Waring nagbibiro lamang ang tadhana nang magkakasunod na pagkilala ang inilabas ng korte at mga ahensya sa mga karapatan ng mga manggagawa sa media.
Ngunit di gaya ng bungang-kahoy na pinahinog ng tubig at araw, kinailangan pang ikalburo ng ilang manggagawa sa media ang mga pagkakataon nang sa gayo’y mahinog ito nang tuluyan.
Sa madaling sabi, gaya ng isang leksyon na natutunan ko sa labas ng silid-aralan noong nasa Unibersidad pa, mga karapatan itong hindi inihahain, kaya dapat hingin kung hindi man tuwirang ipaglaban.

Kapuso
Una sa magandang balita, ang pinal na pagkatig ng korte ng National Labor Relations Commission (NLRC) sa mahigit 100 “talents” ng GMA News and Public Affairs para ideklara silang mga regular na empleyado na dapat may seguridad sa trabaho at dapat ding magtamasa ng iba pang benepisyo gaya ng SSS, Philhealth, health card at iba pa.
Sa inilabas na desisyon ng Fourth Division ng NLRC na may petsang Pebrero 17, 2016, ipinagtibay nitong “pinal na at dapat nang ipatupad” ang naunang desisyong pabor sa mga miyembro ng Talents Association of GMA Network (TAG) na inilabas noong Enero 21, 2016.
Halos dalawang taon din ang hinintay ng mga miyembro ng TAG na nagsampa ng kaso laban sa GMA Network Inc. para sa pagkakataong ito, gayunman malayo pang tuluyang matuldukan ang kahihinatnan ng kaso.
Bagaman wala na sa NLRC ang bola, ang kiskisan naman ngayon sa pagitan ng mga kinatigan ng korte at ng GMA Network Inc. ang dapat bantayan. Mangyaring malayo sa daang-libong buwanang kita ng ilang regular na empleyado ng kumpanya, sa pinakapayak na pagkakasabi, pagkilala sa karapatan bilang tao at manggagawa ang hinihingi ng grupo.
Marami na ang mga pangarap na kinitil ng labang ito para sa patas na pagtingin sa mga manggagawa sa loob ng istasyon at para sa pagkilala sa ilang taong serbisyo sa kumpanya. Lalong higit na marami ang mga bata at kanilang pamilyang kapwa naapektuhan ng kawalang seguridad ng kanilang mga magulang, kapatid o kamag-anak.

Kapatid
Kaya nakatutuwa namang marinig ang isa pang magandang balita mula sa TV 5. Sa panayam ng Bulatlat.com kay Vladimir Martin, pangulo ng ABC Employees Union (ABCEU), natapos na nitong nakaraang linggo ang negosasyon para sa isang bagong Collective Bargaining Agreement ng mga regular na manggagawa ng istasyon.
Sa paglagda ng ABCEU at ni TV5 President and Chief Executive Officer Emmanuel Lorenzana, nagtapos ang pitong buwang deadlock kaugnay ng hiling na taunang dagdag-sweldo hanggang sa 2017. Gawa nito’y napigilan din ang napipintong strike na siyang desisyon ng grupo matapos makakuha ng 87% na boto noong nakaraang buwan.
Sa ilalim ng kasunduan, across the board na P1000/P1500/P1500 ang dagdag-sahod na ipatutupad hanggang 2017. Malayo ito sa naunang hiling na P4500/P2300/P1500 pero sabi ni Martin sa Bulatlat.com, mas mainam pa rin ang naisarang CBA kaysa mga nakaraan.
Maswerte nga rin ang mga miyembro ng unyon ng TV5 na makakakuha ng P5000 na educational loan at dagdag-subsidyo sa bigas na P200. Ngunit huwag nating kaligtaan na hindi pa kasama rito ang mga manggagawa sa istasyon na, ilang taon na ang nakalipas, hanggang ngayon,“talent” pa rin ang estado— wala na ngang seguridad, wala pang benepisyo.
Huwag magkamali dahil ganyan rin ang sitwasyon sa iba pang newsroom sa bansa. Ngunit paulit-ulit mang ginagawa at pinanatili, baluktot pa rin ito at hindi nagiging tama.

Magtataka ka nga dahil habang ang mga desk staff, reporter at cameraman sa iba’t ibang istasyon, nagawang gawing regular na mga empleyado. Habang daanlibo ang sweldo ng mga manager at ilang anchor, tila kailangan pang magmakaawa ng iba pang staff gaya ng mga teleprompter, video editor, video researcher, program researcher at segment producer para man lang sa mabigyan ng kaperahang benepisyo na dapat naman talaga nilang tinatamasa.
Malaking kabalintunaan na ang nagsisiwalat ng mga kabuktutan ng gobyerno at sistema, siya ring lumalabag dito. Kaya gaya ng pagbabalita sa mga kontra sa status quo, malaking bagay na naisisiwalat ang mga katiwalian sa loob mismo ng media.

8, Hindi 24 Oras
Noong April 26, naglabas ng advisory ang Department of Labor and Employment (DOLE) na walong oras lang ang legal na oras na paggawa ng mga manggagawa sa pelikula at telebisyon. Sa tatlong pahinang kautusang inilabas ng ahensya, nilinaw na kung lalabis man, hanggang 12 oras lamang ang dapat na oras ng paggawa ng mga talent.
Tiyak na aalmahan ito ng mga sanay sa puyatan at magdamagang shoot o taping at editing, pero malinaw ang mensahe ng kautusan.
“Organizations must uphold the best interest of their human resources. Even machines need rest. If we ensure that our employees are in top shape, then we can expect also their optimum work performance and efficient work output,” sabi ni Baldoz sa isang pahayag.
Panahon nang kilalanin na disenteng manggagawa ang mga tao sa media na nararapat umanong bigyan ng karampatang benepisyo kasama ang Philhealth, Pag-ibig at SSS. Sa bisa ng Repubic Act 10395, inaasahan na bago magtapos ang Mayo, mabubuo ang mga regional na Industry Tripartite Council para i-monitor ang pagpapatupad sa bagong kautusan.
Dagdag ni Baldoz sa inilabas na pahayag sa media, ang anumang paglabag sa kautusan, isasailalim sa “conciliation-mediation” ng DOLE o sa “Single Entry Approach method” nito.

Fourth Estate
Magandang balita lahat ng ito para sa mga manggagawa sa media, gayundin sa lahat ng mga manggagawang patuloy na nakasandig at umaasa sa institusyong ito, upang patuloy na responsableng gagampanan ang tungkulin nito sa bayan at sa demokrasya.
Lalo’t mula sa mga pinakamagaganda at magagarang opisina sa Makati City hanggang sa mga pinakamaliliit na pabrika sa kanayunan, marami pang karapatan ang dapat na ilaban.

[Entry 133, The SubSelfie Blog]
Tungkol sa Manunulat:
Dating Executive Producer ng breaking news at hourly-news spot na GMA News TV Live si Toni Tiemsin, trabahong isinabay niya noon sa pagkukuwento para sa newscast na 24 Oras. Ngayon, hawak niya ang Media and Communications portfolio sa Luzon Office ng Save the Children Philippines, ang nangungunang NGO para sa mga bata. Narito ang iba niyang mga kwento at tula.