Kung Paano Hinaharap ng Babae ang Hirap

Hirap, Kapos, Kulang. Written by Meg Yarcia for SubSelfie.com.

Alas-tres ng umaga, gising na si Aling Irma.* Sa totoo lang, aniya, parang wala na siyang tulog.

“Minsan, pag yung humihiga na ako, alas-diyes, ganun, tinatawag pa ako dun sa kabila. May iniuutos pa, ganun. Sa kagustuhan ko naman na ako ay may kita, hala sige kahit pagod na ako, sige pa rin. Tapos wala namang hinto sa paggising nang madaling-araw. Kasi Monday to Friday may pasok, puro madaling-araw yung mga anak ko.”

Isa si Aling Irma sa sampung kalahok sa aking pag-aaral, na naglalayong alamin kung paano humaharap ang kababaihang maralita sa kahirapan. Ipinakwento ko ang kanilang mga pinagdaraanan sa araw-araw, sa paghahanapbuhay, sa pagpapalaki ng mga anak, sa paninirahan sa kanilang komunidad, sa pakikitungo sa kanilang mga kapamilya at kaibigan. Kapag may problema, kanino sila humihingi ng tulong? Paano sila nakapagpapatuloy sa harap ng mabibigat na pagsubok? Ano ang kanilang mga pagpapahalaga at paniniwala? Ano ang kanilang mga pangarap?

Narito ang unang bahagi ng aking pagtatangkang ilahad ang aking mga natutunan.

Hirap, kapos, kulang

Karaniwang daing ng mga Nanay ang kawalan ng matatag na hanapbuhay. Ang kanilang mga asawa, puro kontraktwal – construction worker, drayber, trabahador o kaya’y walang trabaho. Sila naman… naglalaba, namamalantsa, namamasukan bilang katulong o yaya, nag-aahente ng sugal, namamasura, o naglalako ng mga mumurahing paninda, tulad ng gulay, daing, o basahan.

Pawang walang kasiguruhan at lubhang maliit ang kita sa mga ito. Ilang ulit ko ngang narinig ang mga salitang ‘hirap,’ ‘kapos,’ at ‘kulang’ sa mga kwento, tulad ng kay Aling Carmen:

“Yung asawa ko eh, ano lang eh, wala pa sa minimum. P400 lang, eh di kulang na kulang din talaga… Siguro hirap din siya kasi nga sa construction ang hirap, kung minsan ‘yung mga bakal. Nag a-assemble ng mga bakal, ganon. Wala rin siyang magawa kasi wala naman siyang ibang ano eh. Hindi pa five months, tapos lipat na naman sa kabila. 58 na rin siya…”

Madalas, dala ng pangangailangan, dalawa o tatlong gawain ang pinapasok ng mga Nanay. Halimbawa, pagma-manicure at pag-aalaga ng bata, o kaya paglalako, paglalabada, at pagiging kubrador. Ngunit hindi pa rin sumasapat ang mga ito lalo’t karamihan sa kanila, anim ang anak: nagugutom ang mga bata, laging problema ang mga gastusin sa eskwela. Lahad ni Aling Gina:

“Mag-iiwan ka sa anak mo ng pagkain nila, baon nila. Magkano ang baon nila? P100 dun sa panganay ko. Yung sa high school ko P50. Yung sa elementary ko, P40. Sa isang araw yun magkano? Iba pa yung pagkain dun kulang pa. Siguro sa isang araw, P150 yung baon nila, hindi pa kasama ang babae ko dun kasi ang babae ko, tuwing Sabado at Linggo lang ang pasok niya. Pero ang baon nun, P100, Sabado’t Linggo, bale P200 din pumapatak yun. Ayun, hirap na hirap, hirap na hirap sa pinansya.”

Araw-araw na pakikihamok

Paggising sa umaga, kung hindi man bago pa matulog sa gabi, iisipin ng mga Nanay kung may makakain ba ang mga anak, kung makakapasok ba ang mga ito sa eskwela, at ang asawa, sa trabaho, at kung alin sa kanilang mga utang ang mahuhulugan. Ipagluluto nila ang mga aalis at ihahanda ang mga kailangan: damit, sapatos, baon, pamasahe.

Pagkatapos, mag-iimis sila at lalabas ng bahay upang maghanap ng mapagkakakitaan. Magtatanong kung saan may labada, kung sino ang nagpapautang. Sabi ni Aling Elsa:

“Pupunta ako sa mga kapitbahay ko, kwentuhan, tanungan kung saan may pera (sinundan ng tawa). Iyon Ma’am yung mga routine, araw-araw na mangangapitbahay. Magtanong kung saan, ‘paano kaya tayo maghahanap ng ano’… ‘Pag nasa labas ka, makakausap mo ‘yung makakatulong sayo.”

Maghapon silang kakayod, at sa gabi, maghahanda naman ng hapunan. Pagkakain, maglilinis, tutulungan ang mga bata sa assignment, at matutulog na dala-dala pa rin ang alalahanin ng maghapon. Anupa’t araw-araw ang kanilang pakikihamok sa kahirapan.

Lahat sila, maraming pinagkakautangan. Ang tatlo, nakasanla ang bahay. Pito ang madalas humiram sa mga kapitbahay, kamag-anak, at kaibigan. Si Aling Gina, na isang yaya, laging bumabale sa amo at naisanla pa ang kanyang metro ng kuryente. Lubhang karaniwan na sa kanila ang pangungutang, at nagiging siklo na raw ito ng “utang-bayad-utang-bayad.” May pabirong tawag pa nga si Aling Lily rito: London Bridge (“Loan doon, loan dito”).

Bukod dito, anumang oras, maaari silang paalisin sa kanilang tinitirhan, sapagkat may ibang nagmamay-ari ng lupang kinatitirikan ng kanilang bahay, o inuupahan. Kaya bukod sa kakapusan ng salapi at pagkabaon sa utang, dalahin din nila ang kawalang-katiyakan sa usapin ng panirahan. Sabi nga ni Aling Helen:

“Lagi kaming sinasabihan eh, na, gagamitin na yung lugar. Eh pano kami, san kami dadamputin? Ang dami namin eh. Pano naman kami? San kami? Pag nangupahan kami, kakayanin ba namin yun?”

Pagtitipid, pagtitiis

Doble ang dagok ng kahirapan sa mga Nanay. Habang ang mga lalaki, inaasahan lamang na kumita para sa pamilya, ang mga kababaihang maralita, gumagampan din ng gawaing-bahay, bukod sa paghahanapbuhay. Sila rin ang nag-aasikaso sa mga bata, nagluluto, at nagtitiyak na maayos at malinis ang tahanan. Kaya hindi nakakagulat na lagi silang puyat at walang panahon sa sarili.

“Nakakakurta ng utak,” paglalarawan ni Aling Martha sa paghihikahos ng kanyang pamilya. Iniinda na rin ng kanilang katawan ang pagod dulot ng labis na pagtatrabaho – ang karamihan masakit ang mga kalamnan at kasukasuan, nangangayayat, at hirap sa pagtulog. Ngunit walang gustong magpatingin sa doktor. Paliwanag ni Aling Nena, dagdag-isipin pa iyon kung sakali:

“May mga nararamdaman ako (pero), di ko iisipin magpa-check-up, malaman pa sakit ko, ibig sabihin, iisipin ko pa kapag nalaman ko.”

Dinaramdam din ng mga Nanay ang epekto ng kahirapan sa kanilang paggampan sa papel bilang magulang. May mga pagkakataon kasing hindi nila mapagbigyan ang mga anak dahil sa kakapusan. Kwento ni Aling Nena:

“Naaawa ako kapag may hinihingi sila na wala akong maibigay pa, tulad ng sa school. May mga activities na hindi nila naaano, nakakaawa din na makita mo sila na na gustong sumali, hindi ko pasasalihin dahil wala. Kahit papaano kung minsan naman naiintindihan naman nila kasi kapag meron naman, “Sige anak,” susuportahan naman.”

Hinuha pa nga ni Aling Martha, hindi sila ng kanyang asawa ang gugustuhin ng kanilang mga anak, kung makakapili lang ang mga ito:

“Pipiliin ba kami na sa squatter nakatira? Kami ba ang pipiliin nun na lahat ng luho di naman namin maibigay?”

Gayunpaman, matiyagang itinataguyod ng mga Nanay ang kanilang pamilya, alinsunod sa mga kinasanayang paraan ng pagtitipid at pagtitiis. Bukas, masakit man ang katawan at pagod ang isip, muli silang babangon bago pa sumikat ang araw.

[Entry 226, The SubSelfie Blog]

Tungkol sa Manunulat:

Nagtapos si Meg Yarcia ng Bachelor at Master in Psychology sa Unibersidad ng Pilipinas. Mahilig siyang magluto at kumain, magbasa ng mga akda ni Lenin, at makinig kay Chopin. Pangarap niyang makadaupang-palad si Sarah Geronimo at Ian Veneracion.

4 Comments Add yours

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.