Musoleo: Araw-araw Kasama ng mga Patay

Umaalingasaw ang usok ng mga nakatirik na dilaw na kandila. Humahalik sa ilong ang halimuyak ng mga tindang kalachuchi at lila. Nakapapaso ang init ng mga sementadong puntod. Tangan ng iba ang kanilang mga payong habang taimtim na inaalala ang kanilang mga yumaong kamag-anak. Umaalingawngaw ang sintunadong boses ng mga kumakanta sa videoke. Mayroon ding nakasalampak sa nitso habang seryosong nagmamadyong o tongkits.

Espesyal na ginugunita ng karamihan ang Araw ng mga Patay sa tuwing sasapit ang aprimero ng Nobyembre. Ngunit para sa pamilya ni Marlyn Lato, undas ang senyales upang mag-alsabalutan dahil bibisita na ang may-ari ng tinirirahan nilang museleo.

Halos Isang Dekadang Pagtitiis

Walong taon nang nagdurusa ang pamilya ni Marlyn Lato na manirahan sa Tugatog Public Cemetery sa lungsod ng Malabon. Napilitang manirahan ang kaniyang pamilya dahil nasunog noon ang kanilang inuupahang apartment. Katuwang ang kaniyang asawang si Gilbert, sinisikap nilang palakihin ang kanilang pitong anak.

Walang ibang pagpipilian ang pamilya ni Marlyn kung hindi ang magtiis sa museleo. Nakiusap noon si Marlyn sa may-ari ng museleo na maging caretaker na lang siya ng nasabing libingan kapalit ng pagpapatira sa kanila roon. Naglilinis at nagpipintura rin sila Marlyn ng mga nitso at puntod para sa dagdag na kita. Sinisikap ni Marlyn at Gilbert na gampanan ang pagiging ilaw at haligi ng tahananan kahit na sila ay naninirahan sa isang museleo.

“Halos nakatayo na nga kami kung matulog,” pabirong kwento ni Marlyn. Tuwing gabi, nagsisiksikan ang kaniyang limang anak sa ibabaw ng nitso sa loob ng museleo. Samantalang si Marlyn at ang kaniyang asawa at ang dalawa pa niyang anak ang natutulog sa malamig na sahig ng kanilang tahanan. Sa halip na malalambot na kutson at komportableng kobre-kama, lumang banig, karton at mga sako ang nagsisilbing higaan ng pamilya ni Marlyn.

Parati ring bumabagabag sa isip ni Marlyn at ng kaniyang asawa ang panganib ng pagtira sa sementeryo. Ginagawa rin kasing lungga ng mga adik o drug users  ang madidilim at masusukal na parte ng Tugatog Public Cemetery. Diin nga ni Marlyn, “Matakot ka na sa buhay kaysa sa patay!”

Mga-Anak-ni-Marlyn-TV
Mga anak ni Marlyn Lato habang nanunuod ng telebisyon.
Bunsong-Anak-ni-Marlyn
Bunsong anak ni Marlyn Lato.
Panganay-na-Anak-ni-Marlyn
Panganay na anak ni Marlyn Lato.

Sala sa init, sala sa lamig—tuwing tag-init, maalinsangan ang buong tahanan nila Marlyn. Sa tuwing tag-ulan, umaanggi naman ang ulan sa mga siwang ng museleo. Amoy ng katol ang kumakapit sa kanilang mga damit gabi-gabi. At sa tuwing matutulog sina Marlyn, aniya, “Minsan nga sabi ko sana managinip akong may maayos kaming bahay tapos hindi na ko magising.”

Iligal ang pagkakabit ng kuryente sa bahay ni Marlyn. Sa tuwing mapapansin ng kanilang pinagkakabitan ang kanilang jumper na linya, nagtitiis sila sa kakarampot na liwanag ng kandila. Sabi nga ni Marlyn, “Minsan nasa gitna ka ng tulog tapos biglang mawawalan ng kuryente.”

Wala rin silang maaasahang mapagkukuhanan ng tubig. Patingi-tingi na lang daw silang bumibili ng tubig. Nagkakahalagang dalawang piso ang bawat maliit na container ng tubig. Kaya sa tuwing maglalaba si Marlyn, halos mabutas ang kaniyang bulsa sa laki ng kaniyang binabayaran. Linaw nga ni Marlyn, “Kaya ako yung nagpapaligo sa mga anak ko kasi siyempre [ang] mga bata, naglalaro pa ‘yan ng tubig.”

Container-ng-Tubig
Mga container ng tubig na ginagamit ng pamilya ni Marlyn sa tuwing nag-iigib.

Bukod sa museleo, ang buong Tugatog Public Cemetery ang kanilang tahanan. Sa mga tagong parte sila naliligo at dumudumi. Dito na rin ang palaruan ng mga bata. At sa libu-libong mikrobyong kasama ng pamilya ni Marlyn sa sementeryo, palaging may dinadaing na sakit ang kaniyang mga anak. Kwento ni Marlyn: “Kakagaling nga lang nung bunso ko sa trangkaso. Akala namin dengue pero buti na lang hindi.”

Aligaga ang buong pamilya ni Marlyn sa tuwing sasapit ang unang dalawang araw ng Nobyembre. Dali-dali nilang inaakyat sa pinakamatataas na nitso ang kanilang gamit, ani Marlyn, “Tinatago na lang naming ‘yung mga gamit namin doon sa taas para hindi kita.”

Pinagkainan-ng-Pamilya-ni-Marlyn
Ang kusina at lababo ng Pamilya ni Marlyn Lato.

Tulong mula sa Gobyerno

Ayon kay Barangay Tugatog Secretary Luisa Montemayor, ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang matulungan ang mga pamilyang nakatira sa Tugatog Public Cemetery.

Hindi man daw nilang binibigyan ng libreng pabahay ang mga informal settler sa sementeryo, hinahanapan naman raw nila ito ng mga murang apartment. Ngunit ayon kay Marlyn walang inaalok na murang apartment ang Barangay.

Naikwento rin ni Marlyn na benepisyaryo sila ng Pantawid Pampamilyang Pilipino Program o 4P’s. Layunin ng programa ng gobyerno na ito na tulungan ang mga mahihirap na Pilipino sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng tulong-pinansyal. Pinambibili ni Marlyn ng bigas ang lahat ng perang natanggap niya mula sa 4P’s. Aniya: “Mabuti nang walang ulam, basta may kanin. Toyo lang, okay na kami.”

Kawalan ng Tirahan

Kahirapan ang tumutulak sa ilang Pilipinong manirahan sa mga alanganing lugar na gaya ng sementeryo. Dagsa-dagsang mga Pilipino ang nasa estado ng kawalan at kakapusan ng mga pangunahing pangangailangan. Ayon sa Philippine Statistics Authority, halos 25% ng populasyon ng Pilipinas ang isang kahid, isang tuka.

PSA-Infographice
Istatistika ng Philippine Statistical Authority o PSA hingil sa dami ng Pilipinong nakararanas ng kahirapan.

Isa lamang ang pamilya ni Marlyn sa milyun-milyong Pilipinong walang maayos na tirahan. Itinuturing na informal settlers ang mga taong tulad nila Marlyn.

Ayon naman sa Department of Interior and Local Government o DILG, humigit-kumulang 104,000 pamilyang Pilipino ang naninirahan sa mga alanganing lugar gaya sa mga tabi ng riles ng tren, ilalim ng tulay, sementeryo at iba pa.

Karapatang pantao ang pagkakaroon ng maayos at sapat na tirahan, ngunit gaya ng ibang karapatang pantao, hirap na hirap ang maraming Pilipinong makamtan ito.

MMDA-Infographics
Istatistika ng Metropolitatan Manila Development o MMDA hingil sa dami ng Pilipinong walang maayos na tirahan.

Simpleng Pangarap

Sabi nga nila, dapat mataas kang mangarap. Ngunit nang tanungin si Marlyn kung ano ang kaniyang hiling para sa kaniyang pamilya, dali-dali siyang sumagot, “Siyempre ‘yung magkaroon ng sariling bahay!” sagot ni Marlyn bago ang kaniyang malungkot na ngiti.

Saksi ang mga estatwang anghel at sementadong krus sa hirap na dinaranas ng pamilya ni Marlyn. Subalit patuloy na nagkikibit-balikat at binabalewala lamang ng lipunan ang kalagayan ng milyun-milyong mahirap na Pilipino.

Ngunit para kay Marlyn, “Kapag yumaman kami, tutulong kami sa iba.”

Paano nga ba ang mamuhay sa loob ng sementeryo? Alamin sa dokumentaryong ito:

[Entry 245, The SubSelfie Blog]

Tungkol sa Manunulat:

Kenneth Karl Pilapil

Magtatapos na si Kenneth Karl Pilapil ng kursong AB Communication sa University of the East – Caloocan. Senior Staff Writer siya para sa pahayagang UE Dawn.

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.