
Ilang araw na lang bago ang halalan at haharap na naman ang mga Pilipino sa papel na magtatakda ng kandidatong maaaring mag-ahon o maglugmok sa kanila sa kahirapan.
Bilang isang kabataang hindi pa maaaring bumoto, batid ko ang problema at sakit ng aking bansa.
Batid ko ang kahirapan at walang katapusang korapsyon sa aking bayan. Marahil hindi na natin kailangang sabihin ang lahat ng problema na patuloy na nananatiling pahirap sa ating buhay sa loob ng mahabang panahon.
Nawa’y gamitin nating gabay sa ating pagboto ang mga aral na natutunan natin mula sa mga nakaraang halalan at mula sa mga taong walang takot na nagbuwis ng buhay para lamang patuloy na ipaglaban ang ating karapatan bilang mga mamamayan.
Kalimutan na natin ang mga kandidatong namimihasa sa hindi pagtupad sa sinumpaang tungkulin; mga trapong puro pamumulitika ang inihahain; at lalo na ang mga kandidatong garapal sa pagkamkam ng kaban ng bayan.
Ilang beses na nating napatunayan na kung magkakaisa ang mga Pilipino, madaling makukuha ang ipinaglalaban.

Ang halalan ay isa lamang sa patunay na kung magkakaisa at magsasama-sama sa pagpili ng tamang kandidato, siguradong mananaig ang lider na may malasakit at kakalinga sa pamilyang Pilipino.
Huwag sana nating kalimutan na ang bawat isa ay may karapatang pumili at magtakda. Gamitin natin ang karapatang ito at manindigang sa huli ay ang tama ang mananaig.
Naniniwala ako na hindi ito laban ng kahit sinong kandidato, hindi puti, pula, dilaw, bughaw o ano pa mang kulay dahil ito’y laban para sa kinabukasan ng bawat Pilipino. Matatapos ang halalang ito ngunit iisang komunidad tayong magbubuklod para sa pag-unlad ng ating bayan.

Tungkol sa Manunulat:

Si Edrian Morales ang Student Council President ng Holy Spirit National High School sa Quezon City. Katatapos lang niya sa Grade 10 sa edad na labing-anim na taong gulang.