Ipinanganak ako noong 1985. Dahil sa akin kaya maagang nagpakasal at nagsama ang Mama at Papa ko. 17 at 18 lang sila noong ipinanganak ako.

Hindi naging madali noong una. Madalas, nagkakaroon ng hindi pagkakaintindihan sa pagitan nila Mama at Papa at sa mga magulang ni Mama kaya palipat-lipat kami ng kamag-anak na matitirhan.
Ang earliest memory ko ay noong 3 years old ako. Naninirahan kami noon sa isang maganda at maayos na kubo sa loob ng isang malaking workshop kung saan caretaker ang kapatid ni Tatay (tatay ni Mama).
Tuwing hapon, sa harap ng kubong iyon, tinuturuan akong magbasa ni Mama gamit ang dilaw na librong Abakada, ang Mga Unang Hakbang sa Pagbasa. Minsan, nasusungitan pag hindi ko nakukuha ng tama ang basa.
Pero mas nakakatakot sa galit ni Mama, ‘yung isang gabi kung kailan umuwing lasing at nagwawala galing sa trabaho si Papa. Sinuntok niya ang salamin sa aparador at bumagsak sa kama naming may puting kobre.
Nasa isang tabi ako, nakatitig lang, walang emosyon, habang nababahiran ng nagngangalit na dugo ang kama namin. Si Mama, inaawat si Papa, umiiyak lang. Morbid yung eksena para sa gaya kong wala pang kamuwang-muwang noon. Pero parang pelikula lang ano?
‘Di nagtagal, pinatira na kami sa maliit na bahay na katabi lang nila Nanay (nanay ni Mama) at Tatay. Actually, doon sila dating nakatira hanggang nakapagpatayo sila ng mas malaking bahay sa katabing lote noong early ’80s. Giniba ang bakod sa likod-bahay para malaya kaming mag-anak na makapunta sa bahay ng isa’t isa nang hindi lumalabas ng kanya-kanyang gate.
Hanggang isang araw, bumili ng stereo ang Tita ko at dinala niya ito sa amin.
At sa stereo na ito nagsimula ang lahat.
Kung hindi ako nagkakamali, nagtatrabaho na ang Tita ko noon sa bangko. Madalas, iniiwan niya ang stereo sa amin para na rin may mapaglibangan si Mama. At ako rin. Dahil sa panahong ito, nakilala ko si Sharon, Regine, at Zsa Zsa.
Si Sharon Cuneta at ang Sinirang Multiplex

Mas nauna kong natutunan kantahin ang “Sana’y Wala Nang Wakas” kaysa kahit anong nursery rhyme. Mga 3 or 4 years old ako nun. Hindi ko malilimutan ang araw na dinala ng Tita ko ang bagong biling double multiplex cassette tape ni Sharon sa bahay namin, pinatugtog ito, at nagsimulang sabayan ang kanta gamit ang mic. Namangha ako sa ginawa ng Tita ko at sa mga kanta ni Sharon.
Pagkatapos noon, ako na ang nag-may-ari kay Sharon. At dahil batang musmos ako noon na curious sa gamit, nasira ang cassette tape: binasag ‘yung bintana sa gitna, makailang beses naputol ang tape at nilagyan ng masking tape para pagdugtungin, tinanggalan ng sticker, ng mga screw, hanggang sa matutunan ang anatomy ng cassette tape—oo, binaklas ko ata si Sharon sa parehong paraan kung paano ko baklasin ang mga tekstong pinag-aaralan o ituturo sa klase, o bigyang pansin ang bawat himay ng detalye at ang koneksyon nila sa isa’t isa kapag nagkukuwento, nagsusulat, o tumutuklas ng kaalaman ngayon.
Dahil nawasak ko na ang cassette tape at hinahanap-hanap ko ang pakikinig kay Sharon, nagpumilit ako kay Mama na bumili ulit ng double multiplex niya noong Grade 1 ako at nangakong iingatan ito. At para matahimik ako, kahit labag sa loob ni Mama, pinagbigyan niya ako. Na-memorya ko halos lahat ng kanta sa multiplex na iyon at hanggang ngayon, pinagkakaingatan ko.
Nasa college ako nang ipagdiriwang ang 25th year ni Sharon sa industriya. Bumalik ang fascination ko sa kanya. Bumili ako ng greatest hits nya sa CD, pati na rin ng mga VCD ng mga lumang pelikula niya. Paulit-ulit kong pinanood ang To Love Again, Bituing Walang Ningning, Sana’y Wala Nang Wakas, at Babangon Ako’t Dudurugin Kita. Naisip ako noong mga panahong iyon – at hanggang ngayon, na sana, hindi na lang tumanda si Sharon. Nagbago na kasi ang dating ng kanyang mga pagtatanghal at pagganap. Mas pumaigpaw ang kanyang celebrity kesa sa kanyang emotional truth. Lalo na ngayon.
Gustong-gusto ko ang boses ni Sharon noon. Mayaman ang alto niya at buo ang boses. In fact, kapag pinapakinggan ko ang “Sana’y Wala Nang Wakas” ngayon, kinikilabutan pa rin ako, lalo na sa coda kung saan buong puso niyang idinedeklara ang kaya niyang gawin para sa iniibig. Marahil wala ng sinuman ang makakapantay sa interpretasyon ni Sharon, kahit pa ang pinakamagaling na mang-aawit sa mundo, kahit pa ang Sharon ngayon.
Bagama’t tinatanaw ko siya mula sa nakaraan, hindi mapapantayan ang epekto ng kanyang persona sa akin. Si Sharon ang unang nagturo sa’kin kung pa’no kumanta, mangarap, at maniwala sa pag-ibig.

Si Regine Velasquez at ang Pagiging Adik Ko
Isa rin sa mga nabalatan kong cassette noong bata pa ako ay ang unang album ni Regine.
Kay Mama naman yung cassette. At para hindi na ko tuluyan pang “makapaminsala”, tinago niya lahat ng cassettes na meron sa bahay. Pero nahanap ko rin ang mga iyon nung Grade 1 na ako, nung pinakialaman ko ang dresser ni Mama.
Woah. Imagine my delight: isang plastic bag ng cassettes! Nandun lahat: yung isang multiplex ni Sharon na hindi ko na-ransack, yung vol. 1 ng greatest hits ni Sharon na pinabili ko kay Tatay, yung minus one ni Zsa Zsa, at yung album ni Regine. Dahil wala ng album inlay at sticker yung cassette ni Regine, hindi ko alam na sa kanya pala yun. Basta, ang alam ko, matinis ang boses niya, mataas! At bilib sa kanya ang mga kasama namin sa bahay. Kapag pinapatugtog ko ang cassette na yun, tuwang-tuwa akong sinasayawan ang “Urong Sulong” at isinasama ko pa ang kapatid kong 3 years old pa lang noon. Ito ang unang encounter ko kay Regine.
Grade 6 ako nung nilabas niya ang Retro album niya. Hit na hit siya sa mga shalan kong kaklase noon. Palagi kong napapakinggan sa radyo ang “You Were There”, “I Just Don’t Wanna Be Lonely”, at “Bluer Than Blue” at sinasabayan ko pa. Pero mas umigting ang interes ko kay Regine noong inilabas niya ang R2K. Gustong gusto ko ang kapangahasan ni Regine sa album cover – at sa magazine na kasama ng album (na ibinigay sa’kin ng saleslady sa record bar dahil suki na nila ako by then). Sinabayan talaga ang new millennium. Sa mga write up sa diyaryo, tinawag siyang millennium diva, at pinatunayan pa niya ito noong kinanta niya ang millennium theme sa tuktok ng Peninsula sa Makati. Sayang, hindi ko napanood sa TV ang performance niya na yun, pero habang nagpapaputok ako nung mga oras na yun, malakas na naka-play ang R2K cassette ko sa player.
Hindi nagtagal, adik na ko kay Regine. Naalala ko, nung nag-autograph signing siya sa SM Southmall, nag-halfday talaga ako sa school kahit pa sesemplang-semplang na ang grades ko sa Trigo, Chem, at Geo noon. Excited na excited ako makaharap si Regine, at ‘yun din ang una kong beses na makaharap ng artista. Ang ganda ganda ni Regine, para siyang porselanang manika nang lumabas ng stage. Kaunti lang ang tao noon dahil weekday.
Tinutugtog ang “Tuwing Umuulan” nung nasa stage na ko para magpapirma. Nung turn ko na, tuwang tuwa akong hinawakan siya sa kamay (hindi lang siya boses at moving picture sa TV) at sinabing, “Regine, alam mo idol na idol kita. Magkaboses tayo. Dali, Regine, kanta tayo! ‘Minsan pa ulan…’”. Tuwang-tuwa ang mga PA sa paligid nya at siya lalo. Pero hindi nya alam ang gagawin dahil siguro, weirded out siya sa akin. Nagpasalamat siya sa akin matapos pirmahan ang mga epektos ko at muli na namang kinilig sa harapan niya. Hindi ako agad umalis sa signing area. Manghang- mangha akong nakaupo habang pinapanood siyang pumirma ng mga CD at cassette, at pag nababakante siya, kumakaway ako sa kanya. Ngingiti naman siya pabalik at kikiligin ako.

Mga kanta ni Regine ang naging soundtrack ng buhay pag-ibig ko, o mas mainam, ng pagkahumaling ko sa pag-ibig. Lahat ng kanta niya, mula sa pinakasimula – ang “Love Me Again”, na personal sa akin (lalo na yung arrangement ni Gerard Salonga) – alam kong kantahin. At sa tuwing manonood ako ng concert niya, uuwi akong mangha at inspirado at magtatagal ang pakiramdam na iyon ng ilang araw o linggo. Pag kailangan kong mag-charge ng confidence o mag-senti pagkatapos ng mahabang araw, si Regine ang kasama ko, lalo na pag nasa biyahe. Sa videoke, nailalabas ko ang angst ko kapag kanta ni Regine ang binabanatan ko. Aabangan ko ang bawat release niya at ako ang mauuna sa record bar para bumili. Pero higit sa mga kanta, aabangan ko ang mga bago niyang larawan sa inlay ng CD. Magaling makipag-ulayaw sa camera si Regine. Lumalabas ang pagka-diva niya.
Madaling maka-relate kay Regine dahil sa rags-to-riches na kuwento ng buhay niya, isang dahilan kung bakit napaka-penomenal niya. Nagsimula sa hirap pero dahil may talento at nanatiling mapagkumbaba, nagtagumpay. Isa na itong mito na nakaukit sa consciousness ng Pinoy. Lahat tayo, gustong maging magaling, magtagumpay, makilala, mapalakpakan, ma-overcome ang mga struggle sa buhay, at lahat ng nasang ito, nagiging posible kapag pinakikinggan natin ang pagbirit ni Regine, kapag nagiging mapangahas siya sa pagtatanghal at binabasag niya ang anumang kumbensyon meron, creatively speaking. Siya ang sumunod sa trono ni Kuh Ledesma; ang makabagong pop diva. Walang imposible hangga’t may mga posibilidad na nabubuksan, iyan ang natutunan ko kay Regine.
Kaya nag-umapaw sa galak ang puso ko noong lumipat siya sa ABS. Dahil maipagpapatuloy niya ang paghahatid ng inspirasyon gamit ang kanyang boses at impluwensya, kahit madalas, ito ay isang ilusyon lamang ngunit malayo ang mararating kung pananatilihing buhay sa dibdib.
Noong muli kaming nagkaharap sa isang mall show noong 2018, sinabi ko sa kanyang isa siyang inspirasyon. Sagot lang niya, “Talaga ba?” At noong kukunan na kami ng retrato, hindi na ako nagpapigil. Gaya nang ginawa ko 18 taon na ang nakakaraan, hinawakan kong muli ang kamay niya, pero sa pagkakataong yun, yumakap na ako sa kanya.
At niyakap niya rin ako, kasabay ang isang napakatamis na ngiti sa mga labi niya.

Si Zsa Zsa Padilla, ang Aking Musa, at ang Pang-aangkin sa Awiting “Hiram”

Ganito ko naaalala ang Zsa Zsa ng pagkabata ko. Hindi siya palangiti tulad ni Sharon. Malungkot at seryoso ang dating niya sa akin noon, kung malalim niyang mga mata at titig sa camera ang pagbabasehan. Basta para sa akin, sa lahat ng babaeng singer na nakikita ko sa mga album cover noon, siya ang pinakamaganda. Siya rin ang pinakamalaki kong palaisipan.
May minus one ng greatest hits ni Zsa Zsa ang Tita ko, pati rin ang isa ko pang Tita sa side ni Papa. Halos ganito rin ang larawan niya sa cover. Sabi ko nun, bakit kayo bumili ng tape na tugtog lang at walang boses ni Zsa Zsa? Dahil dito, malaking enigma sa akin ang boses ni Zsa Zsa, lalo ang kantang “Hiram” at kung paano niya kinanta ito.
Sa minus one cassette na iyon, unang kanta ang “Mambobola” at sinundan iyon ng “Hiram”. Hindi ko alam pero bata pa lang ako, nahuhumaling ako sa emotionally heavy at gloomy na pasakalye ng “Hiram”. Gustong-gusto ko ito matutunang kantahin! At dahil hindi naman ito multiplex at wala namang nagtuturo sa akin, gamit ang lyrics booklet na nakaprint sa coupon bond na papel, gumawa ako ng sariling tono saliw ang minus one at tandang tanda ko kung paano ko ibinirit ng bigay todo habang nakakapit sa mic ang huling bahagi ng kanta: “HIRAAAAAAAAM…”
Hindi nagtagal, narinig ko ring kumanta si Zsa Zsa sa TV. Dun ko naisip, hindi lang siya ang may pinakamagandang mukha. Siya rin ang may pinakamagandang boses. Kung gagamitin ko si Barthes, mayaman ang “grain” ng boses niya: buo, very feminine, mapanghalina. Na-satisfy ang curiosity ng batang ako, pero hindi ko pa rin alam kantahin ang “Hiram.”
Na-rediscover ko si Zsa Zsa noong first year high school ako, nang marinig ko ang version niya ng “We’re All Alone” sa FM radio. Tuwang tuwa ako, at galing na galing. Palagi ko nang naririnig ang boses ni Zsa Zsa! Hindi na siya misteryo! Kaya nung minsang nag-aya si Tatay sa SM at tinanong kung ano ang gusto ko, yung comeback album ni Zsa Zsa ang binili ko. ‘Yun na ata ang pinakamahal na cassette nung panahong iyon, 140 pesos. Premium release kasi. Mula no’n, si Zsa Zsa na ang palagi kong pinapatugtog pag tumatao ako sa tindahan namin, hanggang sa halos mamemorya ko na lahat ng mga bagong kanta niya, pero hindi pa rin ang “Hiram”.
Bagama’t narinig kong kinanta ni Sharon ang “Hiram” para sa pelikula niyang Minsan Minahal Kita, hindi ito ang sagot sa matagal ko nang hinahanap. Nasa college na ako nang marinig ko ang “Hiram” ni Zsa Zsa, salamat sa kaklaseng “nag-burn” ng CD para sa’kin. Dito ko na siya natutunan kantahin, at tuwing magvivideoke kami ng mga kaklase, hindi mawawala sa repertoire ko ang “Hiram.” At di naglaon, naging awitin ito ng buhay ko sa maraming pagkakataon. Hanggang sa makilala ko siya noong 2009 sa isang mall show, hanggang sa maging “mag-Nanay” kami ngayon.
Sa mga panahong nawawala ang kinang ko bilang indibidwal, takbuhan ko ang mga kanta ni Zsa Zsa, lalo na ang album niyang Ikaw Lamang kung saan naroon ang “Hiram” (salamat sa Spotify). Siguro dahil sinasalamin ng kanyang persona ang vulnerability ko at nakakahanap ako ng karamay. O dahil siya ang musa ko na sa maraming pagkakataon ay nagtulak sa’kin lumikha ng lawas ng posibilidad at magtagumpay, gaya noong pilit kong hinahanapan ng tono ang isang kantang hindi ko alam kantahin, at marahil sa pagbabalik sa kanya, maitulak muli akong makaisip ng mga posibilidad upang makalaya sa karimlan na bumabalot sa’kin.
Nakapaghawan ako ng bagong lawas kamakailan, nang pormal kong pag-aralan si Zsa Zsa para sa genders class ko sa MA. Natapos ang kurso, naisulat ang papel, pero hindi mawala-wala ang kuryosidad ko sa imahen ng aking musa. Patuloy kong pinapatugto ang Ikaw Lamang na album sa Spotify. Patuloy kong tinititigan ang mga luma niyang larawan. Patuloy akong tinatawag ng nangungusap niyang mga mata at mapaghalinang boses upang galugarin at dalumatin ang mundong kinabibilangan niya kung saan ako madalas maglabas-masok: ang mundo ng mga diva.
Ngayon, isang bagay ang sigurado: ako ang gagawa ng lyrics, ang inspirasyon naman ni Zsa Zsa ang bahala sa minus one.

Marami pang ibang personalidad ang kinahumalingan ko at humubog sa’kin – ilan pang mang-aawit, mga bida-kontrabidang karakter sa teleserye, at piling mga manunulat – ngunit mananatiling constant sila Sharon, Regine, at Zsa Zsa sa buhay ko at patuloy kong inaabangan ang mga bago sa kanila. Malaki ang impluwensya ng mga batikang babaeng mang-aawit na ito sa aking kamalayan, na hanggang pagtanda ko ay parang nasa ilalim pa rin ako ng mga anino nila. Sa maraming punto ng aking buhay, isinalba ako nung musika nila. Itinakas nila ako sa karimlan at binigyan ako ng ligtas na espasyo. Sa bawat pagkakadapa, babangon akong kinakatawan ang stage presence nila, magpapatuloy sa buhay nang may poise at composure, papabilibin ang mga nakapaligid sa akin sa husay na maaari kong ipakita o kung hindi man, sa angking kong pagkatao. Hanggang ngayon, nananatiling makabuluhan at napapanahon dahil sila pa rin ang epitomo ng mapusong at maka-Pilipinong pag-awit na may mga legacy na hindi basta-basta mapapantayan.
Ni-renovate na ang dati naming bahay at doon na nakatira ang Tita ko. Kami naman ay naninirahan na sa isa pang bahay na binili ni Nanay sa katabing village. Wala na si Papa dahil sa kanser sa pancreas, at si Mama naman ay ine-enjoy na lang ang buhay. Ako naman, sumobra ang pagkahumaling sa pagbabasa at ngayo’y binibigyan ang sarili ng pagkakataong magsulat muli para i-exorcise ang lahat ng dugong natunghayan sa aking buhay, mula man sa iba o sa akin, habang sinisikap maging mabuting tao sa kabila ng lahat. Nilamon na rin ng panahon ang stereo namin at marami sa mga cassette tape na naging parte ng kabataan ko pero nariyan pa rin sila Sharon, Regine, at Zsa Zsa. Nasa pagkatao ko na sila at hindi ako mabubuo bilang ako kung wala sila.

About the Author

Si John Christopher C. Avelino ay mag-aaral ng MA Araling Filipino sa De La Salle University. Nagtuturo siya ng Literature at kasalukuyang pinag-aaralan ang mga lokal na bituing mang-aawit para sa kanyang tesis. Ayaw niyang magsulat ng sariling bionote.