Hudyat ang numero 30 ng pagtatapos ng isang balita o sanaysay, ng pagsasara ng buwan, ng tuldok sa isang yugto, ng pagpapanibagong-buhay.
Katumbas din ng nasabing bilang ang isang pinto, lagusan patungo sa isang bagong araw, ano pa’t paniniguro kung hindi salamin ng pag-asa na may susunod pang pahina, isang bagong kabanata.
May kung anong mahika ngang dala ang dalawang bilugang numero. Animo’y binubuwan mapababae o mapalalaki man na nalalapit sa edad na 30. Marahil dahil senyales ito ng isang katapusan, na maaari rin namang tignang isang introduksyon sa isang bagong panimula — isang yugtong puno ng kaba at panganib sa kabila ng pag-asa at pag-ibig.
Anino itong nakabuntot sa likuran, naghihintay na masulyapan sa gitna ng liwanag ng arawan.
Wari’y akay-akay nito ang isang batang nagsisimula pa lamang humakbang, kailangang alalayang mabuti nang maiwasang madapa, nang hindi masubsob. Gaya ito ng mga pangarap nating dahan-dahang binuo, marahang hinubog ng kabataan at panahon, kaya’t pinakaiingat-ingatang hindi mabasag.
Walang taong walang pangarap. Lahat may panaginip na makaalpas sa kasalukuyan niyang kondisyon o mapaimbabawan ito.
Anak tayo ng mga pangarap — pangarap ng mga ninunong nauna pa sa atin, ng mga sarili nating panaginip, mga hinagap at kwento at kasaysayan, at ng mga teksto ng mga paparating pa lang pagkatapos ng huling hininga nating lahat.
Sa madaling sabi, karugtong tayo ng nagdaan at kahapon, ng ngayon, maging ng bukas, at ng hindi masukat at matigib na paparating pa lang.
Mas madali sana ang lahat kung nalilikom lamang lahat ng lakas, oras, at pagkakataon sa ating mga palad, gaya ng piraso ng papel na nalalamukos sa kamao.
Ngunit gayon na lamang ang trahedya ng maraming bagay na nais nating panghawakan, nais nating pangimbabawan: humuhulagpos habang kinukumutan ng puwersa, tila ba sandakot na buhanging lalong kumakawala habang lalong pinanghahawakan.
Kung ang kapalaran sana’y sindaling ipinta ng mga ngiti gaya ng sa bagong mag-asawa, mas madali sana ang lahat para sa lahat. Pero paano kung singgulo ng EDSA ang mga pangarap at nais mo?
Salamat na nga gayong numero lamang ang 30. Sapagkat hindi nito tinatapos ang ating mga pangarap at lalong hindi nito tinutuldukan ang kakayahan nating managinip, ang maghangad na gaganda pa ang mundo, na hindi pa huli ang lahat, na namamatay lamang ang pag-asa kasabay ng pagpanaw natin sa mundong ibabaw.
At sapagkat tayo ang gumuguhit ng sarili nating mga bituin, ng sarili nating mga kwento, walang saysay ang sentensyang dala ng numero 30.
[Entry 143, The SubSelfie Blog]
About the Author:
Toni Tiemsin is the Editor-in-Chief of SubSelfie.com. Presently, he is a Media and Communications Officer of the international NGO Save the Children. Before his work in the development sector, Toni was an Executive Producer for the hourly and breaking news spot of GMA NEWS, News Producer for its primetime newscast 24 Oras, and the Supervising and Associate Producer of the Special Assignments Team, the investigative and features unit Of GMA News. Journalism 2009, UP Diliman. Read more of his articles here.
Reblogged this on daluyan ng patlang.
LikeLike