Isang Bukas na Liham para sa Ika-16 na Pangulo ng Pilipinas

Isang Bukas na Liham para sa ika-16 na Pangulo ng Pilipinas. Isinulat ni Jayson Bernard Santos para sa SubSelfie.com.

Magandang araw!

Mainit na pagbati po sa naging tagumpay ninyo sa nakaraang halalan at matapos ang siyamnapung araw ng isa na marahil sa pinakamapanghating eleksyon sa ating kasaysayan! Ngayong tapos na ang bangayan at pagtatalo ng magkakalabang kampo, panahon na po marahil para simulan nang linisin ang putik at duming itinapon ninyong lahat sa panahon ng panunuyo sa mga nakamit ninyong boto.

Ako po si Jayson, isang dekada na po ngayong taon bilang manunulat at producer sa telebisyon. Ilang ulit na rin po akong nag-cover ng eleksyong pampanguluhan at lokal, pero pambihirang klase po talaga ang halalang ito dahil mistulang naging isang patok na teleseryeng sinubaybayan ng publiko ang mga eksena — mula sa pagsasampa pa lang ng kandidatura, patutsadahan sa social media, bangayan sa debate, hanggang sa paramihan ng mga dumalo sa miting de abanse.

Iba’t ibang hashtag na nga ang pinauso ng mga supporter ninyo at mga kalabang kandidato. Biro nga po ng iba, sa eleksyong ito nag-FO (friendship over) ang dating magkakaibigan. Dahil po kasi sa pagtatanggol at pagkampi nila sa mga napupusuan nilang kandidato, pati mga dating tropa, dyowa, BFF, at SO, nagkatalo-talo na! Iyong iba nga, hindi lang ‘Hide’ kundi ‘Unfriend’ + ‘Block’ + ‘Report User’ combo pa ang panabla sa mga kumukontra. Sigurado po ako, hindi lang po iisa sa mga tagahanga o umiidolo sa inyo ang gumawa niyan. Wala na lang pong magawa o masabi ang ibang napa-facepalm kundi ‘grabe siya.’

Sa totoo lang po, naging abala rin ako sa trabaho sa panahon ng pangangampanya ninyo at ng mga ibang kandidato. Pero nababalitaan ko naman po ang mga nangyayari sa eleksyong ito. Kaya po ako lumiham para maipakita sa inyo ang ilan sa mga nakilala ko rin habang gumagawa ng dokumentaryo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Marahil sa pag-iikot ninyo sa mga lalawigan sa panahon ng kampanya, nakita na ninyo sila. Marahil kabilang sila sa libu-libo ninyong tagapakinig habang nagtatalumpati sa entablado. Marahil isa sila sa mga nag-abang sa pagdaan ng inyong sinasakyan. Marahil nakamayan ninyo sila. O ang mga katulad nila. 

Ibinoto po kayo ng sambayanan para sa kanila — mga mukhang kabilang sa 102 milyong Pilipino na naghihintay sa inyong pag-upo sa trono. At umaasa na maramdaman nila ang Pangulong iniluklok sa puwesto.

Sila po ang mga naging case study sa ilang nagawa kong dokumentaryo.

Mga Batang Minero: Ardin at Mark

May suot po ba kayong alahas na ginto sa inyong katawan ngayon? Made in the Philippines po ba? Hindi na po nakapagtataka dahil ayon sa datos, mahigit 10 bilyong halaga ng dolyar ang gintong nakukuha sa bansa taon-taon. Kabilang po sina Ardin at Mark sa 18,000 batang minero na isinusugal ang buhay sa mga maliliit na minahan para lamang makatulong sa pangangailagan ng pamilya.

Nakita ko po kung gaano kadelikado ang trabaho nila sa mga minahan sa probinsya. Isang paa sa hukay po ang nakataya. At ano ang nagiging kapalit? Humigit-kumulang isandaan at limampung pisong halaga ng gintong ibinababad sa asoge o nakalalasong mercury. Mistulang ilalim ng balon ang kinabukasan ng mga tulad nilang bata na sa murang edad pa lang, nagbabanat na ng buto dahil sa kahirapan – madilim at walang katiyakan kung makalalabas pa ng buhay.

Mapait na katotohanan po ang suliranin ng child labor sa ating bansa. Kung may sapat lang sanang oportunidad, kahit sa mga mahihirap na pamilya sa malalayong lugar sa Pilipinas, hindi na po kailangang magbanat ng buto ng mga bata para lamang may pagkain  silang maisusubo. Sa halip na magkakalyo ang mga daliri nila sa pagtatrabaho, mas mainam yatang gamitin nila ang mga kamay sa pagsusulat ng mga aralin sa paaralan.

Pero paano kung kalbaryo pati ang pagpasok sa eskuwela?

Ardin. Batang minero sa Camarines Norte.

Mark. Batang minero sa Camarines Norte.

Mga Mag-aaral ng Sorsogon

Sa Sua National High School sa lalawigan ng Sorsogon, nakilala ko ang ilang mag-aaral na tumatawid pa ng dagat at umaakyat ng mga bundok bago pa makatuntong sa kanilang eskuwelahan. Kapag high tide sa kanilang lugar, lampas-ulo nila ang tubig, kaya’t hindi rin maiwasang mabasa ng kanilang mga personal na gamit. Kuwento ng mga bata, tuwing eleksyon na lang ipinangangako ng mga nais mamuno sa  kanila ang tulay, bangka o kahit nga pagpapapatag ng daanan para hindi na sila mahirapang pumasok sa kanilang mga klase. Pero hanggang ngayon, nganga pa rin sila. At isa-isa nang nag-drop out ang ibang mag-aaral. Tila sinasalamin nito ang taglagas ng mga pangarap ng mga batang makaahon sa kahirapan.

Baka naman maitawid natin ang edukasyon ng mga batang Pilipino? Totoong hindi naman madaling makamit ang diploma, pero kailangan ba talagang buwis-buhay?

Sa mga liblib na lugar din sa Pilipinas, sabi nga ng isang kandidato sa naging panayam niya sa telebisyon, ‘dasal lang, dasal lang talaga’ ang kailangan para hindi ka dalawin ni Kamatayan. Bukod sa malayo o minsan pa nga’y walang ospital, kulang din ang mga doktor para sa mga maysakit nating kababayan.

Mga mag-aaral ng Sua National High School sa Sorsogon.

Dr. Roel Cagape

Nakilala ko ang volunteer doctor na si Dr. Roel Cagape sa pangalawa sa pinakamahirap na lalawigan sa Pilipinas, ang Sarangani. Kasama ng iba pang volunteer nurse at medical personnel, inaakyat niya ang mga bundok at ilog nang ilang araw bago marating ang mga katutubong hindi nakakakita ng doktor, maliban sa kaniya. Dahil maputik, mabato at puno ng matatalim na talahib ang daan, walang nakapapasok na sasakyang maaari sanang magdala sa mga pasyente sa pinakamalapit na ospital sa Lungsod ng General Santos. Pero madiskarte si Doc. Gamit ang pinagdikit-dikit na kawayan, isinasakay niya ang pasyente sa isang kabayo na parang ambulansya. Namimigay rin siya ng mga donasyong gamot sa mga maysakit. Pero isa lang si Dr. Cagape sa mga may mabubuting-loob na tumutulong sa mga nangangailangang tila ‘wala sa mapa’ ng mga naaambunan ng atensyong medikal.

Paano na ang mga agaw-buhay? ‘Dasal dasal’ na lang? Kung kasingdami lang sana ng basketball court ang mga ospital at doktor sa bansang ito, baka mas maraming maisalbang buhay.

Ang mga tulad ni Dr. Cagape, may iniindang sakit sa puso. Lalo na kapag nakikita nila ang sakit ng lipunang nagiging bulag sa tunay na problema ng bayan.

Dr. Roel Cagape.

Mga Magsasaka sa Isabela

Sino nga ba namang mag-aakala na ang mga magsasaka, walang bigas na maisasaing para sa kanilang pamilya? Sa ilang araw ko pong pakikipag-usap sa mga magsasaka sa lalawigan ng Isabela, tuyot ang lalamunan at kumakalam ang sikmura ng maraming magsasaka sa bukid. Daig pa nga sila ng mga manok na may matutuka sa kada kahig sa lupa. Pero dahil sa El Nino, wala silang mga ani. At ang puhunan nila sa pagtatanim ng binhi, inutang pa nila kahit mataas ang tubo. Wala mang ulang maaaring magpabaha sa kanila, pero lubog na lubog sila ngayon sa utang. Hindi nila alam kung paano pa iyon babayaran.

Malaking bagay po sana kung mapalalawig pa ng inyong bagong administrasyon ang ayudang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o conditional cash transfer ng pamahalaan. Sana nga lang daw, hindi lang sa mga balwarte ng mga kandidato ang ambon ng biyaya. Maging patas naman sa lahat, dahil pare-pareho naman ng tunog ang kumakalam na sikmura.

magsasaka-Jayson-Bernard-Santos-GMA-News-Public-Affairs-SubSelfie-Blog

LGBTQI: Jericson

Nabanggit na rin lang naman ang patas at pantay na pagtingin. Ang nasa larawan po ay si Jericson, isang LGBTQI na binugbog at pinalayas ng kaniyang sariling magulang sa bahay, dahil isa siyang bading. Sa inyo po kayang administrasyon, makatitiyak na ang mga tulad niya ng katarungan laban sa diskriminasyon?

Jericson. Biktima ng diskriminasyon.

Nasa konstitusyon po natin ang tinatawag na ‘separation of the church and state,’ pero magiging batayan po ba ang dikta ng relihiyon sa hinihinging pagtingin sa batas ng mga tulad nina Mike at Jheq na ipinagisang-dibdib kamakailan? O mananatili raw ba tayong paurong na lipunang nagbabalatkayo sa mga utos ng hari na hindi nababali?

LGBT Discrimination.

Marahil, isa sa mga pinagsisihan ko ang paggawa ng dokumentaryo. Batid kong malakas ang kapangyarihan nito, para makapaglahad ng kuwento. Pero bukod sa pagkukuwento, naghahangad po ang isang tulad ko ng pagbabago.

Tulad sa araw ng eleksyon, kung kailan itinala ko ang isa kong boto sa susunod na Pangulo. Malaki po ang tiwala ko sa demokrasya. Naniniwala ako sa kapangyarihan ng mamamayan, kaya ako nakilahok sa halalan.

Pero bilang mamamahayag, alam kong pagkatapos ng paglalahad sa mga kuwento, hugkang ang solusyon kung walang tutugon sa kanilang sitwasyon.

Buhay Media

At kung minsan kahit nga po kaming mga nasa media, walang katiyakan kung hanggang kailan makapagbabahagi ng kuwento. Halos lahat po kasi kaming mga itinuturing na kontraktuwal sa mga pinapasukan naming kompanya, maaaring ma-‘endo.’ Walang kasiguraduhan ang panahong itatagal namin sa trabaho.

Ang iba naman sa mga kasama namin sa trabaho, talagang hindi nagtatagal ang buhay. Nalilibing sila na wala man lang nakukuhang benepisyo, kahit ilang taon na silang subsob sa trabaho.

Mahigit sampung taon na po sa trabaho niya sa isang television network ang kaibigan kong si Christian Bochee. Tinanggal siya sa trabaho habang umuusad ang pagdinig sa panawagan niya para maging regular na empleyado. Wala siyang nagawa kundi lisanin ang trabahong minahal niya sa matagal na panahon. Paso na raw kasi ang kontrata niya bilang talent,’ tulad nang marami sa media. Batid po kaya ninyo na ganito ang buhay naming mga nasa likod ng kamera?  

Bowe. Buhay Media.

Kaya isa na rin itong paanyaya. Sumama po kayo minsan sa akin na maglahad ng kuwento. Bisitahin natin ang mga lugar na maaari tayong maghatid ng pagbabago – kung saan maiaahon po ninyo ang mga lubog sa kahirapan, maitatawid ang kinabukasan ng mga batang nais mag-aral, mahilom ang sugat ng mga matagal na panahong kapabayaan, mapunan ang sikmurang kumakalam, at maging isang Pangulong magbubuklod sa mga Pilipino anumang kulay, relihiyon o kasarian.

Gawin ninyo lang po ang trabaho ninyo. Tuloy lang din po kami sa trabaho namin. Nandito lang po kami para magbantay at maghintay.  

[Entry 137, The SubSelfie Blog]

About the Author:

Jayson Bernard Santos.

Jayson Bernard Santos won the third prize under the Sanaysay/Essay category for his piece Ang Tiktik sa Kalye Moriones during the 2015 Carlos Palanca Memorial Awards for Literature. He is also the Executive Producer of the award-winning documentary program Reel Time under GMA News and Public Affairs.

Advertisements

4 Comments Add yours

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s