Editoryal: Patay na ang Tagapagbalita

Wala na ang pinakamalaking tagapagbalita sa Pilipinas. 

Matapos tulugan ng Kongreso ng may kung ilang buwan ang aplikasyon ng ABS-CBN para sa bago nitong prangkisa upang patuloy na makapagpasahimpapawid, alinsunod sa Saligang-Batas, tinuluyan nang tuldukan ng National Telecommunications Commission ngayong gabi ang pagpatay sa Channel 2, mga kapatid nitong istasyon sa iba’t ibang probinsya pati mga istasyon nila sa radyo.

Walang pasasalamat sa tanggapan ng Piskal ng Gobyerno na nag-udyok sa kinahinatnan ng istasyon, kahit pa lantaran itong kabaliktaran sa payo ng Senado maging ng Department of Justice.

Sa panahon ng pandemya, hindi lang pala katawan ng tao ang ginugupo nito kundi maging ang moralidad ng mga nasa poder ng hiram na kapangyarihan.

Malayo na ang narating ng pinagsamahan ng istasyon at ng taumbayan mula pa noong papasikat pa lamang ang telebisyon matapos ang World War 2, ngunit tila mas malayo ang adhikaing pampulitika ng ilan, sukdulang tanggalan ng trabaho ang may mahigit sa 11,000 mga empleyado. Ipinasara noong Martial Law at muling ipinasara sa ilalim ng rehimeng Duterte.

Ngunit hindi lamang sila ang nawalan. Lahat tayo ay nawalan sa pagkawala ng tagapagbalita.

Pinakaesensya ng demokrasya ang palengke ng malayang kaisipan, bawasan mo ng isa at nabawasan ka ng pagpipilian—nawalan ka ng sana’y dagdag-suhestiyon o opinyon na sana’y magagamit mo sa sarili mong pagdedesisyon.

Kung nagawa ito sa pinakamalaking tagapabalita, papaanong hindi ito magagawa sa ibang dyaryo, radyo o istasyon ng telebisyon.

Iniluwal ng gabing ito ang yugto ng walang katiyakan sa panahon ng kamatayan.

Ngunit pirming pinatutunayan ng kasaysayan na may katapusan ang mga ganitong madidilim na kabanata kung kailan walang puwang ang pangingimi at katahimikan.

Patay na ang tagapagbalita.

#NoToABSCBNShutdown #DefendPressFreedom

[Entry 301, The SubSelfie Blog]

One Comment Add yours

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.