Bobo raw ang mga Pilipinong mahina sa wikang Ingles. Ipinagbubunyi naman natin ang mga kababayang bulol sa sariling wika pero may twang kung magsalita; yaong palagiang magkasundo ang subject-verb agreement; at iyong nakapagsusulat nang walang bahid at perpektong Ingles. Sila ang mga pinupuri, hinahanggaan at pinapalakpakan.
Sa bansang tila paliparan lamang kung ituring ng marami, nagsisilbing tiket ang kasanayan sa wikang Ingles, lahok sa lakas at tibay ng loob, tungo sa inaasam na greener pasture. Habang nag-iipon ng pambayad ng placement, ito rin ang wikang posibleng pagkakitaan muna sa tulong na rin ng industriya ng Business Process Outsourcing.
Kaya maraming salamat sa wikang Ingles. Marami na ang nabawas sa bilang ng mga walang trabaho. Patutunayan pa nga ng mga numero na naiangat nito ang ekonomiya Pilipinas, dagdag sa mga padala ng mga Pilipinong migrante. Ang wikang Ingles na nga ang isa sa iilang comparative advantage ng ekonomiya ng Pilipinas.
Subalit ang anumang itinuring na banyaga, hindi angkop maging natural. At anumang hiram, hindi nakatadhanang maging sa atin.
Jologs ang Filipino?
Iba ang dating ng wikang Ingles sa ating mga Pilipino. Sa Facebook, mas sosyal basahin ang mga post na sa Ingles isinulat. Mas sosyal ring pakinggan ang Ingles sa pakikipag-usap lalo sa mga kapihan. Pangmayaman nga raw ang wikang Ingles. At aminin man natin o hindi, mababa ang tingin ng marami sa sarili nilang wika. Jologs pa nga kung ituring ng iba.
Ang henerasyong ito at ang henerasyon ng ating mga lolo at lola, lumaking itinuturing na Ingles ang dila ng mga edukado at may mataas na pinag-aralan. Pinalaki tayong tinuturuang Ingles ang angkop na wika para sa pormal na pakikipagtalastasan sa paaralan, pamahalaan at opisina.
Subalit habang sa wikang Ingles isinasagawa ang mga opisyal na komunikasyon at transaksyon ng gobyerno, sa wikang Filipino nag-uusap ang mga kawani nito, at madalas sa minsan, maging ang mga opisyal. Matingkad ngang hirap ang marami na maging bihasa sa kapwa Ingles at Filipino, o kahit alinman sa mga ito. Lumilitaw ito sa pakikipag-usap natin sa text o maging sa e-mail. Hirap ang marami na makabuo ng diretsong Ingles o diretsong Filipino.

Madali namang maunawaan ang ganitong scenario sapagkat tayo mismo’y lito. Nakalilito madalas sapagkat habang gumagamit ng wikang Ingles sa pagsasalita man o pagsusulat, isinasalin pa muna natin ito mula sa Filipino patungong Ingles. Ganito ang proseso sapagkat hindi natural ang wikang Ingles sa lubhang marami sa atin.
Mas matagal ang proseso dahil itinuturing man natin ang mga sarili na aral at sanay sa nasabing wikang banyaga, hindi ito ang natural na likaw ng ating sikmura. Hindi Ingles ang natural na dila ng marami nating kababayan. Nakakatawa (at nakapagtataka); hindi ba na kahit ang pinakamatatalino nating mga kababayan, bihasa sa Ingles pero hirap sa pormal na paggamit sa sarili nating wika?
Epol-Apple

Ang kasaysayan ng praktikal na problemang ito sa wika’y mababalikan natin sa pagpapatayo sa Pilipinas ng mga pampublikong paaralan ng kolonyal na Amerika noong 1900’s. Sa pamamagitan ng “pampublikong edukasyon,” na itinuturo sa ating isa sa mga “pinakamagandang impluwensya” ng Amerika kahanay ng demokrasya, sinelyuhan ng sapilitang pagtuturo ng Ingles ang habambuhay na ugnayang-pangkultural nila sa Pilipinas.
Mula sa wikang Español na siyang dila ng mga naghaharing-uri at edukado bago dumating ang mga Amerikano, ginawa itong Ingles. At mula noon hanggang ngayon “Apple” ang katumbas ng titik “A” sa pagtuturo ng alpabetong Filipino. Nakakita ka na ba ng puno ng mansanas sa Pilipinas?
Sa pagtuturo ng kolonyal na Amerika ng banyagang wika sa mga Pilipino, kasabay nitong isinalin ang kanilang mga kalinangan, gawi at kultura — pawang hiram. Huwag nating ipagkamali. Ang wika’y hindi lamang basket ng mga titik at salita. Maraming beses nang nasabi at ilang ulit nang naipaliwanag ngunit nalilimutan sa tuwina na ang usapin sa wika’y usaping pampulitika. Ang wika ay likha o produkto ng lipunan kaya ito’y may katakdaang kultural, gaya ng sabi ng propesor ng wikang si Patricia Melendrez-Cruz sa Mga Piling Diskurso sa Wika at Lipunan (1996).
Mangyaring higit sa usapin ng nasyonalismo, at higit sa isyung pedagogikal o pagkatuto, usapin sa pulitika at kasaysayan ang usapin sa wika. May itinutumbas na kapangyarihan ang wika. Tinutukoy ng kakayahang mag-Ingles ang narating na antas na edukasyon. Sapagkat Ingles ang pangunahing medium sa kolehiyo, ito ang naging behikulo ng karunungan, kakayahang umangat sa buhay, at kapangyarihang pampulitika at pang-ekonomiya.
Lantad ang ganitong pagtatangi sa wikang Ingles dahil ito ang dila ng gobyerno, mga korporasyon, at ng pampublikong edukasyon. Kaya sa konteksto ng ating bansa kung saan may kalahati ng populasyon ang mahirap at marami ang hindi na nakapagkolehiyo, paano mo aasahang makapagsasalita sila ng diretsong Ingles? Paano ngayon sila aasahang makilahok sa “matatalinong” diskusyon na sa Ingles isinasagawa ng gobyerno at sa Ingles din isinusulat ng mga pangunahing diyaryo sa Pilipinas?
Isang tanong mula pa noong 1960 ang sinipi ni Melendrez-Cruz ang akmang-akma pa rin sa sitwasyon natin ngayon: “Paano magkakaroon ng edukasyon para sa demokrasya kung ang wika ng paaralan ay hindi siyang wika ng sambayanan? Paano makalalahok ang taumbayan sa mga talakayang publiko, siyang kalikasan ng demokratikong pamahalaan, kung ito’y hindi sa wika nila ginagawa?”
Hindi naman masasabing taus-pusong nililinang ang wikang Filipino sa maraming mga unibersidad dahil wikang banyaga pa rin ang patuloy na ginagamit sa mga silid-aralan. Sa katunayan, binalewala na nga ang pagpapanday sa sarili nating wika sa kolehiyo sa bisa ng Memorandum Order 20 series of 2013 ng Commission on Higher Education. Sa ilalim ng kautusang ito, ipinag-utos ng ahensya na hindi na kailangang ituro ang wikang Filipino. Naituturo na raw kasi ito sa loob ng programang K to 12.
“Weird Affectation”
Ang mga ganitong baluktot na pagtingin patungkol sa sariling wika, mababasa sa isang editoryal ng pahayagang Manila Times. Ipinagtataka nila ang umano’y “kakaibang pagkahumaling (weird affectation)” ni Pangulong Noynoy Aquino sa wikang Filipino, na palagian niyang ginagamit sa kanyang taunang State of the Nation Address.
Hindi na kayang isa-isahing at bigyan ng kontra-argumento ang bawat puntong editoryal, subalit sapat nang argumento na ang publikong mas matatas sa Filipino ang nakikinig nito kaya narararapat lamang na sa wikang ito ihatid ang ulat ng Pangulo, sampu ng lahat ng ulat at transaksyon ng gobyerno.
Sapagkat ang wika’y kapangyarihan at taumbayan ang pinamamahalaan, nararapat lamang na sa sarili rin nilang wika isagawa ang pamamalakad. Kung hihiramin ang turing ng Manila Times, kung tutuusin, tayo mismo ang may “kakaibang pagkahumaling” sa wikang Ingles. Sapagkat saan ka nga makakakita ng bansang iba ang sinasalita sa wika ng kanyang kaluluwa?
Ito ang isa sa pinakamalaking kabalintunaan ng ating henerasyon: ang pagkahumaling sa wikang Ingles na hindi atin at kailanman, hindi magiging atin. Kailangang linangin at lalo pang pagyamanin ang sarili nating wika na siyang wika ng taumbayan — bitbit ang adhikain ng pagkatuto at pagbabago para sa nakararami. Magsisimula lamang ito sa pagkaunawa na may pulitika sa wika at anak ito ng mahabang kasaysayan at tunggalian.
Editor’s Note: Unang nalathala ng SubSelfie ang sanaysay na ito noong Agosto 2015 at bahagyang na-update para sa muling paglathala ngayong Buwan ng Wika. Ang ritratong ginamit sa header ay pag-aari ni Ella Cariño ng Save the Children Philippines.
Tungkol sa Awtor

Si Toni Tiemsin ay ang Punong Patnugot ng SubSelfie.com. Hawak niya ngayon ang Media and Communications portfolio sa Luzon Office ng Save the Children Philippines, ang nangungunang NGO para sa mga bata. Dati siyang Executive Producer, Supervising Producer, Segment Producer, Writer at Researcher sa GMA News. Narito ang iba niyang mga kwento at tula.









Leave a comment