Anak, ina, babae—iyan si Ligaya, biktima ng sex trafficking at ng mapapait na karanasan ng buhay.
Bakit nga ba maraming babae ang nagiging biktima nito? Bakit ba ganito ang trato ng ilang lalaki sa mga babae na parang isang tuyong sanga na pwedeng baliin?
Limang taong gulang pa lamang noon si Ligaya nang pagsamantalahan siya ng sarili niyang ama. Ang karahasang ito, patuloy na nangyari sa loob ng siyam na taon hanggang sa mabuntis ng sarili niyang ama.
Inilayo naman ng ama ni Ligaya ang kanyang mga kapatid at ang sariling anak. Pinagbantaan niya si Ligaya na kapag ikinalat ito sa mga tao sa kanilang probinsya, mananagot ang kanyang mga kapatid at anak.

Purgatoryo
Pumunta si Ligaya sa Maynila upang makapaghanap ng trabaho para mabawi na niya ang kanyang kapatid at anak. Nakapasok sa isang canteen si Ligaya bilang isang kusinera. Akala ni Ligaya magiging madali ang kanyang napasukang trabaho, pero hindi pala.
Hindi siya nakakasahod nang maayos at nakakakain nang sapat kaya kinausap siya ng isang kaibigan para ipasok sa isang club. Mas mataas raw ang sweldo roon.
Akala ni Ligaya giginhawa na ang kanyang buhay. Akala lang pala niya.
Inakalang magandang trabaho ang kanyang mapupuntahan, pero ito pala’y pugad ng mga demonyong hayok sa babae. Naging kalapating mababa ang lipad si Ligaya sa impyernong kanyang napuntahan.
Impyerno
Hanggang sa makilala ni Ligaya sa bar ang isang sundalong akala niya’y magtatakas sa kanya sa maruming mundo ng prostitusyon. Ngunit dinala pa niya si Ligaya sa mas masahol na lugar.
Pinagamit ng sundalo si Ligaya sa iba’t ibang lalaki.
Muling nagbuntis si Ligaya, pero kahit na siya’y nagdadalang tao, walang tigil pa rin siyang pinagsamantalahan hanggang sa siya’y manganak.
Nakalaya si Ligaya makalipas ang ilang araw matapos siyang tulungan ng mga taong nakarinig sa kanyang panaghoy.
Lupa
Nakalaya si Ligaya sa sundalong umalipin sa kanya, ngunit humarap na naman siya sa isa pang kalbaryo nang magkaroon ng sakit ang kanyang anak. Lalong humirap ang buhay ni Ligaya dahil sa gastusin sa ospital na wala naman siyang maipambayad.
Naghanap muli si Ligaya ng trabaho hanggang mapunta siya sa lugar na hitik sa mga bugaw. Sinubukan ulit ni Ligaya na maging isang prostitute alang-alang sa kanyang anak na may sakit.
Pero lumipas ang ilang araw, butas pa rin ang bulsa ni Ligaya dahil pati ipon niya’y kinukubra ng kanyang bugaw.
Dumating sa puntong pati droga, sinubukan ni Ligaya upang kalimutan ang sakit na kanyang nararamdaman sa tuwing gagamitin siya ng mga lalaki.

Ilang araw ang nakalipas nang naisipan ni Ligaya na mag-ikot sa Maynila at nang makita nya ang CATWAP (Coalition Against Trafficking in Women – Asia-Pacific) Foundation. Dahil sa organisasyong ito ay nabago ang pananaw ni Ligaya sa kanyang buhay, at muli siyang nagkaroon ng pag-asang mabuhay.
“Kung napunta ka sa prostitusyon, hindi mo kasalanan ‘yan. Biktima ka lang. Biktima ka lang ng lahat ng nangyari sa ‘yo. Hindi ka dapat mahiya. Kung sino ang humusga sa ‘yo, dapat siya ang mahiya, dahil hindi nila alam ang pinanggagalingan mo.
“Kaya sana sa mga humuhusga sana alamin muna nila ang pinagdadaanan ng babaeng ‘yun,” saad ni Ligaya.
[Entry 247, The SubSelfie Blog]
Tungkol sa Manunulat:
Mag-aaral si Dennis Garcia ng kursong AB Communication sa University of the East (UE) Caloocan. 4th Year Representative din siya ng Association of Communication Students (ACTIONS) sa UE, at Secretary-General ng Silangan Film Circle (SFC).