Note to Self (and Colleagues)

Note to Self (and Colleagues). Written by Toni Tiemsin for SubSelfie.com

Antonio,

Lagi’t lagi sa tuwing gagawa ka ng mahalagang desisyon sa buhay, napaparasal ka nang taimtim kahit hindi madasalin, sukdulang mabulabog ang lahat ng mga santo at santa sa kalangitan.

Noong 2012, hindi ka pa nakuntento sa mga nobena. Dumayo ka pa sa pusod ng Maynila para magpahula. Marami siyang sinabi pero ang ilang daang salita at payo tungkol sa trabaho at buhay, pinaikli niya sa mensaheng ito:

Mensahe ng Manghuhula. Oo, "Be Kindness."
Mensahe ng Manghuhula. Oo, “Be Kindness.”

Hindi na ito simpleng teenage blues. Binibilangan ka na lang ng taon bago mag-trenta. Ga-resibo na rin sa haba ang listahan ng mga bagahe mo sa buhay. Mid-life crisis na kaya ito? Tiyak ako may mga ka-edad ka na nakakaunawa rito Ilan na ang laman ng savings account mo? Sakaling makadisgrasya, kaya mo na bang magpakasal? Pwede ka na bang mag-loan ng pampagawa ng bahay? (Mahal ang semento!)

Sabihin na nating may mid-life crisis ka nga: dito ka na ba tatanda sa trabahong ‘to? Masaya ka ba talaga sa ginagawa mo? Ito ba talaga ang pangarap mong gawin? Kung hindi rito, ano pa ang kaya mong gawin at saan ka naman lilipat?

Kaya pa nating pahabain ang listahan ng mga tanong na ito. Oo, mga pa-eksistensyal na mga tanong, mga bagay na pawang nakatuon sa sarili at wala ng iba.

Alam kong hinding-hindi mo aaminin na may pinagdadaanan kang mid-life crisis. Lahat ng tao, may kanya-kanyang pasanin; marahil mas mabigat pa! Hindi nga matatawag na krisis ang mga bagahe mo sa buhay.

Pasintabi sa marami mong ka-henarasyon na may mid-life crisis. Burgis na konsepto ang “krisis” na ito. Nakatuon lang sa isang social class: ang middle class na may oras at kapasidad para pag-isipan at panaginipan ang hindi patas na buhay. Ito ang uri na may pambili ng mamahaling kape, cake o di kaya’y milk tea para magmuni-muni.

Ang middle class din ang may paniniwalang kaya nilang alpasan ang krisis kung tama ang desisyon sa buhay. Kung mangyari ito, mas malaki ang tsansa nila na magtagumpay sa piniling karera. O di kaya’y magkamal ng maraming pera, malaking credit limit sa bangko, magagarang gadgets, kotse at bahay. Pero paano naman ang halos 20 hanggang 30 milyong Pilipino na nabubuhay sa halos P40 kada araw? Marami sa kanila, hindi makapamuhay nang disente.

Hindi mo pa rin malimutan ang nakilalang UPCAT passer na nagmamaneho na lang ng rental van sa halip na gumawa ng mga pelikula. Halos 10% din kasi ng mga kayang magbanat ng buto, walang mapasukan.

Sa bawat araw, napapansin mong dumarami pa ang mga batang sumisinghot ng solvent sa EDSA. Dumarami rin ang mga nakatira sa mga pasilyo ng Timog Avenue sa Quezon City o Roxas Boulevard sa Maynila.

EDSA Childhood
EDSA Childhood

Kung may isang tiyak na krisis na pangsarili, ito marahil ang pakibit-balikat at pagbalewala ng marami. Pero paano nga ba sisimulang tugunan ang ganitong mga krisis? Sa mga tahanan, maraming naghihintay na maitama. Sa mga opisina, maraming baluktot na sistema ang dapat ituwid.

Anuman ang krisis, hindi ito dapat iniinda gaya ng anumang sakit. Napatunayan na ng kasaysayan na mangyaring umuulit lamang ang mga problema kung hindi itinatama sa kagyat na panahon. Ito ang siklo ng krisis.

Ang krisis, kumplikado. At dahil kumplikado, mahirap tugunan —- pero tiyak na may tugon. Kung tama ang tugon, kasaysayan na lang ang huhusga. Anu’t anuman, yayao ang tao at iinog ang mundo. Pero maiiwan ang kanyang ginawa para sa krisis. Ang malinaw: may dapat gawin.

Sunset Clouds
May hangganan ang lahat.

Bago ang iyong ika-9,855 na araw sa mundong ito, marapat na paalalahan kita Antonio, gaya ng madalas na paalala sa iyo noong bata ka pa:

  • Maraming dapat ipagpasalamat.
  • Huwag kalimutang maging kritikal.
  • May igaganda pa ang mundo.
  • May magagawa tayo para mangyari ito.

At para sa ikagaganda ng mundo, marapat na palagiang magpasalamat sa mga tao (lalo’t hindi responsibilidad ng mga tao na mag-abot ng bayad sa jeep, magbigay ng silya sa MRT, o maunang magpadaan sa pinto)

Susubukan ko ring kamustahin ang mga ka-opisina at kaibigan (lalo’t masyado nang maraming pasanin at kapangitan ang opisina at ang mundo para hindi man lang magbigay-ngiti sa mga kasamahan)

Sana’y makapag-aral din ng karagdagan (lalo’t sabi ng isang kasabihan, sa isang lugar daw na pare-parehas mag-isip ang mga tao, wala talagang nag-iisip). At mag-biyahe pa (lalo’t sa paglawak ng espasyo at mundo mo, lumalawak din ang kakayahan ng utak at pang-unawa at kaalaman)

Sumasaiyo,
Antonio Tiemsin Jr.
June 22, 2014

[Entry 17, The SubSelfie Blog] 

About the Author:

Toni Tiemsin is the Editor-in-Chief of SubSelfie.com. Presently, he is a Media and Communications Officer of the international NGO Save the Children. Before his work in the development sector, Toni was an Executive Producer for the hourly and breaking news spot of GMA NEWS, News Producer for its primetime newscast 24 Oras, and the Supervising and Associate Producer of the Special Assignments Team, the investigative and features unit Of GMA News. Journalism 2009, UP Diliman. Read more of his articles here.

Advertisements

11 Comments Add yours

  1. Lian Buan says:

    Iba ka, Antonio. Idolo talaga kita sa pagsusulat, sa pagtingin sa buhay, at iba pa. Maligayang bati 🙂

    Liked by 1 person

  2. thedd david says:

    Mid-life crisis agad? Pwede bang quarter life muna? hehe. MALIGAYANG BATI, TIEMSIN.

    Like

  3. Ivan Villegas says:

    Tiemsin, mahusay ang pagkakalatag. At dahil nasabi na ni Lian ang mga pwede kong masabi eh ito na lang, “Mag-exercise para humaba pa mga buhay natin!” 🙂

    Like

  4. April Perez says:

    Sa wika pa lang na ginamit, panalo na!

    Like

  5. Toni Tiemsin says:

    Reblogged this on daluyan ng patlang.

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s