Ito ay panayam sa dalawang miyembro ng Golden Gays ilang araw bago ang Metro Manila Pride March noong isang taon.
Una rito si Lola Rikka na pumanaw noong Abril 2.
Lola Rikka

Ipinangalan mo sa sarili mo ‘yung Rikka?
Ganito ‘yung nangyari diyan. Nung nakita ako ng founder, nung ininterview niya ako, sabi niya, ano bang tawag sa iyo? Sabi ko, Rico. Sabi niya, nandito ka sa bahay ng matatandang bakla. Sabi niya, magmula ngayon, yung Rico, Rikka na. Kaya dun nag-umpisa, naging babae na ako. Pangalan ko naging babae na rin.
Nagustuhan niyo po ‘yung pangalan niyo?
Oo naman. Rikka means rich. Sa amin kasi, ‘yung mayaman, Rikka. Que rica mi amor!
‘Pero ‘yung Rikka, dinadagdagan niyo po ‘yun?
Ah, hindi na. Ano na lang, alyas. Rikka AKA Celia Rodriguez. (Laughter)
Paano po kayo nakarating rito mula sa Zamboanga? Ilang taon po kayo non?
1969 ‘yun. Dito ako itinapon ng nanay ko kasi nahalata na niya na bakla ako. Eh ang nanay ko kasi, lahing Espanyola. Bata pa lang ako, ’no. Twelve years old pa lang ako nun.
Pinalayas po kayo?
No, hindi, actually. May kapatid akong nagtatrabaho sa club so pinadala ako rito at dito ako pinag-aral. 1970, nag-enrol na ako. Pagdating ng 1974 o 75, hindi rin ako nakatapos kasi ang nangyari, umiral talaga sa katawan ko ang pagiging bakla talaga. Malaya na ako, wala na ako sa poder ng nanay ko. Naibigay ko na ‘yung gusto ko. Nagkataon na nagkaroon pa ako ng mga kaklaseng bakla, ‘yun ang naging barkada ko.
So maraming nangyari sa buhay ko hanggang sa natanggal ako sa eskwela, na-expel ako sa eskwela, dahil hindi na ako pumapasok. Wala na akong inisip kundi ang mag-lakwatsa nang mag-lakwatsa. Kung saan-saan ako nagpupupunta. Pero pinaka-magandang place ko talaga—pinupuntahan ko kahit naka uniporme ako—sa Cultural Center sa Breakwater. Kasi maraming naliligo diyan. (Laughter) Oo, totoo ‘yan. Kasi, nararamdaman ko sa katawan ko, ang gusto ko lalaki.
Pero before 1974 o 1975, na-feel niyo na attracted kayo sa lalaki?
Oo, pero hindi ko maipakita ‘yun gawa ng mga magulang ko, kapatid ko. Pero nung nandito na ako, nasa 4th year high school na ako, nagkaroon ako ng mga kaklase at puro bakla naging barkada ko. Doon ko nailabas. Kasi sila itong nagtuturo sa akin.

Paano po kayo napunta sa pagpe–perform?
So, actually nung buhay pa ang founder namin (Justo Justo), lagi kaming nagkakaroon ng mga sponsor at gusto nila na may mga shows doon. Kasi dun sa bahay namin, may garaheng malaki na pwede pagganapin ng isang event. Doon ‘yun nag-umpisa. One time, may isang sponsor na gusto niya may beauty con. So sa first time na lumaban ako doon—unang una—ang suot ko lang, ano ba ‘yun, fitting na jeans. Pero sa totoo lang, win ako. First time—unang una akong nanalo diyan! Hanggang sa nagkasunud-sunod na. Nagkasunud-sunod na.
Anong taon po ito at ilang taon po kayo nun?
Ano na ako… Nangyari kasi ‘yan 80s na. Siguro nasa 40 na ako o malapit na ako sa 40.
Ano po ‘yung nararamdaman ninyo kapag nakakapag-make up po kayo? O na parang maganda po kayo? Ano pong nararamdaman niyo?
Alam mo magandang tanong ‘yan. Kasi, sa akin talaga, ang nasa loob ko talaga, babae ako. At ang tingin ko sa sarili ko, maganda akong babae. So hindi naman ako nagkamali. Kaya lang gumaganda ako kapag may make up na.
‘Kasi, sa akin talaga, ang nasa loob ko talaga, babae ako. At ang tingin ko sa sarili ko, maganda akong babae.’
Bukod dun, ano po ‘yung nararamdaman ninyo. Meron po bang kakaiba?
Oo, may kakaiba, kasi ang feeling ko, may feelings ako na kapag nakita ako ng isang lalaki na ganito hitsura ko, magugustuhan ako. At dun ko minsan pinapatunayan na ang lalaki, pwede ko maging boyfriend. Nangyari sa buhay ko ‘yan. Which is, napakasarap ng buhay ko nun dahil marami akong boyfriend. Lunes hanggang Sabado meron ako.
Nagkaroon po kayo ng true love?
Oh, yes. Pero hindi ko babanggitin ang pangalan kasi may asawa na siya. Umabot kami ng 15 years.
‘Yung sinabi niyo po kanina na talagang para sa iyo ay babae ka.
Oo, babae ako. Kasi nga ‘yung panahon na yun—ngayon lang hindi ko na nagagawa kasi matanda na ako—pag gumalaw ako, babae talaga. Pag nagsalita ako, babae, pati mga kamay ko laging naka-manicure ‘yan.
Syempre po nung panahon po na ‘yun, marami po kayong naririnig. Saan po kayo nakakakuha ng tapang na maging kayo po talaga?
Kung ano ‘yung nararamdaman ko, kung ano ‘yung gusto kong gawin, gagawin ko talaga. Kahit ano pang sabihin ng ibang tao.
Actually magandang tanong ‘yan. Doon sa bahay ng founder namin, nung ginaganap [yung shows], walang nanonood na kapit-bahay dun. Pagkatapos makatingin sa amin ganun-ganun na lang. Kahit hindi nagsasalita, pero alam mo na kung anong nasa isip. So, bakit mo intindihin? Katwiran ko, bakit, pare-pareho lang tayong mga anak ng Diyos? Kung ano ka, ganun din ako. Iba nga lang ang takbo ng puso ko.
‘So, bakit mo intindihin? Katwiran ko, bakit, pare-pareho lang tayong mga anak ng Diyos? Kung ano ka, ganun din ako. Iba nga lang ang takbo ng puso ko.’



Lola Rico AKA Elizabeth Oro Medez

Paano po kayo nag-umpisa sa pagpe-perform?
Ang talagang trabaho ko nun, nung unang nag-Japan ako, singer ako. Live singing din. And then—alam ko na nun na beki ako—pero nung nauso na yung mga Japayuki, hindi ko yata pwedeng [palampasin] ‘to, sabi ko. Nung sumunod na taon, nag-audition na ako. Naka-girl na ako.
Ilang taon po kayo?
Actually late bloomer ako eh. Nag-mujer mujer ako, 29 years old.
Mujer po?
‘Yung nag-babae na ang hitsura. Pero ‘yung gawa ko nun, pag-uwi ko ng bahay, pag magsho-show ako, dala-dala ko na ‘yung malaking bag ko. Nandun na ‘yung mga sapatos ko, ‘yung mga panlalaki. Pag-uwi ko, lalaki ang ayos ko. Kaya ‘di ako binabastos sa amin dahil wala silang alam. Pero dumating dun sa point na lumakad ako diyan sa Sta. Cruz. Nagpabastos talaga ako para ‘yung tenga ko ma-immune. One month kong ginagawa ‘yan, naka-girl ako. Magsho-show ako sa maliliit na beerhouse diyan sa Sta. Cruz.
‘Pero dumating dun sa point na lumakad ako diyan sa Sta. Cruz. Nagpabastos talaga ako para ‘yung tenga ko ma-immune. One month kong ginagawa ‘yan, naka-girl ako.’
Talagang ginawa niyo po ‘yun nang sadya para ma-immune kayo sa insulto?
Kasi, paano ko ba masasanayan ’yung ganito? Mamaya bigla akong tuksuhin ano. Hoy, bakla, bakla. Kahit na ano ‘yung marinig ko, lakad ako nang lakad, diri-diretso. ‘Di naman nila ako sasaktan eh. Hanggang sa na-immune na ‘yung tenga ko. Kasi sa mga kasamahan ko, binabastos sila, tinatawag silang bakla. Ang sama-sama ng pakiramdam ko, kahit hindi ako [‘yung binabastos]. Kaya ang sabi ko, ay, sasanayin ko ang tenga ko. Kaya ngayon, wala akong pakialam. Ano ako nun, 29, 30. Naka-heels ako, may fake akong boobs. Sa mga beerhouse ng babae, dun ako nagsho-show dahil practice ko ‘yun para pag lumitaw ako sa gay bar, magaling na talaga ako. Kaya nagulat sila nung nag-show na ako—nag-full blast ako, nag-midnight show ako. Gulat sila, marunong na ako. Tinanggal ko na ‘yung bigote ko.
Magkano lang po ba ‘yung binibigay sa inyo?
Nung time ko, mataas na ang 50 pesos na budget mo mismo as a performer. Tapos ‘yung tips umaabot minsan ng 500, o 100, 100. Tuwang tuwa ka na dun. Nag-start ako mag-show, 1981. Malaki na ‘yun. Talagang kasagsagan ng pagsho-show noon.
Ano ‘yung mga naririnig mo na sinasabi sa iyo noon?
Uy, ang laking tao, bakla. Kasi naka-babae ako. Pero kapag naka-lalaki akong ayos, hindi ako binabastos. Akala nga nila pulis ako eh. Kasi malaking katawan, matangkad ako eh. Kaya wala akong takot. Pero kung naka-mujer, nakakatakot talaga kasi ang laki laki kong bakla tapos lalakad ka sa Sta. Cruz. O? Pero nasanay ako. Ultimo sa jeep, nagji-jeep ako naka make-up na ako. Tapos, Mama bayad. Gulat sila, ang laki ng boses. (Laughter)
Ano po ‘yung nararamdaman ninyo kapag nag-peperform?
Total completion ‘yun sa buhay ko ‘no? It was really my love and passion, ‘yung performing. Bukod sa singing, ay, kaya ko ‘to, sabi ko. Artist na artist talaga ang feeling mo, lalo na may ginagaya kang artist. Dapat ipasok mo ‘yung katawan mo dun sa performer para maging maganda ‘yung performance mo.
Sinu-sino po ‘yung ginagaya niyo?
Shirley Bassey. ‘Yung mga, This is my life, at saka Diamonds are Forever. Ayan. New York, New York. ‘Yun ang unang ginaya ko. Tapos lately, Gloria Gaynor. ‘Yung, I Am What I Am. Kaya masaya na mahirap. Pero hindi siya nagiging mahirap kasi, if it’s really your love and passion, kahit na ang liit ng kita—‘yung pagsa-stockings pa lang, paghi-heels—walang wala lahat ng ‘yun kasi love mo ‘yung ginagawa mo. Kaya hanggang ngayon ang tatanda na namin, ‘yung mga gamit namin maletang malalaki. Eh gusto mo ‘yan eh, love mo ‘yan eh, anong magagawa mo?
May mga na-meet na rin po kayo na mga bata o kaedaran namin na nagpe-perform?
Meron, pero ang mga batang bakla ngayon, more on beauty contest. Bihirang bihira ‘yung makikita mong love nila ang performing. Kasi usong uso ngayon ‘yung bata pa lang naka-retoke na, nakasaksak na ng gamot. Sixteen pa lang, may boobs na.
Pero ‘yung performing, bihirang bihira. So kapag naka-meet ako ng ganun, pinapayuhan ko kaagad. Kung ano ‘yung naranasan ko, kung ano ‘yung narating ko, tinuturuan ko. Mas mahal kong turuan ‘yung mga batang bakla.
May mga ginagaya po kayo, sina Shirley Bassey, Gloria Gayner, pero ‘yung [screen name] niyo ay si Elizabeth Oro Medez? Ano ‘yung karakter ni Elizabeth?
Mahinhin siya. Pinis na pinis pag kumilos. Malumanay magsalita kahit na malalim ang boses. ‘Yun ang kinakaangat ko. Standout ako dahil dun. I’m original at ako ‘yun mismo. ‘Yun ang Elizabeth Oro Medez.

Paano po ‘yung pagtanggap ng pamilya niyo sa pagiging bakla niyo?
Ah, napakaganda. Kaya up to now, kahit na mamatay na ako bukas, okay lang sa akin. Bago sila namatay—ulila na ako eh—naipakita ko sa kanila kung sino ako. Yes, they know. Syempre maliit pa lang ako, nakita na nila na malambot ako eh. Pero ang payo nila sa akin, okay lang ‘yan basta wag kang lalabas sa kalsada na naka-make up o mag-aarteng ganyang ganyan. Sabi nila, oo, alam naming ganyan ka, pero sundin mo ang lahat ng sinasabi namin, tapos pag nasa right age ka na, gawin mo na ang gusto mo. Sinunod ko ‘yun. Nakikipag-sayawan ako, male ang dating, pero may slight make-up ako. Hindi halata. Tapos nung naging 29 na nga ako, ‘yan nag-perform ako. Unang unang trophy ko, binigay ko sa Mama ko kasi ‘yung nakalagay dun ‘yung pangalan niya eh (Elizabeth Oro Medez). O ‘yan, Ma, may trophy ka na. Sunud-sunod na ‘yun kaya very proud siya sa akin.
Somehow meydo masuwerte po kayo dahil tinaggap kayo ng pamilya niyo.
Oo. Pero ganito kasi ‘yan. Bago sila namatay, nakahingi ako ng tawad. Sabi ko, eto ako.
Unang namatay ang daddy ko eh. Wala siyang sinasabi pero niyakap niya ako nang mahigpit. Pero nung mamamatay na siya, alam mong sabi niya sa akin? Tigilan mo na ‘yan. Alam mong ginawa ko? Tumalikod ako. I know I can’t do it kasi performing is my love and passion.
Ang mama ko, kunsintidora. Siya pa bumibili ng mga make-up ko. At nung araw kasi, parang extension ko siya eh. Kasi nagmo-model din ‘yung Mama ko noong araw at singer din siya. Nagkataon lang na bakla ako, pero kamukha ko ang Mama ko.
Para tumulong sa Golden Gays, kausapin si Ramon Busa sa + 63 947 693 0516 or homeforthegoldengays@gmail.com
About the Author:

Richard Dy is a Filipino visual artist. He has exhibited his photographs in Escolta, Manila and Ateneo de Manila University. He has participated in photography festivals in Siem Reap, Cambodia and New Delhi, India, and has trained under the photojournalism program of the Asian Center for Journalism.
He also works as a communications consultant in the children’s rights sector.