
Black and white at de-pihit pa noon ang lipatan ng channel ng TV at mauuso pa lang ang remote control, isa nang ritwal sa aming pamilya ang panonood ng balita sa gabi.
Salimpusa pa lang ako sa Barangay Day Care Center at kasagsagan ko pa lang sa pagtuklas sa ba-be-bi-bo-bu nang makilala ko ang balita. Dahil wala pang arawang suplay noon ng dyaryo sa amin at bihirang mag-AM radio ang nanay, namulat ako na ang TV at balita, iisa.
Ngayon ko lang napagtanto, kulang ang gabi noong limang taong gulang ako kung walang TV Patrol, lalo kung walang “Magandang Gabi, Bayan” ni Noli de Castro tuwing Sabado ng gabi at ang kanyang mga horror special tuwing sasapit ang Todos Los Santos.
Tanda ko pa nang tumama sa jueteng ang Tatay at nakabili kami ng colored Sony TV. Mas makulay na ang panonood namin ng balita:
- kitang-kita ang mga dugo sa mga kwentong krimen
- ang mga ngumingiwing mukha sa sakit matapos maputukan ng pulbura tuwing bagong taon
- ang pagsabog ng bulkang Pinatubo at ang mistulang pagkumot ng abo sa Tarlac, Pampanga at mga katabing probinsya
- ang pagguho ng mga hotel at gusali sa Baguio.
Ito ang mga imaheng nagmarka na sa akin sa tulong ng telebisyon.
Nang sukuan ko ang pangarap na maging Astronomer at maging unang Pilipinong makarating sa buwan at kalawakan, saka ko lang nahiligang magbalita.
Salamat sa arawang Abante at Bulgar na nagmulat sa akin sa pagsusulat at pagbabalita sa Filipino. Tinuro rin sa akin ng mga ito na kasabay ng almusal, napakasarap ring amuyin ng bagong imprentang dyaryo.
Dahil makaapat na beses na mas mahal ang broadsheet noon, kung may suplay lang tuwing Sabado at/o Linggo lang kami binabagsakan ng Philippine Daily Inquirer. Nakatago pa hanggang ngayon ang mga kinabiliban at sa palagay ko’y magagandang isyu nila noon gaya ng pag-alis ni Erap sa Malakanyang o di kaya’y ang pagpanaw ni Pope John Paul II.
Ang romansa ko sa balita, pinasidhi pa nang swertehin ako sa mga newscasting contest sa eskwelahan — dahilan para kumuha ako ng BA Journalism, una sa UST at, nang magmahal pa ang tuition, sa UP Diliman.
Maliban sa mga kurso sa pagsulat sa UP-College of Mass Communication, nakapagsulat at nakapag-edit ako ng balita para sa lingguhang Philippine Collegian o Kule. Samakatuwid, sa dyaryo ang naging pagsasanay ko. Kaya hanggang ngayon, natatawa pa ako ‘pag naaalalang hindi ko alam magpasok ng mga DVC tape sa mga playback machine nang magtrabaho ako sa GMA News noong 2009.
Wala akong kamuwang-muwang sa kalakaran at pagsulat para sa TV, ni hindi ko rin alam kung ano ang VTR, CGEN, SOT, reverse shot at marami pang ibang kailan ko lang natutunan.




Nitong Hulyo, panlimang taon ko sa telebisyon at mahigit pa sa katuparan ng mga pangarap ang nakuha ko sa GMA. Ang mga imposibleng mapuntahan sa pangkaraniwang gala, napuntahan ko.
Unang sabak pa lang, sa isang liblib na bayan na ng Abra ang naging destinasyon ko. Naging katuwang ako sa pagbibigay ng mukha sa mga pinakamalalang kaso ng malnutrisyon sa sampung pinakamaralitang probinsya sa Pilipinas, dahil na rin sa kawalan ng seguridad sa pagkain.
Simula pa lang iyon ng hindi mabilang na biyaheng totoong nagdala sa akin sa Luzon, Visayas at Mindanao, hanggang sa Tawi-Tawi kung saan tanaw na ang Sabah. Muntikan na kaming maipit sa rido rito at naging pain ng mga pating.
Nakadaupang-palad ko ang lahat ng presidentiables noong Eleksyon 2010 at nakasama pa ngang mananghalian sa kanilang bahay sa Times Street ang noo’y kandidato na si Noynoy Aquino.
Nakapanayam at nakasalamuha ko ang iba’t ibang mga tao mula sa mga pinakasimple hanggang sa mga pinakamakulay ang buhay, o di kaya’y yaong mga makapangyarihan at may sinasabi sa lipunan.



Sa primetime newscast na 24 Oras, nabigyan din ako ng halos limang minuto na pagkakataon kada linggo para makapagsalaysay ng mga kwento:
- mga istoryang may kurot sa puso tulad ng mga batang ginawa nang dormitoryo ang kanilang silid-aralan dahil malayo ang kanilang tahanan;
- mga ulat na kumakalampag sa mga otoridad katulad ng lumalalang kaso ng HIV/AIDS sa Pilipinas;
- mga nagbibigay-ngiti gaya ng masasarap na cupcake, SONA red carpet fashion at reunion ng TGIS / Growing Up!
Sa kada akda, para akong karpintero na pinaplanong mabuti kung paano itatayo ang isang bahay, kung anong materyales ang gagamitin at kung gaano kalalim ang pundasyon na huhukayin.



Tuwing linggo sa nakalipas na dalawang taon, binigyan ako ng dalawampung minuto kada hapon bilang Executive Producer ng News TV LIVE. Naihatid namin ang mga sariwa at makabuluhang balita sa loob at labas ng bansa.

Pero iniwan ko na ang lahat ng ‘yan.
Plano ko sanang lagumin ang mahigit kalahating dekada ng karanasan at natutunan sa telebisyon. Pero mangyaring baka hindi ko mabigyan ng hustisya ang lahat ng nakibahagi sa aking mga kuwento. Habambuhay na pasasalamat para sa mga walang imbot na taga-Timog Avenue na naglimos ng kaalaman at pagkakataon para ako’y makapagbalita.





Pero walang paumanhin para sa pagtupad sa mga bagong pangarap at simulain. Hindi ito tuldok sa pagsusulat. Lalo’t ang pagsusulat, hindi naman monopolyo ng telebisyon. Hindi rito matutuldukan ang pagkatha hanggang may tao at may mga karananasang dapat ikuwento para sa pagbabago.
Hanggang may sakit ang lipunan, may dahilan para magsulat.
Sabi ng maraming kaibigan, babalik din daw ako sa telebisyon. Siguro, panahon lang ang magsasabi. Ang malinaw sa ngayon, may bagong biyahe at may susunod nang destinasyon.
Editor’s Note: Toni left his work in GMA News to explore his world outside the television industry. He is now working for Save the Children Philippines.
About the Author:
Toni Tiemsin is the Editor-in-Chief of SubSelfie.com. Presently, he is a Media and Communications Officer of international NGO Save the Children. Before his work in the development sector, Toni was an Executive Producer for GMA News hourly and breaking news spot, News Producer for primetime newscast 24 Oras, and the Supervising and Associate Producer of GMA News investigative and features unit Special Assignments Team. Journalism 2009, UP Diliman. Read more of his articles here.









Leave a comment