hindi nakapagtatakang ganito ang pananaw ng marami. May aayaw ba sa maalwang buhay? At sino nga ba ang may nais manatiling mahirap habambuhay?
Mayaman Ka Na?
Kaya bata pa lang tayo, nilinaw na sa atin ang stimulus para mag-aral nang mabuti: upang yumaman. Kaya rin bata pa lang tayo, nakondisyon na tayong tila baga pagyaman ang rurok ng buhay, ang sukatan ng tagumpay. Namimili pa lang noon ng kursong kukunin sa kolehiyo at ng direksyong tatahakin sa buhay, nakikinita na ang mangyayari sa high school reunion: walang puknat na pangangamusta ng “Mayaman ka na?”
At noon pa man, nang pirmahan ko ang college registration form na pagsulat ang kurso, tinanggap ko nang magiging mailap kundi man mahirap ang magpakapal ng pitaka. Ilan lang ba ang yumaman sa pagkukwento at pagsusulat? Ipinaubaya ko na lang sa Bathala ang aking kapalaran. Napadpad nga ako sa industriya ng mga kwentista na nilalangisan ng mga dambuhalang negosyante. Pero pinatatakbo naman ito ng mga taong ang unang pangarap, makapagkwento.
Para sa gaya kong nabuhay para magkwento, hindi eksaktong naging totoo ang hinulaang kapalaran (oo, kumonsulta ako sa manghuhula). Sa una kong kontrata bilang Talent na Program Researcher sa isang malaking TV Network, lampas-lampas pa ang suweldo ko sa una kong inakalang matatanggap, at hindi hamak ring mas malaki sa kinikita ng mga minimum wage earner at marami pang manggagawa.
Ang halaga ng aking unang kontrata, halos nadoble nang magkaroon ng pagkakataong pagkatiwalaan ng iba pang proyekto at trabaho. Sa limang taong iyon, napatunayan kong hindi pispis ang hapunan ng lahat ng mga kwentista at mamamahayag.

Pera-Pera Lang ‘Yan
Pero bago pa lang ako sa pinag-aralang propesyong nag-aanak at nag-aalaga sana ng mga nagtataguyod sa ideyalismo at prinsipyo, hindi lang iisang beses ko narinig na pera-pera lang talaga ang labanan. Nakakalungkot? Siyempre. Pero malinaw na ‘yan ang totoo.
Nakakagimbal sa una, lalo’t matapos kang magpakaiskolar na binusog sa mga makabayan at di-makasariling pananaw, hayan ang marami sa mga katrabaho mo, walang pakialam sa iba, pera lang ang mahalaga. Matagal nang itinanim ng kapitalistang lipunan na ito na yaman ang sukatan ng tagumpay. Sa mundong pinaiikot at umiinog sa pera, sinusukat ang halaga ng buhay mo sa kung magkano ka. Lalo’t ang dami ng pera, tumutumbas sa lakas ng kapangyarihan at kasikatan na itinatangi at inaasam ng marami.
Happiness for Sale
Ang paniniwala pa ng kapitalistang mundo, kayang bilhin ng salapi ang lahat, maging ang kasiyahan. At hindi man sumang-ayon ang marami, totoong nabibili ng pera ang saya sabi ng agham. Wala akong planong makipagtalo hinggil dyan. Pero siyensya na rin mismo ang nagsabi: kaya ng pera na bumili ng kasiyahan, pero may hangganan daw ito.
Sa yugtong ito ng mundo, paano ka nga mabubuhay nang walang pera? Ito ang langis ng makinarya ng sistema. Subalit hindi pera ang dulo at wakas ng kasaysayan ng mundo. Lalong hindi pera ang sukatan ng isang tao at pagkatao nito.
Kaya nga rin naimbento ang Gross National Happiness (GNH) na unang ginamit sa kaharian ng Bhutan noong dekada ’70. Sa madaling sabi, sinusukat ng GNH ang kabuuang tagumpay ng isang bansa at mga residente nito hindi lamang sa pera o materyal na kondisyon bagkus sa kasiyahan o kakuntentuhan — panukat na nagsisimula pa lamang magkapuwang dito sa Pilipinas.
Panabla ito sa Gross National Product (GNP) na nagtuturong ang naipong kita ng isang bansa ang sukatan ng tagumpay nito. Mentras mas malaki kaysa nakaraang taon, mas maganda rin para sa imahe ng gobyerno at ng buong bansa sa kabuuan. Hindi naman ito nangangahulugang mas mayaman rin ang lahat ng tao.
Mukhang Pera
Ang lagi’t laging bilin sa atin ng mga moralista, wala namang masama sa pagpapayaman basta walang natatapakan. Sa ganang akin naman, sa usapin ng pera, ang sapat ay sapat na at hindi na kailangan ng sobra. Sa kung magkano ang “sapat,” doon na marahil tayo magkakatalo.
Bakit mo nga ba pipigilan ang isang tao na magpayaman?
Kung pagninilayan, simple marahil ang lohika ng walang hanggang pagnanais magpalago ng kaban: mas maraming posible at NAIS na bilhin, mas mataas din ang NAIS na magkamal ng salapi. Ngunit bakit kailangan ng sobra? Ang sapat ba, kulang pa?
Dadako naman tayo niyan sa usapin ng kakuntetuhan, na mangyaring idudugtong sa usapin ng narating at tagumpay sa buhay. Kung tutuusin, iba-iba ang kakuntetuhan ng mga tao. Ang sapat sa ‘yo ay posibleng kulang pa para sa akin. Kaya ang ang taong matagumpay para sa ‘yo, posibleng kulang pa ang narating para sa akin. Anuman, may idinidikta ang lipunan na sukatan ng matagumpay na bebentehin o tetrentahing uring manggagawa (ayon sa maraming nakakasalamuha):
- May malaki-laking ipon sa bangko
- May kotse
- May insurance
- Stable na trabaho
- Kumakain sa masasarap na restaurant alinsunod sa pangangailan ng Facebook at Instagram
- Nakakapasyal sa kung saan-saan alinsunod sa pangangailan ng Facebook at Instagram
- Sumusuporta sa pamilya kung hindi man nagpapaaral ng kapatid o ibang miyembro ng pamilya
- May karelasyon at malapit nang bumukod kung hindi man may anak na o nagpakasal na o may plano nang magpakasal.
Talaga raw nagtagumpay na kung:
- May iba pang pundar sa real estate o financial market
- Nakarating na sa abroad hindi lang dahil sa training o workshop kung hindi para mamasyal
Babalik tayo sa usapin ng pera, sapagkat lahat ng ‘yan hindi mo makakamit (o mas tamang sabihing hindi mo mabibili) nang walang pera. Ang listahang rin yan ang perenyal na isyu ng mga kababata ko ngayong nasa gitnang uri. Ang hapunan o kwentuhan sa kapihan kulang kung walang sangkap ng mga nabanggit.
Walang Pera Diyan
Kaya marami ang nagtaka nang lisanin ko ang mundo ng telebisyon at lumipat sa isang non-governmental organization (NGO), ang Save the Children. Sa totoo lang, at aminin natin, bagu-bago lang para sa marami ang konsepto ng NGO sa Pilipinas. Dekada ’70 at ’80 pa nagsimula ang maraming NGO sa Pilipinas, pero ang alam pa rin ng marami, para itong foundation na nag-uumapaw ang mga ipinamamahaging donasyon. Ganyan kababaw ang pagtingin ng marami sa “development world.”
Nang lisanin ko ang mundo ng telebisyon mag-iisang taon na ang nakakaraan, may natapos mang mga yunit hinggil sa “Philippine Development,” pinagduduhan ko man ang sarili kung tama ba ang direksyong tatahakin. Pero ilang beses ko na ring napatunayan, sa huli, nasa kung papaano mo pinanindigan ang isang desisyon kung magiging tama ito o mali.
Hindi lang talaga maiiwasan may mga magtanong kung bakit ko pinasok ang ganitong klase ng industriya, ng ganitong klase ng trabaho, na para sa marami ay wala raw pera.
Mawalang galang na po, pero hindi lahat ng tao ay napapaikot ng pera, at hindi ho lahat, mukhang kwarta. Napakaraming bagay na hindi kayang tumbasan o bilhin ng salapi. Gaano man karaming numero ang laman ng bank account ng isang tao, hindi nito mababayaran ang kasiyahang magawa ang pangarap at talagang gusto mo; ang pagkatuto at mapalawak ang isip sa pamamagitan ng pagbisita at pagtuklas ng mga bagong lugar at dahil sa pakikipag-usap sa ibang lahi at tao.
Hindi nito mabibili ang oras na nawala kasama ang pamilya mo. Hindi nito matutumbasan ang mga halakhak at iyakang nagpatatag ng pagkakaibigan. Hinding-hindi nito masasagot ang kahulugan ng buhay mo. At lalong hindi pera ang sukatan kung may mabuti kang ambag o kontribusyon sa mundo sa pagtatapos ng araw.
Sadyang may mga bagay na hindi kayang bilhin ng pera — gaya ng prinsipyong ang tagumpay at saya, wala sa kumakalansing na pera.

[Entry 84, The SubSelfie Blog]
About the Author:
Toni Tiemsin is the Editor-in-Chief of SubSelfie.com. Presently, he is a Media and Communications Officer of international NGO Save the Children. Before his work in the development sector, Toni was an Executive Producer for GMA News hourly and breaking news spot, News Producer for primetime newscast 24 Oras, and the Supervising and Associate Producer of GMA News investigative and features unit Special Assignments Team.
Bata pa ako nang nalaman kong wikang Inglis ang nagpapa-ikot ng bansa. Mula sa mga kwentong bumihag sa akin at sa pagkahumaling ng mga Pilipino dito, ikinahihiya kong aminin na ang wikang Inglis ang unang umakit sa aking puso’t isipan. Salamat sa iyong blog na nagsilbing sampal ng katotohanan. Gamit ang iyong mga kwento, nakita ko uli ang tunay na ganda ng wikang Pilipinong muntik-muntikan ko ng makalimutan. Tama ka, mahirap maka-ipon ng pera sa pagkukwento lamang ng mga estorya. Ngunit ang halaga ng iyong ginagawa ay hindi nasusukat sa laman ng iyong pitaka, ito ay nahahanap sa mga nagigising na damdamin at isipan ng iyong mga mambabasa.
LikeLike
Maraming salamat sa pagsusulat nito at sa pagkakataon na mabasa ito ng marami. Talaga nga namang hindi sa kwarta nasusukat ang kwenta ng bagay at lalo na ng buhay. Salamat din kasi mas lumakas ang loob ko na piliin ang landas kung saan ako talagang magiging tunay na masaya at mag-ggrow na sigurado akong hindi man ngayon e maiintindihan din nila sa tamang panahon, kung mayroon man noon. Minsan sapat na ang alam mo na hindi ka nag-iisa at may nakakaintindi sa ‘yo, kilala mo man o hindi. Maraming salamat ulit. Naniniwala akong mas marami ka pang mga buhay na mata-touch. Mabuhay ka. 🙂
LikeLike
hndi ko ma explain ung pag katuwa ko at may mga taong ganito din ang takbo ng pag iisip. maraming salamat. 🙂
LikeLike
Reblogged this on daluyan ng patlang.
LikeLike