
Ang Pilipinas, may mahigit pitong libong isla. Maraming beach (at, oo, pati bitch). Pero ang mas inaasahan at pinagkakakitaan, mga lupang sakahan at mga dagat na pangisdaan.
Dalawa sa bawat limang manggagawang Pilipino, nasa agrikultura. Dalawang piso sa bawat sampung piso ng Gross Domestic Product, mula sa sektor na ito.
Kung isasama pa ang mga industriyang upstream at downstream, halos 50% ng GDP ang sagot ng agrikultura. Pero 75% ng mga nakatira sa rural areas, nananatiling mahirap. Mismong pamahalaan ang naglabas ng datos: sa bawat sampung magsasaka at mangingisda, hindi bababa sa apat ang naghihikahos. Bakit kaya?
Walang sapat na irigasyon ang humigit-kumulang 142,125 ektarya ng sakahan. Walang sapat na ani. Walang sapat na kita. Walang sapat na pera. Walang sapat na pagkain. Walang sapat na pampaaral. Walang sapat na pambili ng damit.
Sa madaling sabi, hindi makapamuhay nang marangal.
Heto pang malala. Halos kalahating milyong magsasaka pa ang dapat tumanggap ng sariling lupa. Japan, South Korea, Malaysia at iba’t ibang bansa sa Europa — nagtagumpay sila sa pamamahagi ng lupa at pagsuporta sa agrikultura. Anong tawag sa kanila? First World. Newly industrialized countries.
Pero ang Pilipinas, dalawa’t kalahating dekada nang may Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), hindi pa rin nasosolusyunan ang problema.

Hanggang 2011, may 981,351 na ektarya pa ng sakahan ang hindi pa naipapamahagi.
Bakit nga ba hindi? Ayon sa Department of Agrarian Reform:
“Before the present DAR leadership took over, the systems and processes that were then in place (and in some cases, the competencies and inclination of field personnel as well), were either inadequate or unsuited for the acquisition and distribution of the remaining undistributed lands: large private agricultural land a bulk of which will have to be covered through compulsory acquisition.”
Sino ba kasi ang may-ari ng lupa? Marami sa kanila, sila ring nasa pamahalaan. Nagtaka ka pa na sa kabila ng pagdating ng H & M, Cotton On, Zara, Aeropostale, Forever21 at iba pang bagong brands, third world pa rin ang Pilipinas.
Armas sana ng pamahalaan laban sa malawakang kahirapan ang Agricultural Fisheries Modernization Act of 1997. Narinig niyo na ba ‘to? Malamang hindi. May nangyari ba? Ewan. Pero parang wala. Nakakalungkot? Hindi. Nakakaawa? Lalong hindi. Nakakayamot. Nakakagalit!
[Entry 8, The SubSelfie Blog]
Editor’s Note: This article came from the author’s research paper for the UP Asian Center last March 2013. June 30, 2014 is the deadline for the Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPER). Sources: BAS, DA, DAR, FAO, GMA News, NAFC, NSCB, Official Gazette & PDI.
About the Author:
Toni Tiemsin is the Editor-in-Chief of SubSelfie.com. Presently, he is a Media and Communications Officer of international NGO Save the Children. Before his work in the development sector, Toni was an Executive Producer for GMA News hourly and breaking news spot, News Producer for primetime newscast 24 Oras, and the Supervising and Associate Producer of GMA News investigative and features unit Special Assignments Team. Journalism 2009, UP Diliman. Read more of his articles here.







Leave a comment