
Isang karagatan lang ang pagitan ng Maynila at Bangkok. Wala pang anim na oras ang biyahe sa eroplano para marating ang kapitolyo ng kaharian ng Thailand na tinuguriang City of Angels. Pero kung pagkukumparahing maigi, tila milya-milya na ang pagitan ng dalawang syudad.
Wala na sa hinagap ko kung kailan ko nakilala ang Bangkok. Sa apat na beses naming pagkikita sa nakalipas na tatlong taon, mahirap nang itangging malalim na ang romansa naming dalawa. Kanina, mabigat pa ang mga paa ko at ayaw pang umuwi, habang buhat ko ang isang bag at bitbit ang ilang supot ng mga nabiling alaala. Ewan kung darating pa ang panahong pagsasawaan ko siya.


Akala ng marami, bumibiyahe ang isang tao para hanapin ang kanyang sarili. Pero ang ganang akin, paanong mawawala o mawawaglit ang matagal nang nasa iyo?
Maaaring ang biyahe’y para hanapin ang mga matagal nang ‘di nasumpungan: oras para sa sarili, oras kasama ang pamilya, mahal sa buhay o mga kaibigan, oras para magpahinga, oras para magsulat o magbasa o gumuhit o kumanta, o ‘di kaya’y oras para mag-isip o para ‘di mag-isip.
Sa madaling sabi, ito ang mga oras na napunta sa paggawa at inubos ng hapo. Nasa isang dimensyon pero magkaibang bersyon, ganyan ang Pilipinas at Thailand. Lamang lang ang Thailand, kaya para kang di umalis ng bansa at nasa bahay lang.

Para ngang kambal ang Pilipinas at Thailand o ang Maynila at Bangkok. Sa maraming aspeto, magkakumukha tayo: sa kutis, sa hubog ng mukha, sa kulay ng buhok at mata, at kahit sa tangkad.
Pero syempre, gaya ng sinumang kambal, marami rin talagang pagkakaiba: habang tayo ay may Queen of All Media, meron silang tunay na hari, si King Bhumibol Adulyadej o si Rama XI, na tila santo kung ituring. Sa gitna ng martial law doon ngayon, nananatili siyang tagabigkis ng lahat.

Habang Katoliko ang napakaraming Pilipino at napakaraming simbahan sa atin, Buddhist naman ang marami sa mga Thai — dahilan ng hindi mabilang na templo, ginintuang Buddha, at pagoda sa buong Thailand.


Kung shopping naman, hindi ka rin mauubusan sa Bangkok ng mapupuntahang mall at mga tiangge. Palibhasa’y malakas ang sariling industriya ng pagawaan at patahian ng tela, napakaraming mura at magagandang damit na mga Thai mismo ang may disenyo.
Kaiba sa atin na naghihingalo na ang garment industry at umaasa na lang halos sa mga imported na tela.



Sa halagang P30 o halos 20 baht, pwede ka nang mananghalian o kumain ng hapunan sa mga tabing-kalsada sa Bangkok. Gaya natin, napakahilig din nilang kumain maya’t maya. Nagkalat sa mga kanto at tabing-kalye ang iba’t ibang panindang merienda na mga kikiam at fishballs, puto at kakanin, pancakes, prutas, fresh fruit juice, buko, milk tea, kape at napakarami pang iba.





Mura din ang mga hostel at boutique hotel dito kaysa sa ‘tin. Nakilala ko si Titima, political science student at part-time staff sa tinuluyan naming Glur Bangkok Hostel.

Sabi ni Titima, OA raw ang CNN at ang kabuuang projection ng Western media sa ipinatutupad na martial law sa kanila ngayon. Hindi naman kasinggulo at kasinglala ang sitwasyon sa Thailand kumpara sa kung paano ito ibinabalita.
Ayaw niyang magbigay sa akin ng opinyon sa sinasabing Messianic Complex ng kanilang militar, na may sampung beses na yatang nagkudeta sa nakalipas lang na sampung taon. Kanselado ngayon ang karapatan nilang mag-rally. Pwede na raw mahuli ang tatlo o higit pang nagpupulong tungkol sa pulitika. Samakatuwid, bawal magpahayag laban sa military junta.


Sa isang banda, kwento ni Titima, marami ang natutuwa sa pamamalakad ng transition government sa kanayunan, kung saan binigyan ng kapital ang mga magsasaka at mangingisda.
Kako, mas mayaman sila sa atin. Pero sabi ni Titima maganda lang ang sarili nilang produksyon ng palay, gulay at pagkain kaysa atin. Ilang beses ko nang narinig na sa UP Los Baños pa raw naturuan ang mga Thai noong dekada ’70 kung paano mapapalago ang ani nilang palay. Anong nangyari? Pagkatapos ang 40 taon, tayo na ang umaangkat sa dati lang nating mga estudyante.

Hindi nawasak ng mga nagdaang giyera ang Thailand. Hindi rin sila nasakop at naging kolonya ng anumang bansa. Pero nakakainggit (at nakakayamot) na ang halos kasabayan lang nating bansa pagkatapos ng World War 2, malayu-layo na ang narating kaysa atin.
‘Wag na nating ungkatin ang statistics. Gamitin na lang nating batayan na mas may tama silang ginawa sa kabila ng kurapsyon. Habang halos 20 porsyento ang mahirap na populasyon sa Pilipinas, naibaba naman ng Thailand sa halos 13 percent ang poverty incidence rate. Ang pinag-uusapan natin, buhay ng may 20 milyong mahihirap sa Pilipinas, kaysa 6 na milyon na mahihirap sa Thailand.

Kaya sa pagbisita at pagmumuni habang naglalakad sa lumang kaharian, hindi maiiwasang magtaka: saan tayo nagkamali?
Halimbawa na lang: sakit pa rin sa ulo ang mga tumitirik nating tren, habang sa Bangkok ilang taon nang nagseserbisyo ang tatlong linyang patungong airport. Isang signos lang ito ng kaunlaran at ang layo ng narating ng isang bansa.


Huwag na nating pagtalunan pa ang ilan pang pwedeng pag-debatihan: mas malinis ba sila? Mas kurakot ba ang pamahalaan nila? Mas epektibo nga ba kung sariling wika ang pinahalagahan at ginamit sa pag-unlad at hindi Ingles?
Anu’t ano man, babalik at uuwi pa rin ako sa Pilipinas.

Sa iilang araw na pagkawala ko sa Pilipinas, hindi lang ako nakapahinga. Muli kong napatunayan sa sarili ko na totoo ngang lumalawak ang kaisipan at pang-unawa sa pagiging estranghero, sa pagkausap sa mga banyaga, at sa pagtuklas ng mga lugar.
Higit sa pagbawi ng nawalang oras para sa sarili, napagtanto ko muling posible at pwedeng-pwede naman talagang may iganda pa ang pamamalakad, sistema, ekonomiya at buhay nating mga Pilipino.
Ito ang naiwan at lagi’t laging paalala sa akin ng Bangkok: pwedeng maningil para sa mga nawala at posibleng gibain ang pamahalaan para may magbago.

About the Author

Toni Tiemsin is the Editor-in-Chief of SubSelfie.com. Presently, he is a Media and Communications Officer of the international NGO Save the Children. Before his work in the development sector, Toni was an Executive Producer for the hourly and breaking news spot of GMA NEWS, News Producer for its primetime newscast 24 Oras, and the Supervising and Associate Producer of the Special Assignments Team, the investigative and features unit Of GMA News. Journalism 2009, UP Diliman. Read more of his articles here.
i like the pinagpatong patong na linya ng tren.. he he..
LikeLike
Salamat, Kuya Jun, sa pagbasa ng aking akda. Masayang karanasan talaga ang makapamuhay kahit sa sandali sa ibang lugar, sa ibang bansa. 🙂
LikeLike
Reblogged this on daluyan ng patlang.
LikeLike
Parang naglalakbay din ako sa Bangkok habang binabasa to. Salamat sa aral at magandang kwento.
Ang ganda rin nito: pwedeng maningil para sa mga nawala at posibleng gibain ang pamahalaan para may magbago.
Walang kupas toni, galing mo talagang magsulat!
LikeLike
Parang naglalakbay din ako sa Bangkok habang binabasa to. Salamat sa aral at magandang kwento.
Ang ganda rin nito: pwedeng maningil para sa mga nawala at posibleng gibain ang pamahalaan para may magbago.
Walang kupas toni, galing mo talagang magsulat! 🙂
LikeLiked by 2 people
Salamat, Bam! 😊 Pero iba pa rin pag ikaw mismo ang pumunta o makakita.
LikeLike