Tuwing pag-uusapan ang mga lugar na pinupuntahan ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa Middle East, umaangat sa kamalayan ng maraming Pinoy ang Kuwait, UAE at ang all-time favorite ng lahat na Saudi Arabia.
Kaya naman problema sa akin lagi ang pagpapaliwanag noong bata ako kung saang bansa sa rehiyong ito nagtrabaho ang nanay ko. Napadpad kasi siya sa Oman, isang bansa sa silangang bahagi ng Saudi.
Matapos ang mahigit 30 taon, ako naman ang sumunod sa pagiging OFW. Ako naman, nakarating ng Qatar. Kaya ang madalas na tanong na sumasalubong sa akin ay “San ‘yun?”

Ang hindi alam ng karamihan, kahit na mahigit 100 porsyento na mas malaki ang lupain ng Saudi kumpara sa Qatar, hindi naman ito magpapahuli pagdating sa yaman.
Ang pangunahing pinagkukunan nila ng pantutustos nila sa mahigit 2.5 milyong tao sa bansa bukod sa langis ay ang biyaya mula sa natural gas.
Sila ang pangatlo sa may pinakamalaking deposito ng natural gas sa buong mundo, kaya naman tila dedma sila sa ginawang blockade ng mga karatig-bansa laban sa kanila. Ganunman, marami ang nahihikayat na dito magtrabaho dahil sa magandang takbo ng ekonomiya.
Lockdown Qatar Version
Pero gaya ng lahat ng bansa sa mundo, hindi nasalag ng pagiging mayaman at progresibong bansa ng Qatar ang pagkalat ng virus na COVID-19.
Ilang linggo pa ang lumipas bago nagpasya ang pamahalaan na magpatupad ng bersyon nila ng lockdown.
Nagsimulang makapasok ang virus mula sa mga mamamayan nilang galing sa kalapit na bansang Iran, na isa sa mga may pinakamaraming kaso sa mundo.
Nandiyan pa ang mabilis na pagkalat din sa isang distrito kung saan maraming mga manggagawa ang naninirahan na may dikit-dikit at siksikang mga pabahay.

Kumpara sa Pilipinas, baliktad ang naging diskarte ng pamahalaan dito sa ideya ng lockdown. Pinayuhan ang lahat na manatili sa bahay pero hindi bawal lumabas.
Pero lahat ng maaaring puntahan ng mga tao ay agad na ipinasara, kaya naman kahit gustuhin mo mang lumabas ay wala kang mapupuntahan maliban sa supermarket at botika.
Mula parke, mosque, hanggang sa mga naglalakihang mall at iba pang pasyalan, lahat ay sarado.
Inobliga ring mag-download ang lahat ng tao, Qatari man o dayuhan, ng isang app na nagsasabi kung ang isang tao ay positive sa virus o hindi. Ito na rin ang ginagamit ng pamahalaan sa contact tracing, para matunton nang maayos ang galaw ng mga taong nahawa o nagpapagaling mula sa COVID-19.
At siyempre sa usaping-medikal, sagot ng pamahalaan ang lahat ukol dito. Hinikayat ang lahat na magpa-test kung nakararamdam ng sintomas. Libre. Kung magpositibo man sa sakit, rekta na sa pinakamalapit na ospital para diretsong gamutan. Libre rin ito.

Pinagana ng gobyerno ang state-owned media nito mula diyaryo, radio, TV at mga website para magbukas ng komunikasyon sa mga tao araw-araw. At lahat ng balita lalo na tungkol sa coronavirus, sa iisang ahensya lang manggagaling. Ayon sa kanila, paraan ito para maiwasan ang kalituhan sa gitna ng pandemya. Kaya ang mga nagpakalat ng fake news, hinuhuli agad at may ipinakukulong.
Suwerte at Malas
Para sa kagaya kong nagtatrabaho sa isang government agency, gitna ng Marso nang magpalabas ng kautusan na mag work-from-home na ang lahat.
Mula sa bahay, sinabihan lang kami na umantabay sa mga email sa kung ano ang magiging mga pasya mula sa opisina, sinong kailangang pumasok paminsan-minsan at kung kailan kailangan nang bumalik ang lahat.
Bilang Pilipino, hindi ko maiiwasang ihambing ang ginagawa ng pamahalaan ng Qatar at ng Pilipinas. Masuwerte na maituturing na dito kami inabutan ng lockdown kaysa Pilipinas.
Bilang Pilipino, hindi ko maiiwasang ihambing ang ginagawa ng pamahalaan ng Qatar at ng Pilipinas. Masuwerte na maituturing na dito kami inabutan ng lockdown kaysa Pilipinas.
Kung tutuusin, para na rin akong nabigyan ng bakasyon. Mula Marso, prenteng-prente ako sa bahay kasama ang asawa at anak ko.
Sa paggising, pahapyaw na titingin sa email sabay diretso sa kung anong magandang panoorin sa Netflix, Apple TV o YouTube.
Sunod na pagtutuunan ng pansin ang masarap ulamin sa tanghalian at hapunan. May Playstation din pantanggal ng bagot at magpa-deliver ng kung anu-anong maisipan para maikot man lang ang panlasa. At ang kukumpleto ng lahat ng ito, tuloy pa rin suweldo. Walang bawas.

Bukod sa ligtas mula sa virus, ang mga ito naman ang ipinagpapasalamat ko sa araw-araw. Dahil alam kong hindi lahat ng tao, lalo na ang mga kapwa Pinoy sa paligid ko ay ganito ang buhay.
Mangilan-ngilan din kaming Filipino sa kumpanya at may kanya-kanya kaming dinadala ngayong pandemya bukod sa takot na magkasakit.
Dagdag takot pa ang kaibigan naming nahawahan ng virus ang buong pamilya, damay ang asawa at ang apat niyang anak.
May isa naman akong kasamahan na dapat ay uuwi para magbakasyon pero inabutan na ng lockdown. Hindi na nga siya nakapag-Pasko sa Pinas, napurnada pa ang inaasam niyang pag-uwi.
Hindi rin lahat kasing suwerte ko na kasama ang pamilya.
Ang iba mag-isa sa kani-kanilang mga tinitirhan at nagta-tiyaga sa video call para lang kahit papano ay para na ring kasama ang pamilya. Lahat nagdarasal na ligtas ang mga minamahal sa Pinas.
Marami ang nawalan ng trabaho. Hindi na pinabalik ang ilang nakabakasyon at inabutan ng pandaigdigang pagsasara ng lahat ng paliparan. May ibang hindi natanggal pero kinaltasan ng malaki sa kanilang buwanang sahod. Maraming OFW na ang naiuwi ng embahada sa Pilipinas ayon sa kanila ngunit may libu-libo pang nag-aabang na makauwi na rin.
New Normal Anxiety
Nitong Hulyo lang nang magsimula kaming pabalikin sa trabaho ng management dahil na rin sa unti-unting pagbubukas ng bansa matapos ang ilang buwang lockdown. Bumungad agad sa akin ang balita na marami sa mga ibang kasamahan namin ang natanggal na sa trabaho.
Mabuti at sa hanay ng mga Pinoy ay ligtas at kumpleto pa. Ang mga dating pwesto sa opisina, kulang-kulang na. Hindi man lang nakapagpaalam sa kanila.
Wala pang linaw kung ano ang mangyayari sa mga darating na araw. Lahat sa amin, hindi maiiwasang isipin na baka sa susunod ay kami naman ang pauwiin.
Tapos na ang maliligayang araw ko sa pagkukuyakoy sa bahay. Lagpas-tao na ang pag-aalala sa kung ano ang mangyayari sa mga darating na araw, dahil hindi imposible ang mawalan ng trabaho.
Para akong nakapiring nang matagal sabay sinampal nang malakas ng balita ng totoong kaganapan. Kaliwa’t kanan ang nasisisante. Walang pinipling lahi. Kahit ang mga mula U.S. at U.K. na dati ay nangunguna sa palakihan ng suweldo ay siyang mga unang target sa mabilisang endo.
Lumipas ang ilang araw, sweldo ng mga piling empleyado, kasama ako ang binawasan. Ramdam ko ang kurot pero kurot na ginamitan ng nipper kaya medyo masakit.
Kampante ako at may kaunting naipon kung magkagipitan man pero kung usapang uwian sa Pilipinas, may aabutan ba kaming kahit anong posibleng pagkakakitaan? Hanggang saan ako dadalhin ng naitabi ko?
Kung usapang uwian sa Pilipinas, may aabutan ba kaming kahit anong posibleng pagkakakitaan? Hanggang saan ako dadalhin ng naitabi ko?
Pareho kami ng asawa ko na taga-media pero paano kami raraket kung walang negosyo dahil sa pandemya? Paano mapapanatag ang gaya namin kung makikipagsabayan pa kami sa mga nawalan ng trabaho sa pagsasara ng ABS-CBN? Kahit isipin kong rumaket ay parang wala kaming mapupuntahan.

Maraming tanong ang nagpapaikot-ikot sa utak ko nitong mga huling araw. Ilang araw nang hindi maayos ang tulog ko. Nakatutulala na minsan sa opisina.
Alam ko sa simula na wala akong planong magtagal dito dahil alam kong sa Pilipinas ang buhay naming pamilya. Babalik ako sa media at sa pagtuturo.
Pero kung isang higanteng kumpanya gaya ng ABS-CBN ay nagsara na at wala namang pumapasok sa mga eskwela, paano na?
About the Author

Jerome Chua is currently working as Executive Producer for Qatar’s government media agency since 2018; the only Asian among the Executive Producers tasked in developing the country’s first English-language channel.
He was fortunate to be able to bring his family to Doha before the pandemic struck.
Before moving abroad, Jerome used to work in broadcast media both local and abroad for the past 17 years. He was also a lecturer for Mass Communication courses in De La Salle University, St. Scholastica’s College and College of Saint Benilde.