“Ano’ng wish mo?,” tanong ko kay Davel, labing-isang taong gulang at mag-aaral ng Grade 4. Matipid pero tiyak ang sagot ng yayat na bata: “Sana po mabigyan pa kami ng trapal.” Mabilis kong pinutol ang wala pang limang minutong panayam dahil namumuo na ang tubig sa ilalim ng mga mata ko. Sa dinami-rami ng mga nakapanayam ko para sa dyaryo at telebisyon noon, ngayon lang ako kusang sumuko matapos tablan ng sarili kong tanong sa isang bata.
Mangiyak-ngiyak akong nagpasalamat kay Davel, na walang patumpik-tumpik na nagpaunlak at nagkwento. Sa isang batang gaya niya na lumaki sa koprahan at bolo ang madalas na laruan, nakaabang na ko sa mga hihilingin niyang laruan o ibang materyal na bagay. Pero napahiya ako sa sarili ko. At ang hindi alam ni Davel, mas laking hiya ko sa kanya.
Sana nakikinig si Santa Claus.
“Kumusta na po kayo,” buong ngiting bati ng isa kong kasamahan sa mga nakatanghod na mga bata at matanda sa antigong waiting shed sa gilid ng ilog. “Okay na po kami, kasi andyan na po kayo,” sagot ng isa na punum-puno ng pag-asa.
Sana nakikinig si Santa Claus.
Isa sa mga trahedya ng buhay: kung sino pa ang mahihirap, sila ang lalong naghihirap. Ganito na yata ang nakaguhit na kapalaran para sa may 90 pamilya sa Barangay Gayam sa Taft, Eastern Samar. Kabilang ang mga sitio roon sa mga pinakamatinding tinamaan ng bagyong Ruby. Salaysay ng ilang matatanda kong nakausap na walang ramot na nagkwento, iyon na raw ang pinakamalakas na bagyong tumama sa tanang buhay nila.
Tumigil na silang magbilang kung ilang puno ng saging at buko ang naitumba ng mahigit 12 oras na pagbayo ng maalat na hangin ng bagyo. Ang inaasahan sanang ani ng kopra ngayong Disyembre, wala na. Sunog. Nangagkatuyot.
Ang mga nakatayo pa ring puno, animo sinabutan o di kaya’y sapilitang kinalbo. Habang ang natitira’y tila sinuklay nang husto. Kulay lupa na rin ang mga dahon ng matitikas na punong nakaligtas. Ang mas masaklap, kwento pa ng ilang matatanda, tatlong taon ang aabutin bago muling mamunga ang mga natitirang buko para gawing kopra — tatlong taong walang katiyakan kung paano sila mabubuhay.
Paano ka nga ba makapamumuhay nang walang-wala? Walang bahay. Walang pagkain. Walang kabuhayan. Walang Pasko ngayong taon.
Sana nga nakikinig si Santa Claus.
At kung gaano kakupad ang galaw ng bagyo, ganoon naman raw kabagal dumating ang tulong sa kanilang mga taga-Gayam. Palibhasa’y isang oras na biyaheng bangka ang kailangan bago sila matunton. Salamat sa munisipyo sa tig-isang kilo ng bigas at de lata. Pero alam nating lahat kung hanggang saan lamang ang mararating nito. Masuwerte nang abutin ng dalawang araw. Tinilad na ubod ng buko ang nagsisilbi ngayong kanin ng maraming taga-Gayam, bahala na ang ulam.
Kaya sa halip na tuwa, habag ang naramdaman ko habang hindi magkamayaw sa pasasalamat ang mga matiyagang nakapila sa ilalim ng marahang ulan, buong pasensiyang nag-aabang sa anumang grasya.
Palakpakan ang salubong nila habang iniisa-isa at ipinaliliwanag ang mga saysay ng ibibigay na lagayan ng tubig at kemikal para linisin ang kanilang inumin. At dumating ang mas nakakadurog na sandali, ang masigabong palakpakan para sa ilang bareta ng sabong panlaba, na nilahukan ng ilang piraso ng sabong panligo. Lalong lumutong ang hiyawan nang ipinakita na ang tuwalya, at lalo’t higit nang ilabas na ang trapal. Matapos ang isang linggo, mabububungan na nilang muli ang mga nawasak na pawid.
Sa maikling panahong nakasama ko sila, napatunayan kong kung sino pa ang wala, silang madaling makasumpong ng kakuntetuhan at ng pasasalamat. Lalo’t ang balewala para sa marami ay tanging yaman na nila.
Higit sa awa at limos, tulong ang malinaw at kagyat na kailangan, hindi lang ng mga taga-Gayam, kung hindi ng lahat ng mga sinalanta ng bagyong Ruby. Pero higit sa tulong, kailangan nila ng pananagutan mula sa mga kinauukulan.
Siya nawa, nakikinig si Santa Claus.
[Entry 60, The SubSelfie Blog]
Editor’s Note: Isinulat ang sanaysay na ito matapos ang siyam na araw na pagtahak noong Disyembre 2014 sa ilang dinaanan ng bagyong Ruby para maabutan ng tulong ng NGO na Save the Children. Tila laging dumarating ang mga malalakas na bagyo tuwing matatapos ang taon tulad ng mga bagyong Sendong, Yolanda at ngayon… Nona at Onyok. At pare-pareho ang dinadaras ng mga biktima ng kalamidad.
About the Author:
Toni Tiemsin is the Editor-in-Chief of SubSelfie.com. Presently, he is a Media and Communications Officer of international NGO Save the Children. Before his work in the development sector, Toni was an Executive Producer for GMA News hourly and breaking news spot, News Producer for primetime newscast 24 Oras, and the Supervising and Associate Producer of GMA News investigative and features unit Special Assignments Team. Journalism 2009, UP Diliman. Read more of his articles here.
Reblogged this on daluyan ng patlang.
LikeLike
Ang ganda, Toni!
Sana nga nakikinig si Santa Claus…
LikeLike
Salamat, Denvie. Siya nawa.
LikeLike