Personally, ayokong maging Federal Government ang Pilipinas dahil mabubulilyaso ‘yung plano kong #Steno2040. Pero not personally, ayoko sa Federalism dahil lalo lang maghihirap ang mga mahihirap na probinsya sa Pilipinas at lalo namang magiging “imperial” ang Metro Manila.
But I’m getting ahead of myself. Sorry, advanced ako mag-isip.
Para sa kaalaman ng mga ka-DDS, isang uri ng gobyerno o political system ang Federalism na nahahati sa dalawa: ang general government (central or federal) at ang regional governments (state, provincial, territorial, etc.). Para sa dagdag na kaalaman, GMG. 🙂
Political Clan
Hindi pa naman natin alam kung paano hahatiin ang Pilipinas politically. Kung anu-ano ang magiging region at aling mga probinsya, bayan at barangay ang masasama sa mga bagong rehiyon, malalaman pa lang natin. Pero kahit pa’no pa ang gawin nila d’yan, for sure, lalakas lalo ang mga naghaharing pamilya sa lokal na pamahalaan.
Kapag kasi naging Federal system na tayo, mas magiging independent ang bawat state (or province?) sa bansa. Mas magkakaroon sila ng kapangyarihan para pamunuan ang sarili. ‘Pag nangyari ‘yon, lalakas ang kapangyarihan ng mga political clans tulad nina Marcos, Arroyo, Duterte at marami pang iba.
Tax Pa More
Maliban sa dagdag na kapangyarihan sa mga pamilyang ‘to, madadagdagan din ang babayarang tax ng taumbayan. Merong state tax at meron ding Federal tax. Maliban dito, maiiba rin ang hatian ng pondo sa mga state o probinsya. Pwede lalong yumaman ‘yung mayayaman nang lugar sa bansa at lalong maghirap ‘yung mahihirap na.
Madadagdagan din ang mga batas natin. Kasi nga, dapat may sariling batas ‘yung mga states/provinces. Tapos may Federal Law din sa central government. So, I guess, kung lawyer ka ngayon, dapat mong pag-aralan ulit ‘yung bagong mga batas na lilikhain, pati syempre ‘yung bagong Constitution.
Unliterm
Pero ang pinakanababahala ako sa Federalism e ‘yung haba ng pamumuno ng mga pulitiko natin. Sa kasalukuyang sistema kasi, malinaw na 3 years lang ang mayor at vice mayor (pero pwedeng mare-elect), 6 years lang ang pangulo at pangalawang pangulo (pero di na pwedeng mare-elect), etc, etc.
Sa bagong gobyerno, pwede nilang pahabain ‘yan. At kapag napahaba nila ang termino, say, ng pangulo, good luck kung isang Duterte na naman ang mamumuno sa atin. Worse, baka sa bagong Constitution, hindi na mapalitan si Duterte hanggat nabubuhay s’ya o hanggat marami s’yang kakamping mambabatas.
Kahit nga ako e, di ako payag na habambuhay akong mamuno. Kahit na maging mabuti akong lider, darating at darating ang panahon na magiging kurakot ako. O sa tingin ko e tama pa rin ‘yung ginagawa ko pero mali na pala. Nakaka-corrupt po ang absolute power kahit ga’no ka pa kabuting tao.
Kaya ayoko talaga sa Federalism.
Kung may problema tayo sa 1987 Constitution, pwede namang i-revise o baguhin ang ilang parte. Pero, sa tingin ko, di naman kailangang magpalit tayo ng sistema ng gobyerno. Puro mga pulitiko at ilang negosyante lang ang makikinabang d’yan. Panigurado, lugi na naman ang mamamayang Pilipino.
Editor’s Note: Unang nailathala ang komentaryong ito sa Sankage Steno at bahagyang binago ng SubSelfie.com. Ang dibuho naman ay hango sa Philippine Collegian at gawa ni Joshua Rioja.
About the Author:

Si Steno Padilla ang nasa likod ng blog na Sankage Steno. Isa siyang kuwentista at makata. Ang kanyang unang nobela’y nagwagi ng Lampara Prize for Young Adult Story noong 2017.