Pangungulila at Pag-iisa sa Panahon ng Corona

Tandang-tanda ko pa ang sinabi noon ng aking lolo, “Kapag nakatapos ka sa pag-aaral, mag-abroad ka para umasenso.”

Payo iyon ni Lolo Poncing noong bata pa ako at nabubuhay pa siya. Ipinagmamalaki niya na maginhawa raw ang mamuhay sa ibang bansa katulad ng naranasan niya nang manirahan sa States.

Pero nalaman ko rin sa mga kuwento ng mga kamag-anak namin na ilang buwan lang naman pala sa Amerika si lolo.

Nagulat na lang daw ang mga anak niya isang araw, nang dumating si lolo sa bahay nila sa Kalookan na bitbit ang mga maletang naglalaman ng kaniyang mga gamit. Na-homesick daw, kaya, ayun, nag-alsa balutan pauwi sa Pinas.

Nasa paupahang kuwarto ako sa Singapore nang maalala ko ang kuwentong iyon tungkol kay Lolo Poncing. Nagtutupi ng damit. Nagliligpit ng gamit. Nag-iisip nang malalim.

Habang nasa ibabaw naman ng kama ang aking maleta. Ikapitong buwan ko na sa ibang bansa. At tulad ni Lolo, totoo palang mahirap kalaban ang pangungulila sa sariling bansa. Kaya heto, nagpasya na akong umuwi sa Pilipinas.

‘Circuit Breaker’

Pero isang balita ang magpapabago sa aking plano. Dahil nang araw na iyon, ikatlo ng Abril 2020, nag-anunsyo ang pamahalaan ng Singapore na isasailalim ang buong bansa sa tinatawag na “circuit breaker” o CB.

Magsasara ang mga opisina, eskuwelahan, ilang negosyo at iba pang sektor ng ekonomiya. At ang pinakamasaklap—pati border ng bansa, isasara. Kaya lahat ng biyahe palabas ng Singapore, kinansela. At ang paguwi ko sa Pilipinas, biglang napurnada.

Binago ng pandemya ang mukha ng bansang Singapore. Ang dating mabilis na takbo ng buhay, naging dahan-dahan, nananantya dahil sa pangambang lalong kumalat ang sakit.

Nadatnan kong buhay na buhay noon ang bawat sulok ng tinaguriang “Lion City’,” pero dahil sa epidemyang pinaniniwalaang nanggaling sa Wuhan, China, nagmistulang ghost town ang mga lugar na dating dinaragsa ng mga turista.

May takot na bumalot sa buong Singapore lalo pa nang lumobo sa libo-libong kaso ang mga tinamaan ng COVID-19.

Ang awtor na si Jayson Bernard Santos sa pamosong Merlion sa Marina Bay sa Singapore.

Mahigpit ang pagpapatupad ng CB sa Singapore. Namahagi ng libreng mask ang gobyerno, kaya naging mandatory ang pagsusuot nito na may kaukulang multa na 300 Singapore dollars (o katumbas ng mahigit P10,000) kapag nilabag.

Dahil ipinasara rin ang karamihan sa mga opisina, nagpatupad ng work-from-home o WFH setup ang mga kumpanya.

Ipinagbawal na rin ang dine-in sa mga hawker center, bagay na lalong nagpabago sa paraan ng pamumuhay ng mga lokal. Parang karinderya at tambayan ng mga residente rito ang mga hawker, kaya parang binawian sila pansamantala ng karaniwang tagpuan.

New normal sa mga hawker sa Singapore

‘New Normal’

Maituturing na mapalad ako dahil hindi lubos na naapektuhan ang trabaho ko rito sa Singapore. Kabilang kasi ang industriya ng midya rito sa mga tinaguriang “essential services”, kaya’t nagtuloy-tuloy rin at dumoble pa nga ang bigat ng trabaho namin dahil sa circuit breaker.

O baka pakiramdam ko rin ang mabigat noong panahon na iyon, dahil sa labis na pag-aalala sa mga mahal sa buhay habang naka-lockdown sa Pilipinas?

Dahil sa COVID-19, maraming panuntunan sa dati naming ginagawa sa trabaho ang nabago. Sa mga shoot halimbawa, ipinagbawal na ang pagsasama-sama ng crew na mahigit apat na tao.

May distansya rin na sinusunod sa pagitan namin at ng mga iniinterbyu. Nililinis at pinapahiran ng disinfectant o alkohol ang mga gamit, bago at pagkatapos ng shoot.

Malaking hamon din kapag kami inaabutan ng pananghalian o hapunan, dahil sa loob lamang ng media van maaaring kumain at hindi sa pampublikong lugar.

One-man team ang video production ni Jayson hanggang ngayon para sa Mediacorp kung saan siya ay Senior Producer.

Kaya para maiwasan din na makahawa kung sino man sa amin ang magkasakit, nagpasya akong mag-shoot nang mag-isa—bagay na dito ko lang ginawa sa Singapore sa panahon pa ng COVID-19.

Hanggang ngayon, self-shooting producer na ako sa paggawa ko ng dokumentaryo. Mabuti na rin at bawas sa sakit ng ulo.

‘Uncle’

Malapit sa puso ko ang kuwento ng dokumentaryong ginawa ko sa panahon ng lockdown. Tungkol iyon sa mga matatanda at kung paano sila naapektuhan ng circuit breaker.

Si Uncle Sahat, 80, ay isang permanent resident sa Singapore.

Noon ko nakilala si Uncle Sahat, ang 80 taong gulang na permanent resident o PR dito sa Singapore.

Masayahin at parang walang problema si Uncle at hindi bakas sa kaniyang mukha ang pangungulila. Mag-isa na lang kasi siyang namumuhay, pagkatapos pumanaw ng kanyang asawa tatlong taon na ang nakararaan, habang nasa New Zealand naman ang kaisa-isa nilang anak.

May mga araw na nakararamdam siya ng lungkot dahil wala siyang makausap man lang. Dahil sa CB, bawal din siyang dalawin ng mga kaibigan at kapit-bahay.

Sa 26 na namatay sa Singapore dahil sa kumplikasyon ng COVID-19, karamihan ay nasa edad 60 taong gulang pataas. Kaya’t delikado para kay Uncle Sahat na mahawa sa mga bisitang may novel coronavirus.

Nang mag-anunsyo ang gobyerno na ipatutupad ang CB, maraming nag-panic buying. Pero sa mga nakatatandang mahina na ang pangangatawan at madali pang mahawa ng mga karamdaman, kahit sa pagbili ng pagkain ay talagang pahirapan.

Ang mga yayat na kamay, kulubot na balat at naglalamlam na paningin ng mga “uncle” at “auntie” na kinukunan ko sa kamera ang alaala ng nakaraang Singapore na marungis at mahirap.

Sa pagkakataong iyon, nakita ko ang isang mukha ng bansang ito na kadalasang naikukubli ng matataas at mararangyang gusali na nakapalibot dito.

Marami pala sa mahihirap ang naninirahan sa mga tinatawag na “rented flat,” o mga bahay-paupahan ng gobyerno. Sa mga lugar na ito namamalagi ang karamihan sa mga “uncle” at “auntie”.

Sa nakaraang mga araw, nailantad din ang kaawa-awang kuwento ng mga katulad kong “work pass” holder na nagtatrabaho sa Singapore.

Nagmula sa hanay ng mga dayuhang manggagawa na karaniwang nagtatrabaho sa mga construction site ang karamihan sa mga natuklasang positibo sa COVID-19.

Kalaunan, nagkuwento sila tungkol sa kondisyon ng mga dormitoryo kung saan sila pansamantalang nakatira. Naisapubliko ang kalunos-lunos nilang pamumuhay, kung saan mahigit 10 ang kadalasang namamalagi sa isang maliit na kuwarto. Sa kabila nito, may mga lokal na sinisisi pa ang pagtanggap ng mga dayuhang manggagawa, kung kaya dumami pa ang kaso ng mga nagkasakit.

Tila binuksan nga ng pandemyang ito ang kalawanging lata na naglalaman ng mga inuuod na suliranin ng isang modernisadong bansa.

Totoo marahil ang sinabi ng namayapa kong lolo na nasa ibayong-dagat ang susi sa pag-asenso. Sa karanasan ko rito, mas napagtanto ko rin na may mas mahalaga akong pakay—patuloy na ikuwento kung ano ang makikita sa loob ng mga kalawanging lata.

About the Author:

Jayson Bernard Bautista Santos is a Filipino documentary producer and filmmaker and Senior Producer for Singapore’s Mediacorp whose socially-relevant documentaries combined with visually interesting and experimental solutions were recognized locally and abroad.

His TV documentaries won awards from the New York Festivals, Monte Carlo TV Festival, Grand Prix Child Rights Awards, US International Film and Video Festivals, AIBD World TV Awards, to name a few.

He is currently in production of his first full-length documentary film.

One Comment Add yours

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.