Kay Tatay

Suot muli ng Tatay ang fuschia pink na polo shirt noong Linggo. Binili ko sa kanya ‘yun noong huling sweldo.

Iyon na ang paraan niya ng paglalambing. Walang ni ho, ni ha. Sa pamilya na gaya ng sa amin kung saan patipiran sa “Thank you,” at iyakan na kapag nagsabihan ng “I love you,” yun na ang paraan niya ng pagsasabi ng salamat.

Mabagsik ang Tatay. Nung maliit pa nga kami ng bunso kong kapatid, nangangatog na ang mga tuhod namin pag hinubad na niya ang itim niyang leather belt. Sisigaw siya ng, “Dapa!” bago lumatay ang malupit niyang belt sa aming puwet.

Kasabay ng seremonya, maglilitanya siya sa mga bagay na hindi na dapat pang ipagkamaling ulitin: ang istilo niya, sangkapan pa ng malulutong na mga mura.

Idolo ko ang Tatay. Handa siyang magbigay ng mga komento at opinyon sa iba’t bagay nang walang patid, mula sa mga pinakamaliit na balita sa dyaryo o telebisyon. Siya nga ang nagmulat sa akin sa panonood at pagbabasa ng balita. Uso pa noon ang Magandang Gabi, Bayan! na sabay naming pinanonood.

Siya ang nagturo sa akin na hindi magkakapatas ang mga opinyon—may lamang at parating mas may matimbang. Kaya anuman, mahal sa akin ang Tatay.

Simpleng tao ang Tatay. Maaga siyang magwawalis sa bakuran, magpapakain sa mga alaga niyang tagalog na manok, magpapaligo sa mga alaga niyang aso, bago sila magkakape ng Nanay sa iisang tasa. Paminsan-minsan, lilinisin niya ang Fierra na tangi niyang sasakyang matanda pa sa amin ang makina.

Kuntento siyang nagpatapos ng limang anak, kahit na siya ay walang diploma. Sabi nga niya, kung ginaya nga niya ang Lola na walang tiwala sa pagpapaaral ng anak, malamang, mayaman na kami. Pero may paninindigan ang Tatay, at iyon ang isa sa maraming bagay na maipagmamalaki ko sa kanya.

May sariling paraan ang Tatay ng pagsasabi na mahalaga kami nang walang kaimik-imik. Sapat na ang mga kilos niyang nangungusap.

Sa bihira kong pag-pirmi sa bahay dala ng trabaho kahit Linggo, nakaabang na siya. Oras man ng tulog nila ng Nanay, hihintayin niya kong maubos ang hapunan na sadyang itinabi at malugod niyang ininit para sa akin.

At tuwing Lunes bago ako muling tumungo sa trabaho, may pag-aalala niyang itinatanong kung kailan ako muli uuwi.

Iyon ang pinakagusto ko sa Tatay. Hinahayaan niya kaming lumago nang ayon sa nais namin. Alam nila ng Nanay na matagal na akong inagaw sa kanila ng aking mga pangarap, pero walang nagbabago sa tuwing uuwi ako.

Linggu-linggo, pasalubong ko ang mga kwento kung saan ako napapadpad at ang mga istoryang nakuha ko roon. Hindi naman siya nauubusan ng ibabato. Kung magbibigay naman siya ng payo, dinaraan sa kwento.

Nakalulungkot lang na makita na ang matibay mong idolo, pinaglilipasan na ng panahon. Alam ko namang nasumpungan na niya ang kasiyahan at kuntento sa kung anong mayroon kami. Ang ilang bagahe niya sa buhay, napapawi ng mga simpleng bagay.

Hindi makararating kay Tatay ni isang kopya ng diyaryong ito. Nababahala lang ako na patuloy ang aking panulat sa paggawa ng mga kwento, pero wala ni isa ang para sa kanya. High school pa ko nang huling mag-ipit ng card sa kanyang unan.

Salamat, Tatay.

Bitbit ko parati ang mga kwento mo. Ikaw ang unang nagturo sa akin na walang katapat ang marangya sa simpleng pamumuhay. Na ang paghahangad ng kung anumang labis ay hindi mabuti. Na hindi karugtong ng pag-unlad ang pandaraya o pag-apak sa kapwa. Na dapat magsalita hindi lang dahil nararapat, kundi dahil hindi mabuti ang pagkimi.

Mula sa Patnugot: Naunang inilathala ang sanaysay na ito sa Philippine Collegian noong Hulyo 2010.

About the Author

Toni Tiemsin  is the Editor-in-Chief of SubSelfie.com

He has over 15 years of experience in news media, advocacy and development communication, and brand and corporate communications.

Read more of his articles here

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.