Roadkill / Paano Pumatay ng Aso

Roadkill / Paano Pumatay ng Aso. Isinulat ni Dano Tingcungco para sa SubSelfie.com.

Editor’s Note: This is a work of fiction.

Kapag nakakaramdam ako ng tuwa, may nangyayaring masama.

Tatlong oras nang nakaupo si Arturo sa sasakyan, isang sedan na paminsan minsan umuungol kapag umaakyat ng highway, kasabay ng kalampag na parang mahinang tapik, Boss pahinga muna tayo.

Pero walang pahinga ngayong araw. Nagmamadali para maabutan pa ang dalampasigan habang may halik pa ng araw. Alas tres na ng hapon. Maalinsangan, maluwag ang kahabaan ng daanan.

Mula sa walang katapusang bukirin, kubo, bukirin, kubo, napatingin si Arturo sa driver niya, kwarenta anyos pero di halata sa mukha niyang tag-hirap sa tigiyawat. Kaunting puting buhok sa sentido, pero tadtad ng bigen speedy ang tuktok. Malambing ang hawak sa kambyo, tumatama paminsan minsan ang pulsera ng ginintuang relong ilang beses pinatubog at pinatubos.

Kung gaano kabilis ang ga-segundong hapyaw sa kasama, siya ring bilis ng baling ng tingin niya sa daan, highway na sa ilang pagkakataon, nahahati ng mga palay na pinatutuyo, kakahabol lang ng ani. Aning inadya sa bagyong noong isang linggo lang, nagbantang tangayin ang lahat ng paghihirap ng mga magsasakang kanilang dinaanan. Pero siya ring bagyong noong nakaraang Sabado lang, nalusaw bago pa tumama sa lupa.

Kung bibilangin ni Arturo ang mga nakangiting mukha sa ibabaw ng pinatutuyong palay sa highway, lagpas na ito ng mga daliri sa kamay at paa. Pinihit niya ang radyo, sa AM, balita, sabi ng isang retiradong heneral, milagro daw ang pagkalusaw ng bagyo.

Dinukot ni Arturo ang cellphone, binuksan ang web browser, lumabas ang isang kalendaryong puro salitang Tsino. Pero sa dalawang daliri, ibinaba ang kalendaryo sa Ingles na mas naiintindihan:

Auspicious day: Travel, lanugo hair shaving, signing contract, funeral, first manicure/pedicure for a newborn, housecleaning, hunting, exterminating pests

Inauspicious day: first dig of a building, first dig of a tomb.

Ayos, mahinang sambit ni Arturo sa sarili. Suwerte. Sabay akyat sa sinturera ng pantalong sumisikip. Sandal sa headrest ng upuan, dumungaw sa matingkad na asul ng padapithapong langit.

Biglang dumikit ang mukha niya sa windshield. Sabay tatlong businang matinis, parang asong tinatanggalan ng kutis.

Sa kanto ng kanang mata, nasulyap niya, tatlong asong tumatakbo palapit sa palay na karugtong ng pinatutuyo ng mga nakangiting magsasaka. At kahit masakit pa ang noo, sinundan ng tingin niya ang lakad ng mga asong papalayo, patago sa kubol sa gilid ng highway.

“Buti di mo tinamaan.”

Mas malakas ang naging tunog ng pulsera ng driver niya, primera, tercera, balik sa unang bilis, trenta, kwarenta, sisenta.

“E ‘di ba kabilin-bilinan mong makasagasa na ako ng tao, huwag lang ng aso o pusa?”

Cuarta, quinta, tuloy sila sa bilis ng maneho sa kotseng dire-diretso.

Sa paghahabol nila sa liwanag ng araw, muntik nang makasagupa ng kanilang kotse ang ilang batang naghahabulan sa hilera ng mga bahay mula sa bukid papalapit sa poblacion.

Isang babaeng wala pang limang taong gulang, may bitbit na isang bungkos ng kopra, tinali para magmukhang manika, kaagaw ang kaibigan, pero siya ang hinahabol.

Ang mga pinatuyong palay tila palatandaan kung saan siya patungo sa lalong pagtulin ng kanyang takbo. Hanggang sa sumentro siya sa highway, palapit sa nguso ng kotse.

Sampung busina ang umalingawngaw. Muling sumayaw ang mga palay. Ang tibok ni Arturo umabot hanggang lalamunan. Biglang may itim na gumalaw, ang buhok ng babae, muling sumayaw, papalayo sa kanilang pagkikita.

“Putang inang bata ‘yan, sana sinagasaan mo na lang.”

Ang mga nakataas na kilay ng mga magsasaka, mga ngiting napalitan ng pangamba’t pigil na galit, pilit nilang inalpasan sa muling pag-andar ng kotse.

Ang driver ni Arturo, panay kaway at nakatingin sa gilid pero wala namang siya talagang isang taong kinakawayan. Minsanang bumubuka ang bibig kahit walang umaapaw na tinig, pasensya na po, nalingat ang tingin. Pero at least walang nangyaring masama, pasensya na po talaga.

Maya’t maya napapahinto ang sasakyan, may mga asong rumarampa sa daan. Papalayo na ang mga mukhang kita sa salamin sa likuran.

Muling bumaling ang tingin ni Arturo sa asul na langit, unti unting dumidilim, nahahaluan ng kahel sa gilid. May kakaibang gaan sa dibdib niyang ngayon lang niya naramdaman. Lumalapit na ako sa mga along matagal kong hinabol, mahinang bokalisasyon sa sarili.

Pumatak ang mga segundo, may sumalubong ulit na kalabog. Parang ulo ng kopra unti-unting nababali sa bigat ng kanilang gulong. Pero sa pagkakataong ito, hindi pakalat-kalat na kopra ang nabasag. Mas marupok.

Biglang tigil ang kotse. Hindi dahil sa tunog ng lumagapak na kopra, kundi sa sigaw ng mga tao sa kalsada na mula sa kanilang saradong bintana, sintunog ng isang mahinang hiyaw.

Ang mga mata ni Arturo, mula sa langit, bumaling sa bukirin, sa mga tao, hanggang sa kanang gulong, kung saan may dalawang paang tatlong segundong sumubok pumiglas, napakamot sa landas, tumigil, at di na muli pang gumalaw. Mga paang kasingkulay ng bagong aspaltong daan, may pulang likidong dumanak mula sa pinanggalingan ng gulong, dugo. Kapalit ng kulay aspaltong paang sinubukang pumiglas, iyon ang di tumigil. Nanlaki ang mata niya at nang mapagtanto ang nangyari.

“Aaaaah! Shet putang ina! Nakasagasa tayo! Ng aso! Putang ina! Putang ina! Putang ina!”

Bumaba ang driver ni Arturo, sa pagmamadali nakalimutan pang tanggalin ang seatbelt. Patakbong lumundag sa harapan, tumingin sa kanang gulong sa harap, napayuko, kumintab ang nguso sa pulsera ng relong nasa kanang kamay na ihinaplos sa mukha. Tumagos ang kintab sa kulay kape niyang matang agad tinago ng mga pilik matang bumaba sa pangamba.

“Sino ho may ari ng aso?” Baling niya sa katabing lalaking may bitbit na sako.

“Naku, kay Mang Ben, hanyo’t patatawagin ko. Sandali lang ho.”

Tumingin sa malayo si Arturo, di makakilos sa kinauupuan, hindi makahinga, biglang napuno ng pangamba. Paakyat pala sila ng tulay. Napatingin siya sa dulo ng tulay.

Malasin Bridge.

Sa kabila ng tulay isang maliit na bantayog na bato.

Welcome to Brgy. Malasin.

Kapag nakakaramdam ako ng tuwa, may nangyayaring masama.

***

Nakasandal si Mang Ben sa upuang kahoy na kinupasan ng barnis, niluma ng mga dekada. Ang mga bumaklas na hibla ng sandalan, dahan dahang sumasayaw sa ihip ng hanging pakanluran. Sumabay sa mga hibla ang mga haligi ng kubong yari sa lagpas-lagpas na nipa, pinagtibay ng mga pawid na hindi pa tinatanggal kahit lumipas na ang bagyo at muling kumakanta ang mga ibon. Ang palad na nagmula sa sandalan, lumipat sa kanyang tiyan. Ang kirot ng sikmura nahaluan ng kaba.

Dalawang oras na ang lumipas nang huli niyang makita sa bakuran ang alagang bininyagan niyang Abo, sa kulay niyang kawangis ng mga abo ng sigarilyo na siyang tanging bisyo noong kabataan niya. Tatlong taon lang mula nang pumanaw ang asawa niyang si Dolor sa kanser sa baga, tumigil siya sa pagyoyosi. Di lang bilang paggalang sa ikinamatay ng asawa, kundi dahil naubos na rin ang ipon niya sa pagpapaburol. Sa pagdoble ng presyo ng sigarilyo sa bayan dahil sa bagong buwis ng pamahalaan, masyado nang mabigat ang kahit tingi.

Ang paburol sana, di na natuloy. Walang pang-embalsamo, walang panglibing, ni pambayad ng upa sa himlayan ni Dolor kaya ipina-cremate na niya ang labi ng asawa. Ang mga abo niya, dinala niya sa dalampasigan at hinayaang makisayaw sa alon. Lumipas ang tatlong taon, pero sa isip niya para lang kahapon.

Ang aso niya, paalala sa pangako niyang balang araw, sinuman ang mauna sa kanila, pareho nilang sasamahang muli si Dolor sa mga alon. Sana lang hindi siya ang mauna.

“Mang Ben! Samahan niyo ako dali! Yung aso niyo, nasagasaan sa highway!”

Ang bumango’t tumayo nang mabilis, gusto ng isipan, pero hindi kaya ng katawan. Ang saklay — sa totoo lang, kinayod na sangang kahoy — umalalay sa pag-ahon niya’t pagtayo sa upuang may sandalan. May kirot ang bawat lakad, na lalo pang pinasakit ng kung anong nangyari sa alaga niya.

Isang kilometro mahigit din ang nilakad nina Mang Ben at ng kabarangay, hanggang sa highway. Pahina na ang araw, pero walang aninong kumukubli sa ulo ng alaga niyang hinati ng gulong ng kotse, dalawang maliit na kamote sa duguang nguso.

Napaluhod si Mang Ben, tulala’t di makapagsalita.

Hindi sinayang ng driver ang pagkakataong magpaliwanag. “Ser, ser, pasensya na ho, hindi namin sinasadya, ang lapit na ho namin nang bigla na lang ho tumawid. Pumreno pa ako, pero inabot pa rin po siya.”

Naglakbay lang ang tingin ni Mang Ben mula sa aso, sa driver, tumigil kay Arturo na hindi pa rin lumalabas ng sasakyan, kay Arturo na biglang umiwas ng tingin sabay dikit ng cellphone sa tenga, kunwari may kausap pero di halata mula sa labas na balatkayo lang pala.

Ang dami niyang gustong sabihin. Putang ina niyo, bakit niyo pinatay ang nag-iisang natirang nagmamahal sa akin, iniwan na ako ng mga anak namin, wala na ang asawa ko, ang kamoteng hawak niya pagkain namin sa maghapon tang ina niyo.

Pero naubusan siya ng lakas. “Wala na tayong magagawa, andyan na yan. May sakit na rin siya, matanda na medyo ulyanin.

“Ganito na lang. Meron sana akong ipapakiusap na lang sa inyo. Saan ba kayo papunta?”

“Sa playa ho.”

“Pwede bang kayo na maglibing sa kanya, sa playa?”

“Ah, eh, paano ho?”

“Libing. Ilibing ninyo ang aso ko. Dalhin niyo ang bangkay niya, at ilibing ninyo sa playa.”

“Paano ho yun? Saan ho namin siya ililibing? Dayo lang ho kami dito. Saan namin siya dadalhin? Babayaran na lang ho namin kayo, magkano ho ba?” Sabay tingin ang driver kay Arturo, iginalaw ang ulo na lumapit siya. Sinuklian ni Arturo ng taas parehong kilay, sabay taas parehong kamay.

“Yang ibabayad niyo sakin, ipanlibing niyo na lang sa kanya. Mahal yan sa akin, ayokong maiwan iyan sa kalsada gaya ng mga pusa ng mga taga-rito.”

“Baka naman ho pwede pa nating pag-usapan ito, baka may ibang pwedeng gawin diyan. Ser, wala ho kaming oras para maghanap ng libingan niyan, parang sobra ho—“

Mula sa kantong papuntang poblasyon, humarurot ang isang tricycle. Nakalagay sa sidecar,

BARANGAY MALASIN, BARANGAY POLICE, PEACE AND ORDER.

Lumapit ang tricycle sa kanila. Buhat ng sasakyan, isang lalaki ang dumungaw, saka lumabas.

“Magandang hapon ho, anong problema rito?”

Sabi ng lalaking sumundo kay Mang Ben: “Eh ser, nasagasaan ho yung aso ni Mang Ben, ayan ho nandito.”

“Naku marami na ngang nangyayaring ganyan dito. Palibhasa highway, dire-diretso lang. Ano bang gagawin natin dito? Kailangan maialis na ito. Pag dumating ang mga trak galing Maynila, maiipit sila dito.”

Sumagot ang driver: “Ser, pinapalibing ho nitong may-ari yung aso, eh dayo ho kami dito, sinasabi ko ho sa kanya, baka pwedeng iareglo na lang namin ito para tapos na. Kailangan na ho namin kasing magmadali.”

Napatingin ang tanod kay Mang Ben, “Ano hong tingin niyo, Mang Ben?”

“Sabi ko, ayoko ng bayad. Gutom ako pero di ako mukhang pera. Anhin ko ilang libo nila kung di ko naman kayang mapalibing aso ko?”

“Eh ser, diba ho nagpaliwanag na kami, nagmamadali ho kami, wala ho kaming panahong maghanap ng libingan ng asong kayo na ho nagsabing matanda na’t ulyanin. Baka may mas madali pang paraan?”

Ramdam ni Mang Ben na bumibilis ang tibok ng puso niya bumabangon sa galit, pero ang tinig mula sa labi niya, di na niya magawang itaas. “Kung nagmamadali kayo, sana iningatan niyong di maaksidenteng ganito. Yun lang ang hinihingi ko—ilibing niyo ang aso ko. Tapos ang usapan. Kung di ninyo kaya, magkita na lang tayo sa barangay.”

Nahihiwagaan ang driver sa hiling ni Mang Ben. Dati na siyang nakasagasa ng aso, nang magserbis siya ng mga turistang foreigner sa ibang probinsya. Naumpog ang ulo sa bumper, naipit ang paa sa gulong, pinilit maglakad pero kalauna’y pumanaw rin. Pero sabi noon sa kanya ng may-ari, wag mo nang isipin, gagawin na lang naming pulutan. Umaasa siyang sana ganun din ang tinugon sa kanya ni Mang Ben, pero matigas ito.

Tinapik siya ng tanod na nakatingin sa kanyang relo, “Ser, para matapos na ito, ibigay niyo na lang ang gusto niya. Kung hindi, mapipilitan kaming dalhin kayo sa pulis. Animal cruelty ho ito ser. May piyansa naman, maliit lang multa kung convicted kayo, la pang limanlibong piso, pero kung ganun mangyari ser, baka madungisan record niyo, pareho kayo ng kasama niyo. Sasakit lang ulo niyo. Kayo rin ser.”

Napaisip ang driver, ito na siguro ang malas na madalas mabanggit sa kanya ni Arturo. Malas makasagasa ng aso o pusa, may mangyayaring masama. Malas dumaan sa ilalim ng kahit anong hugis patatsulok. Wag maligo lagpas alas tres ng hapon ng Biyernes Santo. Pero teka.

“Ser, ako eh niloloko niyo naman. Abswelto ako dito, eh kung pumreno ako agad baka gumewang kami at nahulog kami diyan. Pwedeng pwede kong sabihing isinalba ko lang buhay ng pasahero ko.” Itinuro niya ang bangin labinlimang dipa lang mula sa kanilang pwesto.

“Hihintayin mo pang umabot sa ganun? Gagastos ka sa abogado, may piyansa nga kayo magpapabalik balik naman kayo dito sa bayan namin para sa hearing. Ako ser, tatapatin ko na kayo, madali lang naman akong kausap, at di ako humihingi ng padulas. Kung gusto niyo ng ganyang sitwasyon, kayong bahala. Kung gusto ninyong mas madali buhay ninyo, nasa inyo iyan. Pero kung ako sa inyo, bilis bilisan niyo na ang desisyon niyo, kasi pag lumubog ang araw at nandito pa tayo at inabutan tayo ng prusisyon at mga trak, kailangan ko nang tumawag ng pulis.”

“Ser sandali lang ho.” Binuksan ng driver ang pinto, rinig ang kalansing ng pulsera ng gintong relo na tumama sa pinto ng sasakyan, kung saan sumalubong sa kanya tingin ni Arturo. “Pre may problema tayo. Gusto ng may-ari na tayo maglibing sa aso.”

“Ano? Putang ina kasalanan niya tayo sasalo? Kasalanan ko bang patanga-tanga aso niya diyan at nagkanda-leche-leche ang lakad natin dahil diyan? Ito na nga ba sinasabi ko eh.”

“Sssshh, huwag kang maingay. Alam ko na iyan. Iyan din ikinatwiran ko, matigas ang lolo mo. Sabi sa akin ng tanod ibigay ko na hilig niya, kasi kundi, baka idemanda pa tayo ng may-ari. Ano, tingin mo?”

“Anong gagawin natin?”

“Teka.”

Muling sinara ng driver ang pinto, bumalik sa nag-aabang na tanod, kay Mang Ben na nakadungaw sa malayo, at sa asong hindi na maibabalik pang buo ang ulong hinati ng gulong nila. Bago pa nakabitaw ng kataga ang driver, pinutol na siya ni Mang Ben.

“Naiintindihan ko sitwasyon niyo, alam kong di niyo naman sinasadya, kaya tapusin na lang natin ito dito. Kunin niyo na si Bangis,” sabay tingin kay Bangis, isang patak ng luha sa malamig na paa ng alaga, “sunugin ninyo ang bangkay niya, at ihagis niyo ang abo sa dagat. Sabihin niyo habang ginagawa niyo iyon, sunduin na kamo siya ni Dolor, asawa ko.”

“Ser, mas mahirap ho yata yang pinapagawa ninyo. Saan namin siya susunugin? Ano yun, cremation?”

“Kesa naman maghanap pa kayo ng lupang paglilibingan sa kanya. Isa pa, yan ang pangako ko sa aking asawa. Pag dumating ang tamang panahon, magpapasundo kami sa kanya sa dagat. Hindi ko na kaya mag-isa, utang na loob lang po, pagbigyan niyo na ako.” Lumuhod muli si Mang Ben sa tabi ni Bangis, hinawakan ang paa ng alaga, at akmang iniaabot sa driver. “Huwag mo na kaming pahirapan pa. Ser, okay na tayo. Andres, pakiuwi mo na ako.” Hindi na niya hinintay pang sumagot ang driver, inakay na si Mang Ben ng lalaking sumundo sa kanya, naglakad papalayo, pabalik sa bahay, habang pinagmamasdan siya ng driver na di maitago ang pagkagulat.

“Teka, may sako yata kami sa serbis.” Naglakad ang tanod sa traysikel, bumalik hawak ang isang sakong pang isang kabang bigas. “Dito niyo na lang ilagay, kasya ba sa likod ng kotse niyo ito?”

“Teka, teka, saan kami maghahanap ng punerarya? Di nga namin alam kung paano pumuntang playa eh!”

“Dumiretso na lang kayo sa bayan, ipagtanong niyo na lang. Sige na pagtulungan na natin ito, dumidilim na.”

Bitbit ang dalawang paa ng aso sa isang banda, ang tanod naman hawak ang kabila, ipinasok na nila sa sako ang aso. Bumalik ang driver sa loob ng sasakyan para kunin ang susi, at buksan ang likod.

“Anong ginagawa mo?”

“Maghahanap tayo ng funeraria.”

Muntik nang napasigaw si Arturo, pero alam niyang mas mainam manahimik, gaya ng unang bilin ng kasama niya. “Gago ka ba? Magpapasok tayo ng patay na hayop dito? Tang ina sampung beses na malas yan! Iwanan mo na lang! Aatakehin ako sa puso sa’yo!”

“Basta, papaliwanag ko na mamaya, diyan ka lang.” Bumalik sa likod ang driver, pinihit ang susian sa likod, nawala sa paningin ni Arturo, at muling bumalik, kasama nang tanaw ang tanod. Maya-maya biglang may kumalabog. Sumabay dito, napahawak sa dibdib si Arturo sa lakas ng kabog.

Sa sarado’t tahimik ng patay na makina ng kotse, naaninag na lang ni Arturo na nagkamayan ang driver at tanod. Naghiwalay ang dalawa, kumalas ang mga miron; dumiretso na ang tanod sa traysikel, pinaandar ang makina, humarurot palayo. Ang driver, naglakad papalapit sa kotse, binuksan ang pinto, umupo, kinabit ang seatbelt, nilagay sa neutral ang kambyo, pinaandar ang sasakyan. Primera, segunda, dahan dahang bumilis ang takbo.

Nawala na ang pagkadilaw ng araw, unti unting napalitan ng pula, hudyat ng takipsilim. Sa loob ng isang oras, tahimik ang lahat. Nakapatay ang radyo, walang nagtetext, walang tumatawag. Walang imik ang dalawa, hanggang sa nagtanong si Arturo, mahina, halos paos na boses, “Saan tayo papunta?”

“Maghahanap tayo ng funeraria.”

“Maghanap muna tayo ng hotel.”

***

Inabot na sila ng gabi sa poblacion, isang lugar na tulad ng nasaksihan niya sa marami pang bayang malayo sa kabihasnan, tila hindi ginalaw ng panahon. Isang pabilog na plaza sa gitna, munisipyo sa harap, simbahan sa kaliwa, ospital sa kanan, isang paaralang pumapagitna, at estasyon ng pulis sa likod. Tanging indikasyon ng modernisasyon, bukod sa mga suot na skinny jeans at dinudutdot na touchscreen cellphone ng mga teenager na nakaupo sa plaza, ang mga tarpaulin ng shampoo, sabon at load ng cellphone na tadtad ng mukha ng mga baguhang modelo at aktor.

Nakahanap sila ng isang maliit na lodging house sa gitna ng isang hilera ng mga tahanan, tatlong kanto mula sa munisipyo. Hindi malapitan ni Arturo ang trunk ng kotse, lalo’t alam niyang ang laman nito, ang ugat ng kanyang kinatatakutan, ang simula ng paniwalang kamalasan. Ang driver ang kumuha ng mga bag nila. Isang kuwarto na lang ang libre, lalo’t bumalik na ang turismo sa bayan nang malusaw ang bagyong kinatatakutan. Iisa lang ang kama, ubos na ang mga extra bed. Magkatabi sila ngayong gabi.

“Ako na lang matutulog sa sasakyan,” naging suhestyon ng driver.

“Ako na lang, isang gabi lang naman,” sagot ni Arturo.

Pagkakain nila sa cafeteria ng hotel, bumalik din sila sa kanilang silid para magbihis. Hinintay ni Arturo na makatulog ang driver, bago dahan-dahang sinungkit ang susi ng kotse sa pantalon ng driver. Papahangin lang ako, sambit niya sa sarili.

Muling kumabog ang dibdib niya nang masilayan ang likuran ng kotse paglapit niya sa garahe. Pero imbes na iwasan, nagsindi muna siya ng yosi, at matagal pinagmasdaan ang likuran. Walang ibang pumapasok sa isip niya kundi ang paulit ulit na mga larawan ng kanina, ang tunog ng binabasag na kopra, ang paglabas ng dugo mula sa ilalim ng kotse, ang mga gumagalaw na labi ng driver, ni Mang Ben at ng tanod, at ang huli, ang pagpasok ng isang mabigat na sako sa likuran.

Pagkatapon sa yosi, pumasok siya sa kotse, pinaandar ito at umalis ng lodging house. Wala siyang malinaw na pupuntahan, ano namang alam niya sa bayang kanilang tinuluyan. Pero hindi pa rin siya tumitigil, diretso hanggang kaya, liko kung saan hindi one way, bahala na.

Maya’t maya sa madilim na daan, nababaling niya ang tingin sa ilang mga pusang una’y nasa eskinita pero nasa kalsada na pala. Hindi bababa sa sampung beses ang pag-iyak ng gulong ng kotse nila kakapreno niya sa ilang mga pusang biglang tumatawid sa kalsada. Hanggang sa makabalik siya ng pinanggalingang highway, hindi niya alam kung saan dadalhin ng lumalakas na kabog ng dibdib.

Sa isang madilim na bahagi ng highway, tumigil siya, lumabas ng kotse, at dahan-dahang binuksan ang trunk. Ang sakong puti kanina, kulay lupa na ang ilalim sa dugong tinuyo ng init. Habang walang nakatingin, mag-isa niyang binuhat ang sako, naglakad ng tatlong dipa sa isang talahiban, at kaladkad ang sako, itinago sa talahiban ang sako. Ang dugong nilikha ng pagkakakaladkad niya sa sako, tinabunan niya ng malabuhanging lupa sa gilid ng daan. Sumilip siya kaliwa’t kanan, at agad pumasok ng sasakyan, at minaneho ito pabalik ng lodging house. Hindi mawala ang kaba habang hinhugasan niya ang kamay at basahang pinaghalong lupa, graba at dugo. Pero di na bale. Walang makakaalam, mainam nang magkalimutan.

***

Alas siyete ng umaga nang mag-check out sina Arturo sa tinutuluyang lodging house, pabalik ng highway na magdadala sa kanila sa dalampasigan. Inihanda na ng driver ang kanilang mga gamit, pero hawak ni Arturo ang susi. “Pakibuksan yung likod,” pakiusap sa kanya ng driver na ngawit na sa kakabitbit ng kanilang dalawang duffel.

“Wag na diyan, sa loob mo na lang ilagay. Malas iyan sa tabi ng patay,” sagot ni Arturo na kinailangan pa niyang ulitin nang mapagtanto niyang hindi yata siya nakahinga sa bilis ng unang sagot.

Di tulad kahapon, hindi nagtagal nang masilayan nila ang aplaya, ang mga puting buhangin nito at mga bangka sa dalampasigan. Marami nang napuntahang aplaya si Arturo pero ang kakaiba sa bahaging ito ng aplaya, wala pang resort na bumabakod dito. walang turista, walang kainan, tanging mga puno ng niyog lang ang makapagbibigay lilim.

“Dito na tayo boss.” Pagbukas ng pinto ng kotse, sumalubong sa kanila ang alinsangan ng palapit na tanghali, at ang amoy ng hanging pinaghalong asin at dahon. Mula sa kanyang backpack, kinuha niya ang isang garapong porselana at tinanggal ang scotch tape na nakabalot sa takip. Nang buksan ang garapon, kasabay ang pagtakas ng ilang puting abo buhat dito.

“Ma, nandito na tayo. Pasensya ka na nahuli tayo ng isang araw, pero nandito na tayo.”

Dahan dahang nilakad ni Arturo ang kahabaan ng aplaya hanggang sa humalik ang mga asul na alon sa kanyang paa. Sintingkad ng asul na dagat ang langit na walang kaulap-ulap, nakakasilaw. At ngayon lang nakaramdam si Arturo ng luhang sing-init ng araw na humahampas sa kanyang batok.

Muling binuksan ni Arturo ang nakasarang garapon, muling tumakas ang abo, na siyang lumipad sa hangin at lumikha ng ulap. Lumapit siya sa alon hanggang umabot ito sa tuhod niya, dumakot siya ng abong kaya ng palad, at inihagis papalayo.

“Ma, mamimiss kita, hindi ko kaya mag-isa.”

“Maraming salamat, Bangis. Dolor, susunod ako ha. Hintayin mo ako. Mahal kita.”

Napalingon si Arturo, at laking gulat niya nang makita si Mang Ben, ang amo ng asong nasagasaan nila kahapon, katabi niya, at nakadungaw sa kawalan.

“Maraming salamat sa iyo, iho. Matatahimik na ang loob ko.” Nakangiti si Mang Ben, nangingilid ang luha. Ngayon lang niya nakitang nakangiti ang matandang mamang ito. Hindi niya alam kung bakit, pero sinuklian niya ito ng yakap, at iyak.

“Mauna na ho ako sa inyo, kanina ko pa kayo hinihintay. Umaasa akong kahit iba na ang ating panahon, meron pa ring mga katulad niyo.” Tumalikod si Mang Ben, at gamit ang saklay, bumalik pabalik sa lilim ng mga puno ng niyog, papalayo sa kanila.

Shit. Hindi ito tama. Sinubukang habulin ni Arturo si Mang Ben, pero natigilan siya sa lakas ng hampas ng alon sa likod, na muntik nang matangay ang garapon ng mga abo ng ina.

Nang makabangon tangan pa ring ang garapon, hinanap niya si Mang Ben pero hindi na niya ito makita. Ang driver niya, nakapikit sa upuan niya sa harap ng sasakyan.

Gumawa ng malalaking lukso si Arturo pabalik ng sasakyan kung saan siya na ngayon ang may hawak ng manibela.

“Dong, nakapagtanong ka na ba ng malapit na punerarya? Yung may cremation?”

“Ay oo, teka nasa notebook ko, pero sabi ito, malapit lang daw sa plaza. Sa likod ng ospital.”

Mabilis ang pagkabuwelo ni Arturo sa kotse, ibinalik ang pagmamadaling larawan ng kanilang biyahe kahapon. Sa bilis ng pagpapatakbo niyang nakapako sa mahigit 100 kilometro kada oras, makukuha nilang bumalik sa poblacion ng isa’t kalahating oras.

“Boss, dapat kumaliwa ka na, nilagpasan mo na yung papuntang punerarya.”

“Sandali, may dadaanan muna tayo.”

“Saan ser? Ako na lang kaya magmaneho? Kinakabahan ako sayo eh. Paano kung may masagasaan kang alaga? Ayaw mo pa naman yun…”

“Shhh. Matulog ka na lang ulit. Huwag mo akong guluhin.”

Habang nasa highway si Arturo muli niyang nakita ang talahiban buhat kagabi, mas matangkad pala ang talahib sa umaga. Maisan pala ito. Ang tingin niya nakatuon hindi na sa harap, kundi sa kaliwa. Nasaan ang sako, nasaan ang sako.

Sa ikatlong maisan, may nakita siyang mga nakadapang tangkay ng mais, sa pinakababa nito isang sakong puti naman talaga pero nagkulay lupa na. Hindi bababa sa sampung magsasaka ang nakapaligid dito. Ang pag-uusap nila, nakatahi sa mga mukhang pintado ng pagtataka, at pagkabahala. Dalawang patrol car ng mga pulis ang nakaparada sa gilid ng maisan. Tangan ang sako, binuksan ng mga pulis ang sakong kulay lupa.

Tumambad sa kanilang lahat ang mga paa ng asong may balahibong kulay abo.

Dahil sa dami ng mga pulis, dumiretso lang ng takbo si Arturo habang mahimbing pa rin sa tulog ang driver. Pero hindi pa rin mawala sa isip niya ang mukhang ibinungad sa kanya ni Mang Ben habang nasa dalampasigan silang dalawa. Maraming salamat, Bangis. Dolor, susunod ako ha. Hintayin mo ako. Mahal kita. Kailangan niyang bumalik, kahit ano pang mangyari.

Pagkasenyas niyang kakaliwa siya, bumalik ang tingin niya sa gitna, pero sumalubong sa tingin niya ang isang kuting na tumatawid sa daan, pero habang papalapit siya, sa halip na kumaripas, ginamit ang mga paa para ikubli ang sarili sa paparating nilang kotse. Pumreno siya pero hindi sila tumigil, ikinabig sa kaliwa ang kotse at muling umiyak ang gulong nila.

Nang masilayan niya ang kanang bahagi nila, may kasalubong silang trak na may kaladkad na container van. Bigla rin itong pumreno pero wala sa kanilang dalawa ang tumigil. Hanggang sa ang lahat, naging itim. At ang mga huni ng ibon sa himpapawid, napalitan ng iyak ng mga usina.

[Entry 167, The SubSelfie Blog]

About the Author:

Dano Tingcungco has been a news reporter for GMA News since April 2007 and a recipient of the GMA President’s Medal while in college. Dano is a Journalism graduate from the College of Mass Communication in UP Diliman. His undergraduate thesis ‘The ‘Butcher’: A political profile of Retired Major General Jovito Palparan Jr. received recognition as Best Thesis and he wrote about it for his first article for SubSelfie.com.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s