Panalo na tayo—anuman ang maging resulta sa mga presinto, sino man ang maging Pangulo sa halalan na ito.
Ipinaalala sa atin ng iilang buwan lamang nagdaan kung gaano kabuti at kahusay ang mga Pilipino. Ipinaalala sa atin ng halalang ito na kaya nating magbuklod para sa iisang hangaring mapaganda pa ang bukas nating lahat.
Isang malaking tapik sa likod nating mga Pilipino ang mga rally na nilahukan ng milyun-milyon kung susumahin, mula sa iba’t ibang sektor, antas ng lipunan at katayuan sa buhay.
Natutunan nating muli na likas sa ating lahi ang ang hindi magpagapi, na handang lumaban kung kinakailangan, at walang alinlangang magpaabot-kamay sa nangangailangan.
Ang laksa-laksang pagdating ng mga kabataang Pilipino sa una nilang paglabas sa lansangan para magrehistro ng kanilang mga paninindigan; maging ng mga manggagawang ipinamalas walang ngiming magsuruy-suroy sa mga barangay para mangampanya kahit pa nangapuyat para sa paggawa kinabukasan; mga negosyanteng bukal-loob nagbahagi ng kita mula sa mga bumabangon pa lang nilang kabuhayan; mga artista at propesyunal na taus-pusong nagpahiram ng kanilang mga talento at oras nang walang katumbas na halaga o sukli.
Iyan ang malinaw na larawan ngayon ng ating lahi, kaya patungo pa lang tayo sa mga presinto, walang alinlangangan, nanalo na tayo.
Nalaman nating kayang manaig ng pagtutulungan at kabutihan kahit pa mahirap at walang katiyakan ang ating hinaharap. Napagtanto nating iba-iba man ang ating katayuan ngayon, larangan at pinagmulan ay nagkakaisa tayong pagandahin pa ang Pilipinas na dinatnan natin para sa kasalukuyan at susunod pang salinlahi—dahil wala tayong pagdududang may igaganda pa ang bukas nating lahat at kaya natin itong pandayin nang magkakasama.
Tutuldukan na natin ang kasalukuyang hamon sa ating henerasyon subalit mamarkahan pa lamang natin ang sarili nating kasaysayan, na matapos ang mahabang pagkahimbing, mulat na ang karamihan at handa nang lumaban sa mapaniil na iilan.
Panalo na tayo at pasimula na ang papandayin nating bagong kwento.
About the Author

Toni Tiemsin is the Editor-in-Chief of SubSelfie.com.
He has over 15 years of experience in news media, advocacy and development communication, and brand and corporate communications.
Read more of his articles here.