Sa kagipitan raw nasusukat ang lakas at katatagan ng isang tao. Kung kailan puno na ang salop at kailangan na itong kayasin, noon raw napatutunayan ang lalim ng balon ng pagkatao. Ngunit paano kung, sa bawat pagtatapos ng araw, sa halip na tuldok, iniiwanan tayo ng tutuldok?
Animo isang dekada nang nakaraan ang buwan ng Marso, kung kailan mas maayos pa ang lahat. Sinong mag-aakalang hahantong tayo sa pagkakataong ang kahulugan ng bawat araw ay batay sa rami ng nangamatay at nangabuhay at ng mga nasa pagitan nito?
Paano nga ba masusumpungan ang kahulugan ng buhay sa bartolina ng mga dinding sa bahay? At paano kung ang pagkanaroon pa ng susunod na yugto ng buhay ay sinusukat tuwing makalawang linggo?
Minsan ko nang naranasang kumatok sa pinto ng kamatayan—yaong pagkakataong segundo lamang ang naghahati sa buhay at sa susunod pa. Ngunit ibang saysay ang inihahatid ng banta ng kalabang lingid sa paningin at pakiramdam.
May hiwaga ang mga araw na muling magpapakilala sayo na ang misteryo ng pagkanarito ay ang pagkakaroon ng sapat na lakas sa bawat paggising para gumaod at muling magpatuloy, kahit pa ang katiyakan lamang ay ang kawalan nito.
Malaon tayong sinusubok ng pagkakataong nagpabago at patuloy na binabago kung ano at paano ang ngayon at ang bukas sa lahat ng aspeto.
Mapalad na tayong mga nakabartolina lamang sa bahay at higit pa sa tatlong beses isang araw kung maglamnan ng tiyan, habang ang iba’y linggo na ang binibilang na kumakalam ang mga tiyan; habang ang higit na marami ang ni wala man sa hinagap kung mararating pa nila ang susunod na araw, lalo pa ang mga susunod na linggo; habang matamang inaabangan ang ayudang hindi alam kung kailan sila mararating o kung masusumpungan pa nila.
Tayong may sapat na kakayahan at pagpipilian ang inatasan ng kapalarang maghatid sa kapwa ng pag-asang, kasama tayo, ay mararating pa nila ang susunod na mga linggo, ang susunod pang mga buwan, ang katuparan ng kanilang mga pangarap.
Sapagkat tayo mang hikahos sa pananampalataya o tiwala ngunit hitik sa pag-asang may iaaayos at igaganda pa ang ngayon ang may tangan ng tsapa na magpapabago ng kinabukasan.
About the Author
Toni Tiemsin

Toni Tiemsin is the Editor-in-Chief of SubSelfie.com.
He has over 15 years experience in news media, advocacy and development communication, and brand and corporate communications. Journalism 2009, UP Diliman. Read more of his articles here. For more photos of his trips, check out his Instagram.